Ang Mga Pahayag na Walang Laman

Ang Mga Pahayag Na Walang Laman

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga “tau-tauhan” sa mga ahensiya ng gobyerno ay parang mga loro na nagdadaldal ng mga nagawa na daw nila – puro walang laman, puro memorized. Tulad ng Department of Education Culture and Sports (DECS) na nagsasabi na one is to one na daw ang mga libro para sa mga estudyante at wala na rin daw kakulangan ng mga upuan at silid-aralan. Ginagawa nilang tanga ang mga tao. Mismong mga guro na nga ang nagsasabing wala pa ring halos nabago sa mga problema. Baka ang tinutukoy ng DECS ay mga private schools.

 

Ang DSWD o Department of Social Welfare and Development, nagsasabi na maayos ang kalagayan ng mga evacuees. Akala siguro nitong ahensiya walang TV ang mga tao, eh, madalas ang pagpapakita ng kalunus-lunos pa ring kalagayan ng mga evacuees. May mga evacuees na ngang nagta-challenge sa mga taong-ahensiya na subukan din nilang tumira sa tent maski isang araw at isang gabi lang upang madanasan din nila ang parang pugon na init sa loob nito, na kung tag-ulan naman ay tinatagasan ng tubig-ulan kaya binabaha ang loob. Ang paborito namang paksa tungkol sa mga evacuation shelters, na pinipilit ng gobyerno na marami na daw ang nagawa, puro drawing lang din. Siguro ang tinutukoy nila na maraming nagawa na ay ang mga shelters ng mga Foundations ng mga TV stations at iba pang mga NGOs.

 

Ang katahimikan na pinipilit naman ng gobyerno sa pamamagitan ng kinauukulang ahensiya nito na may malaki nang pagbabago…awa ng Diyos, kabaligtaran ang nakikita at nadadanasan ng mga tao. Talamak pa rin ang holdapan. Para ring nagsasalita sa kawalan ang hepe ng pulisya sa pagsasabi na dapat ay “magronda” o maglibot ang mga nakatalagang pulis sa mga bahagi nila kung araw sa halip na mag-umpukan. Marami pa ring nakikitang umpukan ng mga pulis sa mga malililim na lugar sa halip na “magpakita” sa mga tao upang walang mag-isip na gumawa ng masama. Pati ang huweteng, balik piyesta ang pag-operate nito.

 

Ang mga taga-DTI o Department of Trade and Industry, parang mga sirang plakang paulit-ulit na nagsasabi na walang dapat ikabahala ang mga tao dahil hindi tataas ang mga presyo ng mga bilihin. Bulag siguro ang mga taong ito o hindi nagbabasa man lang diyaryo o nanonood ng TV. Kung nakakasigaw lang mga nilalabasan ng mga balita tungkol sa walang tigil na pagsirit ng mga presyo ng bilihin, siguro hindi na tayo magkakarinigan, dahil sa sobrang ingay. Ang nakakainis ay nagdagdag pa itong mga taga-ahensiya na kung sakali daw na may tumaas man, kusa rin daw itong bababa pagdating ng panahon. Sa ibang bansa pwedeng mangyari yan dahil walang manloloko sa kanila, pero sa Pilipinas, wala ni isang kalakal na ang presyo ay ibinaba. Ang nakakabahala ay ang presyo ng bigas na ang dating nagkakahalaga ng mahigit lang sa trenta pesos na magandang klase na, ngayon ay kwarenta’y singko na! Paanong makakaya yan ng manggagawang Pilipino na ang sweldo ay hindi nataasan ng kapani-paniwalang dagdag?

