Huwag Maliitin…

Huwag Maliitin…

Ni Apolinario Villalobos

 

…ang mga magsasaka –

sila na paglaruan man ng panahon

sa kagipita’y pilit pa ring umaahon.

 

…ang mga mangingisda –

sila na sa gitna ng galit′ na daluyong

at hagupit ng habagat ay ‘di uurong.

 

…ang mga tindera’t tindero-

sila na umula’t umaraw, nagsisikap

kaya’t kakambal na yata  ang hirap.

 

…ang mga panadero –

sila na tigmak ng pawis sa pagmasa

upang may pan de sal tuwing umaga.

 

…ang mga drayber –

silang ang simpleng hawak sa manibela

katumbas ay biyahe na walang sakuna.

 

…ang mga dyanitor –

sila na bawa’t palis ng hawak na walis

ay hinahangad nating paligid na malinis.

 

…ang mga mesendyer –

silang masigasig, sumasagasa sa ula’t init

‘Di rin alintana ang bagyong humahagupit.

 

…ang mga tagalinis ng kalsada –

sila na ang iba’y mga senyor nguni’t maliksi

daig ang ibang kabataang tamad, walang silbi.

 

…ang mga basurero –

sila na hindi alintana ang alingasaw ng basura

mapalinis lang ang paligid, lalo pang gumanda.

 

…ang mga titser –

sila na halos lahat  gagawin para sa mga kabataan

kaya sarili mang pera, handang ibili ng kagamitan.

 

(sa susunod na ang iba pang tribute…)

 

Daniel Dejapin…batang Ermita

Daniel
…batang Ermita
(para kay Daniel Dejapin)
Ni Apolinario Villalobos

Batang kalye kung ituring ng iba
Subali’t panglalait, ‘di niya alintana
Ang nasa isip ay kung paanong mabuhay
At matupad ang pangarap na siya’y magtagumpay.

Ni hindi naisip, gumawa ng masama
Dahil panlalamang ‘to ng kanyang kapwa
Payak na pangarap, sa kanya’y gumagabay
Tumulong sa iba, kapag siya nama’y magtagumpay.

Nagtitiis sa init ng araw at lamig ng ulan
Kailanga’y magsikap at walang nasasandalan
Kaya’t sa Roxas Boulevard, abutin man ng gabi
Nagtinda ng sigarilyo at kung anu-anong mga kendi.

Talagang ang Diyos ay mabait, mapagmahal
Sa mga taong nagsisikap, matatag at marangal
Kaya sa katulad ni Daniel na ang kalooba’y busilak
Isang pagkakatao’y kanyang ibinigay, ito’y ‘di hamak.

Libreng pag-aaral sa Alemanya’y natanggap niya
Pagsisimula upang matamo’ng kanyang mga adhika
Sana ang kuwento ng buhay ni Daniel, maging inspirasyon –
Maging gabay ng iba na hangad ay maganda ring pagkakataon.

Dahil Sa TubaW

Dahil Sa Tubaw

Ni Apolinario Villalobos

 

Noong makapasa ako sa training ng PAL pinadala agad ako sa Tablas station (Romblon) para punan ang bakanteng pwesto. Dahil nasanay na akong gumamit ng tubaw (Muslim head covering/kerchief), nagsuot pa rin ako nito papunta sa Manila Domestic Airport. Sa pilahan ng check-in counter, and sinundan ko ay isang babae na napansin kong namutla nang lumingon sa akin. Inisip ko na lang na baka excited siyang sumakay ng eroplano kaya namumutla. Pagkatapos niyang mag-check in, tiningnan pa rin ako bago siya naghanap ng mauupuan. Lalo siyang namutla nang pagkatapos kong mag-check in ay sa nag-iisang bakanteng upuan sa tabi niya ako umupo. Siksikan ang mga tao sa pre-departure area kaya no choice siya kundi umupo na lang, subali’t panay ang buntong-hininga. Sa kamalasan niya, sa likod niya ako sa pilahan naman nang tawagin ang mga pasahero upang sumakay sa eroplano.

 

Pagdating sa Tugdan airport ng Tablas, halos nasa likod niya rin ako sa pagpasok sa terminal, hinanap ko agad ang office ng supervisor upang mag-report. Nandoon din ang babae at dinig ko ang sinabi sa supervisor na, “Bien, may pasahero kayong Moro, ninenerbiyos ako… at baka….”hindi pa siya tapos magsalita, sinenyasan siya ng kausap niya upang lumingon at halos himatayin nang makita ako na nakangiti ng ubod tamis! Hindi siya nagpaalam dahil sa hiya at dali-daling umalis.

 

Nagpakilala ako sa supervisor, si Mr. Bien Alvaro at ibinigay ang letter of introduction galing sa head office. Winelkam niya ako at nahalata kong tipid ang mga salita niya. Nang ma-dispatch na ang flight, ipinakilala niya ako sa iba pang mga tauhan sa airport. Kinagabihan, pinatawag niya kaming mga regular staff at naglabas ng bote ng alak. Nagulat ang mga kasama ko dahil alam nilang hindi umiinom ang supervisor, lalo na at kilalang Protestant minister din. Pang-welcome naman daw sa akin kaya okey lang. Nagpasaring ang iba kong kasama na first time niya daw ginawa yon, dahil yong iba, wala namang pa-welcome. Sa kalagitnaan ng “party”, sabi ni Mr. Alvarao, “Bot, pakiusap lang, baka pwedeng huwag ka nang magsuot ng tubaw”. Ayon….! Kaya pala. Kaya sabi ko walang problema dahil wala namang masyadong alikabok sa lugar pwera lang kung pupunta sa airport mula sa ticket office.

