Ama, Ina, Anak…
ni Apolinario Villalobos
Ama, haligi ng tahanan, na naging puhunan
ay dugo at pawis upang maitayo ito ng matatag;
Siya rin ang sa araw at gabi ay kumakayod
‘di makagulapay, kahi’t bumaluktot na ang likod.
Ina, kaagapay ng ama upang tahana’y sumaya
at lalo pang nagpapatatag nito sa lahat ng panahon;
Siyang ilaw sa lahat ng oras, nagpapaliwanag
upang walang matitisod, wala man lang mabasag.
Anak, bunga ng pagmamahalan ng ama’t ina
may sumpang hanggang kabilang buhay magsasama;
Bunga ng pagmamahalang lipos ng kabanalan
Na sa harap ng mga pagdududa’y hindi matatawaran.