 

May kwento ang isa kong kumpare tungkol sa kapitbahay nila na maraming aso. Hindi daw palabati ang kapitbahay nila, masama ang ugali. Bugnutin at nangtataboy ng mga batang humihingi ng plastic na basura. Ang napansin niya, pati ang mga aso ay parang ganoon na rin ang ugali, pati na raw ang Persian cat nila, dahil may dumaan lang sa tapat nila, kahulan na ng kahulan daw ang mga ito, ang pusa naman ngiyaw ng ngiyaw. Kung may tumawag sa gate naman, dinadamba ng mga aso. Sa nabasa kong paliwanag tungkol dito, “nararamdaman” daw ng mga aso ang saloobin ng amo nila na nakikita sa mga kilos, nagagaya nila…ibig sabihin, kung anong ugali meron ang amo, ganoon na rin ang aso. Parang gusto kong isipin na may ganyang sitwasyon sa bansa natin. Kasi may amo na magaling magsalita sa English man o Tagalog, ang mga binibitawang salita puro magaganda sa pandinig, subali’t hanggang doon na lang dahil puro walang laman…bagay na ginagaya ng mga tau-tauhan niya na natuto na ring magsalita tulad niya.

 

 

Ang Mga Fund-Raising sa Ating Bansa

Ang Mga Fund-Raising

Sa Ating Bansa

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung ating pansinin, ang mga pulitikong nasa poder ay may mga kamag-anak din na kung hindi cabinet secretary ay iba pang puwestong makapangyarihan. Ang ganitong sitwasyon ay hantarang bahagi ng tinatawag na web of political dynasty and corruption – parang bahay ng gagamba na maganda ang pagkakakahabi – matibay. Halimbawa na lang ang mga mayor o gobernador sa ibang probinsiya na may kamag-anak, first degree man o may konting kalayuan, sa mga nakaupo sa mga ahensiya ng gobyerno. Hindi kalaunan, sa pagtatapos ng term ng mga kamag-anak sa kanilang pwesto sa probinsiya, papalit ang mga kamag-anak na dating mga nasa ahensiya – na nakilala na rin, salamat sa pangulo na nagtalaga sa kanila.

 

Upang mapanatili ang paghawak- tuko sa mga pwesto ng mga ito, yong kailangang idaan sa botohan sa eleksyon, kailangan ng pondo. Kailangang magkaroon ng “fund raising”. Isa sa mga palaging binabanggit ng mga diyaryo kung bakit pinag-iinitan ng taga-administrasyon sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay dahil sa ambisyon nilang maging president at bise-presidente sa darating nga eleksiyon. At kaya daw sila nasangkot sa pork barrel scam ay dahil nag-fund raising sila upang makalikom ng malaking halaga na magagamit sa pangangampanaya. At dahil hinaharangan sila sa plano nilang ito, ganoon na lang kung idiin sila sa kaso.

 

Makikita sa mahabang listahan ni Napoles ng mga “kliyente” niya na ang mga apilyedo ay mga pangalan ng mga kilalang pulitiko sa iba’t ibang probinsiya at bayan. Mga taong nagpapagawa kunwari ng mga project para sa mga tao subali’t siniguro na may malaki silang kikitain na hindi hamak. Ang hindi alam ng mga tao, halos barya lamang ang ginastos sa mga proyekto kung ihambing sa mga kinita ng mga opisyal na ito. Nariyan ang fly-over na tawiran ng mga tao sa isang maliit na bayan ng Mindanao, na hindi naman sana kailangan, mga naglipanang basketball court at multi-purpose halls na pinakamadaling gamitan ng padded na budget, mga livelihood seminar “daw”, at kung anu-ano pa. Masaya ang mga tao, akala nila mahal sila ng kanilang mga opisyal, yon pala kinakasangkapan lamang sila upang makapag- fund raising!

 

Sa ganitong isyu, hindi na makatotohanan ang patakaran ng COMELEC tungkol sa limitasyon sa gastos ng bawa’t kandidato tuwing eleksiyon. Pati na rin kasi ang halagang pambili ng boto ay kasama na rin sa budget ng mga kandidato. Saan naman sila kukuha ng panggastos? Eh, di kay tatay o nanay na nasa kongreso o senado, di kaya ay kay pinsan na may mahalagang pwesto sa gobyerno tutal siya rin naman ang papalit bilang mayor o gobernador pagdating ng panahon, o di kaya kay utol na isang pirma lang sa isang kontrata ay milyones na ang kita, uuwi rin sa probinsiya upang maging mayor o gobernador! Ang Napoles issue ay isa lamang patak ng tubig sa basong halos ay umaapaw na. Marami pang ibang pinagmumulan, na hanggang ngayon ay pinagtatakpan.

