Ang Pagtitiyaga
(para kay Glace Lapuz Fernandez)
Ni Apolinario Villalobos
Lahat ng tao ay gusto ang maginhawang buhay
At hangga’t maaari, ito sana ay walang kapantay
Nang sa tuwing umagang paggising, may aliwalas
‘Di lang sa paligid, pati sa mukha rin ay nababakas.
Kung walang tiyaga walang nilaga, ito’y kasabihan
Di pinapansin lalo na ng ilang pinaiiral ay katamaran
Subali’t kung sino ang mga may ganitong pag-uugali
Siya pang maingay sa pagreklamo at magaling manisi.
Hindi lahat ng bagay ay nakukuha ng ganoong kadali
Dapat pagtiyagaa’t paghirapan, ano mang mangyari
Kung sa paglikha ng Diyos, anim na araw ang ginugol
Pagpapakitang dapat sa lahat, tiyaga lang ang nauukol.
Lahat ng ating ginagawa, dapat may kaakibat na tiyaga
Hindi maaaring magmadali dahil masakit ang madapa
Ang pagtitiyaga ay nangangahulugan din ng pag-iingat
Upang ang buhay natin ay maayos, na siya lang dapat!