Ginawa ko itong kanta, noong ako ay nasa second year high school. Isinali ko sa isang songwriting contest noong 1980 sa Manila, at ang sponsor ay isang maliit na recording company… sarado na ngayon. Hindi ko nabawi ang original tape ko. Ilang buwan makalipas, may lumabas na kantang kapareho ng tema ng ginawa ko, pati title pareho, at ang tono, halos kapareho din…unang tikim ko ng pambibiktima ng plagiarist. Hindi ko na lang pinansin at kinalimutan ko na. Pero kinakanta ko pa rin ito sa mga folkhouse noong nagsa-sideline pa ako bilang folk singer, dahil maliit ang sweldo ko sa isang regular job, hindi ko na babanggitin ang company na may pakpak. Ang folkhouse ay ang original na Bodega, sa Mabini St. (Ermita) kung saan ay kumanta din si Freddie Aguilar at ang Asin, na ang dating pangalan ay Salt of the Earth. Sinadya kong hindi lagyan ng punctuation marks ang mga lines dahil nag-iiba ang rendition depende sa kumakanta.
Kaylan Kaya?
ni Apolinario Villalobos
Nitong huling mga araw
Malimit ang patayan
Gutom at sakit
Babala sa sangkatauhan
Sa munting bagay
Mga tao’y nag-aalitan
Baril at punyal
Panlunas sa sama ng loob
Ref:
Kaylan kaya
Magkakaroon ng katahimikan
Ang sandaigdigan?
Kung lumipas na
Ang panahon ng tao? (repeat)
Lupang nabubungkal
Kalimitan ay tigang
Bagyo at baha
Mga sanhi ng kahayukan
Pera’y dini-Diyos
Ng mga gahaman
Pati kapwa-tao
Ay handa nilang yapakan.
(Repeat Refrain twice and fade)