 

Nakapagtataka pa ba kung bakit hindi matutuldukan ang political dynasty at corruption sa ating bansa? Pati nga simbahang Katoliko at mga Obispo ay naambunan!

 

 

Ama, Ina, Anak…

Ama, Ina, Anak…

ni Apolinario Villalobos

 

Ama, haligi ng tahanan, na naging puhunan

ay dugo at pawis upang maitayo ito ng matatag;

Siya rin ang sa araw at gabi ay kumakayod

‘di makagulapay, kahi’t bumaluktot na ang likod.

 

Ina, kaagapay ng ama upang tahana’y sumaya

at lalo pang nagpapatatag nito sa lahat ng panahon;

Siyang ilaw sa lahat ng oras, nagpapaliwanag

upang walang matitisod, wala man lang mabasag.

 

Anak, bunga ng pagmamahalan ng ama’t ina

may sumpang hanggang kabilang buhay magsasama;

Bunga ng pagmamahalang lipos ng kabanalan

Na sa harap ng mga pagdududa’y hindi matatawaran.

Ang Kahabaan ng Buhay

Ang Kahabaan ng Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Dalawang kasabihan ang alam ko tungkol sa kahabaan ng buhay, ang tungkol sa pusa na may siyam na buhay daw, at ang tungkol sa masamang damo na matagal daw mamatay. Nabanggit ko ito dahil sa mga pangyayari mula pa noong ako ay bata pa na nagdulot ng kapahamakan sa akin.

 

Noong ako ay wala pa sa gulang upang mag-aral, natumbahan ako ng bangko habang natutulog sa ilalim ng mesang kainan. Swak sa aking noo ang gilid ng bangko na nagpagising sa akin subali’t sandali lang ang sakit na naramdaman ko. Iyon nga lang naalimpungatan ako. Hanggang ngayon, may mababaw na gatla ang gitna ng aking noo. Nang minsan namang umakyat ako sa puno ng balimbing ng aming kapitbahay ang isang sangang nahawakan ko ay tuyo pala kaya ito ay naputol at ako ay nahulog, unang tumama ang aking likod kaya naudlot ang aking paghinga ng ilang sandali. Kinabukasan, bumitin akong patiwarik sa puno ng aming kaimito, nakaangkla lamang ang mga nakatiklop na paa sa sanga, dahil ginaya ko ang napanood kong flying trapeze sa karnabal. Nahulog ako, dibdib naman ang nauna.

 

Noong nasa grade 1 ako, sumama akong maligo sa isang maliit na “ilog” (actually, malalim at malaking irrigation canal ito). Hindi ako marunong lumangoy subali’t dahil may nakita akong ibang bata na naglalangoy-aso, naisip kong kaya ko rin kaya lumundag ako sa tubig, lampas tao pala at malakas pa ang agos. Habang inaanod ako, panay naman inom ko ng tubig, hindi makasigaw pero kumakaway, kaya kinawayan din ako ng iba. Mabuti na lang at sumabit ako sa mga nakalaylay na mga talahib na agad kong kinapitan. Sa bahay naman, lumusot ako sa sahig na kawayan ng aming batalan, diretso sa maburak na lupa. Naligo na lang ako at nang magtanungan kung bakit may butas ang batalan, hindi ako kumibo, maski pa sa akin sila nakatingin.

 

Noong minsang natulog ako na suot ang malaking shorts ng aking kuya, ginamitan ko ng imperdible ang garter upang mahigpitan ang baywang. Nagising ako bandang madaling araw dahil may naramdaman akong sakit sa aking tagiliran. Iyon pala, nakalas ang imperdible at bumaon ang talim sa buto ko sa balakang. Nabunot ko nga subali’t medyo may kahirapan. Nang tanungin ako kung bakit may dugo ang shorts kinabukasan, sinabi ko na lang na nasugatan ang baywang ko sa tindi ng kamot.