 

Maliit ang mga bayan kung saan nag-opisina ang PAL. Ang inabutan ko ay ang nasa Alcantara, at ilang buwan ang nakalipas inilipat ang opisina sa Looc. Sa pangalawang araw ko sa Alcantara, sinubukan kong pumunta sa palengke pagkatapos ng flight upang “mag-explore”. Tinginan ang mga tao, iilan lang naman. Nang magmiryenda ako sa isang karinderya, hindi nakatiis ang may-ari at tinanong ako kung ako yong Moro na bagong empleyado ng PAL. Sabi ko na lang, “oo, ako yong mabait na Moro…sino ang may sabi sa yo?” Sinabi niya ang pangalan ng babaeng nakasakay ko sa eroplano. Kalat na pala ang balita…nagkaroon ng Moro sa lugar nila. Naging best friend ko ang may-ari ng karinderya, kaya tuwing kakain ako ng  paborito kong “tilik” o yong mahal kung kainin sa Japanese restaurant na sea urchin roe, ay halos umapaw ang platito.

 

Sa kapapasyal ko naman sa tabing dagat, madalas kong madaanan ang isang grupo ng matatanda na nag-iinuman ng tuba. Sa umpisa tinginan lang muna, subali’t sa kalaunan, inimbita na rin nila ako. Mga retirees pala sila, ang isa judge, ang isa doctor, ang isa ay tiyuhin ni Dorothy Joy na artistang kasabay ni Nora Aunor. Doon ko nalaman na kilala pala nila si Daisy Romualdez, artista rin kasabay naman nina Susan Roces at Amalia Fuentes, at taga- Sta. Fe na hindi kalayuang bayan. Kapatid ni Daisy Romualdez si Blanca Gomez na kasabay naman ni Rosemarie Sonora. At, kainuman ko ang tiyuhin nila! May hindi nakatiis sa kanila at nagtanong na, “ikaw ba yong naka-turban na sabi nila?” Obviously, nahiya siyang magbanggit ng “Moro”. Inulit ko na naman ang pagsang-ayon. Nakilala at naging kaibigan ko si Daisy Romualdez noong na-assign ako sa Manila dahil barkada siya ng boss kong si Archie Lacson. Pinapasyalan si Mr. Lacson ng magkabarkada na Amalia Fuentes at Daisy Romualdez, kung minsan kasama si Alma Moreno.

 

Mga ilang buwan ang lumipas, dahil pinilit kong matutuhan ng dialect nila, naging matatas ako, kaya marami sa kanila ang natuwa, pati na ang ilang mga estudyante sa Looc National High School na naging kaibigan ko. Nang magdaos ng convocation sa school nila, inimbita akong maging guest speaker. Nagpakita ako ng gilas sa pagsalita gamit ang dialect nila. Sa katatasan kong magsalita ng Loocnon, meron nang ayaw maniwala na hindi ako taga-roon, lalo na at may kamukha pa raw ako! Biniro ako ng supervisor namin na kung ilang taon na daw siya sa Tablas, maski sa maliit na umpukan hindi siya naimbitang magsalita, pero ako na ilang buwan pa lang dumating, sa national high school pa naimbitahan. Sabi ko na lang, ini-promote ko ang mga flights ng PAL. Okey rin pala ang pagkaimbita sa akin dahil kainitan noon ng information campaign ng PAL para makilala sa mga probinsiya.

 

Dahil sa tubaw, nakilala ko ang kinikilalang pamilya Solidum  na ang isa sa magkakapatid noong panahon na yon ay gobernador ng Romblon. Naging close ako sa kanila lalo na sa kanyang misis na kung tawagin ko ay “Tiya Nene”. Si Yvone Solidum na pamangkin nila ay ang kauna-unahang “Miss Aviation”, isang beauty title na noon ay kahanay ng “Miss Caltex” at “Miss Philippines”, ay naging kaibigan ko rin.

 

Kalaunan, ang babaeng nataranta at ninerbiyos nang unang makita ako sa Manila Domestic Airport ay naging foster mother ko si Mrs. Nena Gacura, ang asawa niya, foster father ko naman at kapatid ang turing sa akin ng mga anak. Subali’t ang talagang original na “adopted”  ng pamilya na mga taga-PAL ay ang mga dinatnan ko na doon na sina Celso Dapo, Sonny Santiago at Oswald Alamo.

 

Nang dahil sa tubaw, nagkaroon ako ng foster family sa Romblon, nakapagsalita bilang guest speaker sa isang convocation ng Looc National High Schook, naging barkada ng mga retirees na ang paboritong pulutan sa tuba ay nilagang kamote, napainom ang dating hindi umiinom na supervisor namin, nakilala ang kauna-unahang Miss Aviation na si Yvonne Solidum….at palaging busog sa “tilik” o sea urchin roe!