 

Noong na-assign ako sa Romblon nang pumasok ako sa PAL, ugali kong maligo sa dagat na ilang hakbang lang ang layo mula sa bahay na tinirhan naming mga empleyado. Isang hapong malalaki ang alon, pinilit ko pa ring lumangoy kaya natangay ako sa malayo. Mabuti na lang at may dumaang mangingisda kaya isinakay ako sa bangka niya at dinala sa tabi. Naging kainuman ko ng tuba ang mangingisda mula noon.

 

Nang inilipat ako sa Maynila mula sa Romblon, napatira ako sa Paraῆaque at dahil sa pakikisama ko, madalas akong makipag-inuman sa mga istambay. Isang beses nahaluan kami sa inuman ng isang makulit. Sa inis ko binigwasan ko siya pero dahil nakainom ako, hindi ko tinamaan ang gusto kong tamaan, mali pa ang porma ng kamao ko, kaya ang nangyari mata niya ang pumutok, lumubog naman ang dalawang “knuckle bones” ko, may pilay ako sa kamay at sumikip pa ang dibdib ko sa sobrang galit kaya itinakbo ako sa ospital. Mabuti daw nadala agad ako dahil heart attack pala ang inabot ko. Tumakas din ako mula sa ospital, kaya muntik na akong matanggal sa trabaho.

 

Nang magkaroon ako ng second hand na “beetle” (Volkswagen) na sasakyan, tatlo ang hindi magandang karanasan ko sa pagmaneho nito. Una ay nang masira ang daluyan ng langis patungo sa brake nito na ang tagas ay nagsimula pala pag-alis ko pa lang sa opisina hanggang umabot sa unang traffic light na tinigilan ko sa Roxas Boulevard. Mabuti na lang at nakita ng cigarette vendor kaya itinabi ko. Sumunod ay nang mabangga ako ng rumaragasang sasakyan mula sa isang intersection, at ang pangatlo ay nang lumipad ako sa ere at umikot ng dalawang beses bago lumapag sa maputik na palayan dahil sa pag-iwas sa trak na sumalubong sa akin, nag-overtake kasi siya sa sinusundan niyang kotse. Ang pangyayari ay nakita ng mga istambay at akala nila ay patay na ako. Sandaling black out ang nadanasan ko. Nakahawak pa rin ako sa manibela pero nakalas sa braso ko ang aking relo pati mga sapatos ko ay sa likod ng kotse ko na nakita. Inabot kong umiindayog pa ang rosary na bigay ni Celso Dapo, kasama ko sa trabaho, na binili niya sa Jerusalem noong pumunta siya doon. Ang rosary ay gawa sa olive wood, at ang isang “decade” nito ay sobra ng isang butil…na itinuring kong signos ng isa pang buhay para sa akin.

 

Sa isang lugar naman sa Cavite na ginawang relocation site ng mga naunang iskwater mula sa Tondo noong dekada otsenta, may isang grupo ng mga pamilya na madalas kong pasyalan dahil sa proyekto kong “goat dispersal”. Maaga pa umiinom na ang karamihan sa mga kalalakihan. May isang taong naging malapit sa akin at nagtapat na tagabili daw siya ng droga ng isang grupo, pero gusto na niyang magbago. Tinutukan ko siya at ang pamilya niya upang matulungan ng lubos. Ang hindi ko alam, markado na pala siya at balak nang itumba, kaya matagal siyang nawala upang magtago. Ang mali niya ay nang bumalik dahil may nagsabi sa kanya na makikipiyesta daw ako sa lugar nila. Ugali na kasi niyang ihatid ako sa hintayan ng jeep kapag ako ay pauwi na. Nang gabing iyon na ihahatid na niya ako, hinarang kami ng isang kotse na binabaan ng tatlong lalaking may mga mahahabang baril at kinaladkad siya upang ipasok sa nasabing kotse. Nang humarang ako, itinulak ako ng isa sa kanila sabay sabing sumunod na lang daw ako. Nang mahimasmasan ako sa pagkatulala, bumalik ako sa bahay na aking pinanggalingan, subalit iilang hakbang pa lang ang nagawa ko, may narinig na kong sunud-sunod na mga putok. Sabi nila, na-salvage daw ang kaibigan ko, nadamay siguro ako kung pinairal ko ang kakulitan ko.

 

Kasama ako sa grupong PAL Mountaineering Club. Noong umakyat kami sa Mt. Hibok-Hibok sa Camiguin, araw na Biyernes trese, gumulong ako sa mabatong dalisdis nito dahil nakipaghabulan ako sa mga kasama ko habang pababa na kami. Tumilapon ang kamerang dala ko, ang backpack at relo. Dalawang beses tumama ang ulo ko sa malalaking bato. Nahilo ako at matagal bago makatayo nang tumigil ako sa paggulong. May naramdaman akong kirot sa kaliwang bahagi ng ulo ko pero hindi ko pinansin dahil wala namang dugo. Ngayon, bumabalik ang kirot tuwing matindi ang init o kung makalog maski bahagya ang ulo ko.

 

Sa Quiapo, noong minsang mamasyal ako, may nadaanan akong nagkakagulong umpukan ng mga tao. Nag-uusyuso pala sa isang nagwawalang babae na may kutsilyo at halatang lasing. Nagsisisigaw at umiiyak dahil niloko daw siya ng isang lalaki, binuntis pa siya. Pati pulis hindi makalapit. Nang marinig ko siyang magmura sa Bisayang Cebuano, naisip kong kausapin siya sa dialect na yon, sumagot naman nguni’t pasigaw. Nang palagay ko ay nakukuha ko ang tiwala niya, nilapitan ko at sinubukang kunin ang kutsilyo, nguni’t matagal bago ibinigay, nag-amba pang ako ay sasaksakin. Nang naibigay na sa akin ang kutsilyo, niyakap ko siya at ipinasok sa isang malapit na restaurant upang kausapin. Halos hindi kami magkaintindihan dahil panay ang iyak niya, minumura pati ang Maynila. Hinuthutan kasi siya ng lalaki at kaya siya nandoon ay upang hulihin niya sa pinupuntahang babae, subali’t hindi niya inabutan. Nang may mabanggit siya tungkol sa balak niyang pag-uwi na lang, sinabi kong handa akong bigyan siya ng pamasahe at baon. Doon pa lang siya nahimasmasan. Inihatid ko siya sa boarding house niya sa Sampaloc at kinabukasan, maaga pa ay sinundo ko upang ihatid sa piyer upang sumakay sa barkong biyaheng patungo sa Cebu. Nagpasalamat ako sa boss kong inutangan ko ng pera.

 

Kung magbabalik-tanaw ako, malaki ang pasalamat ko na sa probinsiya ako nakapagtapos ng pag-aaral kahi’t nakapasa ako sa scholarship exam ng Mindanao State Univesity (MSU) sa Marawi Cit at UP-Diliman. May scholarship nga wala namang perang pang-allowance, kaya sa amin na ako nag-aral. Dahil sa ugali at mga prinsipyo ko, ngayon ko naisip na malamang hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo at malamang napasama ako sa mga grupong makakaliwa kung sa MSU o UP ako nag-aral. At, malamang sa malamang….patay na ako at nakabaon sa walang tandang hukay sa dalisdis ng hindi matukoy na bundok.

 

Noong panahong patapos na ako ng kolehiyo at bago pa lang ibinaba ang Martial Law, pinatawag lahat ng mga estudyante sa plasa upang makinig sa paliwanag ng mayor tungkol sa layunin ni Marcos. Pagkatapos niyang magsalita, nagtanong siya kung mayroon sa hanay ng mga estudyanteng gustong ring magsalita, itinulak ako ng mga classmate ko sa stage. Habang nagsasalita ako, nasa tabi ko ang mayor at narinig ko ang tanong sa kanya ng kanyang bodyguard na: “ano mayor, desisyunan ko na ini? (ano mayor, dedesisyunan ko na ito?)”. Sabi ng mayor, huwag dahil kilala ko ang pamilya ng batang ito. Subali’t sandali lang may narinig nang mga putok mula sa hindi kalayuan. Mabuti na lang hinila ako ng mga classmate ko pababa ng stage. Nalaman namin, nanakot lang pala ang nagpaputok na isa sa mga bodyguard ng mayor.

 

Hindi pa rin ako nadala. Nang pumunta ang isang babaeng popular na makakaliwa sa amin, upang mangampanya laban sa Martial Law, “nakulong” siya at hindi makalabas sa dami ng checkpoints. Kinausap ako ng isang madre upang hingan ng tulong. Nakahanap ako ng jeep na masasakyan niya, awa ng Diyos, nakalusot siya sa dalawang checkpoints dahil may kasamang mga madre. Ako naman binuntutan mula noon ng MISG.

 

Napakarami pang gusot ang aking napasukan dahil sa katakawan ko sa adventure pero nagpapasalamat ako at nakakaya pa ng pising hawak ko. Kung minsan, hindi maintindihan ang buhay…

 

 

The Philippine Politics Today and How History May Treat It

The Philippine Politics Today

And How History May Treat It

By Apolinario Villalobos

 

Since time immemorial, that is including the period covered by the Old Testament, the struggle for power or supremacy is dictated by either, the thickness of blood, the weight of friendship and greed or the strength of principle. Kings eliminated threatening kin to maintain their power, cousins fought cousins, and sons fought fathers.

 

The same stories infest the air of politics anywhere today, and that includes the Philippines. Filipinos are not stranger to stories about uncles who ran against nephews in their bid for topmost political position in their provinces, cities or towns during elections. There are even stories about a son who pitted influence against his father. Just recently, the case of half-brothers, Jinggoy Estrada and JV Ejercito has been dragged to the limelight of politics when the latter affixed his signature as an affirmation to the condemning result of the investigation of the former, his half-brother, regarding his involvement in the pork barrel anomaly. JV Ejercito insists, it is for the sake of principle to which some people commented that he can rightfully say that, if he is “clean”, not stained with any controversy since the time he was at the helm of the city of his birth.

 

They say that just like in the show business, there are also no permanent friends in politics. Politics is governed by the principle of cut-throat survival. If one decides to enter politics, he must have strong guts and firm resolve to survive at all cost. As one enters the arena, he brings with him the name and honor of his family, practically, exposing them to risks. There is the risk of the family’s name to be mentioned in history books when even a simple investigation has not brought anything to light, yet. And, it has been proven that entries in the historic annals can be manipulated. Woe then, to the highly-principled politician who do not want to dance with the music!…or play the game of charade!

 

Historians get their input from newspaper clippings, aside from recorded interviews and files of courts. Even nonsensical incidents are not spared. So expect to read in updated history books about the hiding of the late President Cory Aquino under a bed during one of the coup d’ etat, the traditional jumping of former President Fidel Ramos every eve of the new year, the alleged drinking sprees of former President Joseph Estrada with his friends in Malacaῆan Palace, the sad face of former President Gloria Arroyo while mumbling in front of TV cameras her famous “sorry” with reference to an election anomaly, and the popular reference of sarcastic media people to the bunch of Palace secretaries of President Pnoy Aquino, as “student council”.

 

With the eruption of the pork barrel fund scandal, the sparks of which did not spare congressmen and senators, we should expect colorful pages of the Philippine history books in the future. It will surely include too, the spineless stance of the country against the assertive moves of China with regards to the West Philippine Sea/South China Sea issue, the turtle-paced rehabilitation of the areas devastated by typhoon Yolanda, the escape of masterminds/financiers of drug laboratories despite months of surveillance, and many more.

The mind of the present generation, a fraction of which does not even know where the birthplace of Andres Bonifacio will be more confused after failing to connect the years that cover the turning point of the country’s history – the period of the Martial Law to the time that saw Emilio Aguinaldo raising the Philippine flag from the balcony his home in Kawit, Cavite.

 

A practical suggestion for the youth of today is for them to try to understand how the country has evolved into one riddled with controversies, anomalies, corruptions, etcetera, by understanding what are happening today and go backwards – flip the country’s historical pages, to know if they deserve the situation they are in now. With that, they will know, if they can still stand for what “Filipino” means.

 

Utos ng Pangulo

Utos ng Pangulo…

Ni Apolinario Villalobos

Nakakainis nang pakinggan ang mga pinuno ng mga ahensiya na sa tuwi na lang mag-report tungkol sa kanilang ginagawa kapag ini-interview, ay palaging dinudugtong ang “utos ng pangulo”. Ano ang nangyari sa kanilang mga mandato na dapat ay nakasulat sa kanilang job description? Kumikilos dapat sila nang may kusa. Lumalabas tuloy na hindi sila kikilos kung hindi sila uutusan ng pangulo. Ang madalas na dinudugtungan ng ganitong kasipsipan ay mga report tungkol sa mga project na minamadali. Hindi ba nila pwedeng madaliin ang pagtapos sa mga project kung hindi sila uutusan ng pangulo? Dahil sa ganitong ugali, nagkakaroon tuloy ng dahilan ang iba na hindi kumilos.

Pagsisipsip ang pagsabi na napapadali ang mga project dahil inutos ng pangulo. Kulang na lang ay humalik sa mga paa ng pangulo ang mga hepe ng ahensiya, upang ipakita na sila ay handang tumalima anumang oras na sila ay utusan. Nagmimistula tuloy silang mga robot na de-susi.

Minsan sa TV may ininterbyu na hepe ng isang ahensiya, at ang background ay wasak na tulay. Nang tinanong ng reporter ang hepe kung ano na ang nagawa ng ahensiya tungkol sa tulay, sumagot ang hepe ng “ah, darating na po ang mga materyales, minamadali nga po dahil utos ng pangulo”. Tanga na mababaw pa, at lalong sipsip! Ang tulay ay ginawa dahil kailangan ng mga taong apektado, kaya dapat ang mga ito ang ginawa niyang dahilan upang mapadali ang proyekto, at hindi ang pangulo na nasa Malakanyang!

Yong isa namang hepe, ininterbyu rin sa TV tungkol sa successful nilang pag-raid sa isang drug den, ang sabi, “ nililinis namin ang lugar na yan dahil talamak sa droga…yan kasi ang utos ng pangulo! Siguro yong pagpapatakas ng mga may-ari ng drug den at laboratory ay utos din ng pangulo. Kasi ang nahuhuli kadalasan sa kabila ng kung ilang buwang surveillance daw, ay mga tauhan lamang, mga caretaker. Ang mga may-ari, sumakay na ng eroplano palabas ng Pilipinas. Kung bakit, sila lang ang nakakaalam.

Yong isa pa, nagpa-interbyu rin, background naman ay pila ng mga evacuees na binibigyan ng mga plastic bag na karaniwang laman ay dalawang de lata at ilang kilong bigas, nagsabi na, “kailangan naming bilisan ang pamimigay ng relief goods…sabi kasi yan ng pangulo”. Kaya pala nagkakabulukan ng mga donasyong pagkain sa mga bodega dahil naghihintay ng utos pangulo.

Batay kay Janet Lim Napoles ang unang kongresman na naging kliyente daw niya sa kanyang “negosyo” ay ang kalihim ngayon ng Department of Budget Management (DBM), noong ito ay kongresman pa. Si Abad daw ang nagpaliwanag sa kanya (Napoles) kung paanong makakuha ng mga pork barrel sa pamamagitan ng mga NGO at Foundation. Ibig sabihin, matagal na pala itong nangyayari. At dahil walang patid ang operasyon, sa mismong DBM pala ito nakasentro. Marami kayang alam si Abad kaya hindi siya matinag-tinag sa kanyang pwesto, maski ng kasalukuyang administrasyon bilang kalihim ng ahensiya? Iyan din kaya ang dahilan kung bakit siya ang inilagay ng pangulo sa DBM? Wala pang utos ang pangulo na siya ay imbistigahan. Sino ang mag-iimbistiga, mga senador na karamihan ay sinasabing sangkot din?

Hugas kamay ang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC), si Abaya sa nangyari kay Vitangcol na nabistong nag-award sa kanyang kamag-anak ng multi-million project upang magmintina ng operasyon ng MRT, kahit na isa siya (Abaya) sa mga pumirma ng kontrata. Ang sinasabi niya ay wala siyang panahon upang ma-check kung ang mga bidders ay kamag-anak ng nagpa-bid. Kung wala siyang panahon sa pagpapatupad ng isang responsibilidad na itinalaga sa kanya bilang kalihim, dapat mag-resign na rin siya. Si Vitangcol ay sinasabing magre-resign, pero si Abaya, wala pang balak. Wala pa kasing utos ang pangulo.

Sa mga nangyayari na nakakabahala na, wala man lang reaksyon ang Malakanyang. Dahil lahat ng ahensiya ay naghihintay ng utos ng pangulo, wala ngang mangyayari sa inaasam ng mga Pilipino na mga pagbabago. Sa isang banda, kung ang lahat ng mga hepe ng ahensiya ng Pilipinas ay ganito ang ugali – puro kasipsipan ang laman ng utak, may maasahan pa ba ang mga Pilipino? Kaya hindi na rin nakapagtataka ang may kapagungang pag-usad ng bansa tungo sa maayos na pamumuhay ng mga mamamayan.

Nang minsang tinanong ko ang barberong kumpare ko kung anong masasabi niya tungkol sa matuwid na daan, sabi niya, sa probinsiya daw nila, may matuwid na kalsada kalahati nga lang daw ng lane, matuwid daw ito at ang tinutumbok ay ilog na dapat daw ay nilagyan ng tulay noon pa, pero ang alam sa kanila, naubos na ang pondong gagastusin. Sabi ko hindi yon ang ibig kong sabihin, pinaliwanag ko na ang tinutukoy ay yong sinasabi ng presidente na matuwid na daan. Buwelta niya… sinong presidente? Sa sinabi niya, naalala ko tuloy ang kasabihang, walang mababastos, kung walang magpapabastos…si Pnoy!

Kuwento ng Mga Buwaya at Linta

Kuwento ng Mga Buwaya at Linta

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga buwaya at linta ay kinatatakutan. Ang mga buwaya ay sa katihan madalas matatagpuan o hindi kaya ay sa mga sapa at ilog. Meron din nito sa mga tabing dagat na may mga bakhawan. Ang mga linta naman pati na ang pinsan nilang limatik kung tawagin ay sa ilalim ng mga tuyong dahon sa kagubatan matatagpuan, meron din sa mga tabing- ilog. Ang mga linta na madalas makita ay yong may kalaparan ang katawan, at ang limatik naman ay kulay itim na parang toothpick ang laki ng katawang maigsi, subalit limang doble ang nilalaki kapag nabundat na sa dugong masipsip. Pagdating sa kainan, sakmal ang ginagawa ng buwaya, at ang linta naman ay paninipsip.

 

Sa ating bansa hindi na kailangang pumunta sa katihan o ilog o gubat upang makakita ng mga ganitong uri ng nilalang ng Diyos. Sa mga malalaking bulwagan na aircon ay marami nito, naglilipana. Ang mga katawan ay nababalot ng kumikinang na mga alahas at mga damit na ang halaga ay kahalintulad sa dalawang taong budget ng isang mahirap na pamilyang Pilipino. Ang mga gahaman ay animo buwaya kung sumakmal ng pera sa kaban ng bayan. Ang iba naman ay may kahinhinang sumisipsip ng paunti-unti ng pera ng taong bayan sa hangaring hindi mabisto agad.

 

Magagaling din silang umarte na animo ay walang kasalanan, kaya tuloy ang pobreng babae na promotor daw ng pork barrel scam ay nakayuko lang at ang nasasambit ay, “I invoke my rights….”, hindi makatingin sa mga taong naglilitis sa kanya sa loob ng isang malaking bulwagan. Tingin kasi ng nalilitis sa mga taong lumililitis sa kanya ay mga buwaya na sa konting pagkakamali niya sa paglahad ng kanyang saloobin, pagtutulungan siyang lalapain ng mga ito. Kaya para feeling safe siya, naghanap muna ng mga kakampi. Nagpa-opera pa para makumpleto ang drama, at naglabas ng lista, na para bang sinabi niyang, “….ayaw nyo rin lang akong ituring na kauri ninyo… iyan…magdusa kayo…susunod na lang ako!” Kaya ang nangyari, nagkabulasawan sa lubluban ng mga buwaya, nagpisikan ang mga linta!

 

Ang taong “keeper” nila, siguro hindi na rin mapakali.