Ang “Fresh” Mentality
Ni Apolinario villalobos
Nakalakhan na natin ang kaugalian na pagdating sa pagkain, dapat ay “fresh” ito, sariwang gulay, karne, isda, at kung niluto, dapat bagong hango, mainit-init pa. Kaya nariyan ang pagpipindot at pag-aamoy ng isda bago bilhin, na ang kawawa ay ang may-ari ng paninda, dahil sa kapipindot ng isda niya ay lumambot kaya animo ay bilasa. Pati nga bigas ay inaamoy din para masigurong fresh galling sa gilingan at hindi tumagal sa bodega o di kaya ay hindi NFA rice. Marami na kasi ngayong nandadaya sa pagtinda ng bigas.
Ang karne naman ay inaamoy din at nilalapirot upang masigurong fresh din. Ang gulay, sinisigurong hindi lanta o lupaypay ang dahon. Ano pa nga ba’t basta lang masigurong sariwa o fresh ang binibili, lahat na lang ng paraan ay ginagawa. May kilala akong ganito ang ugali…mahilig mag-amoy ng binibili kaya ang binagsakan niya ospital para maopera. Minsan kasi, hindi niya napansing may langgam sa inamoy niyang prutas…shoot ang langgam sa kaloob-looban ng ilong niya kaya, nagmistula siyang kabayo sa pagbuga ng hangin mula sa ilong subalit hindi niya nailabas ang langgam. Mula noon hindi na siya namalengke.
Ang hindi alam ng iba, may mga pagkain na kailangan munang itabi ng ilang araw upang lalong lumutang ang sarap nito. Tulad na lang ng lansones na kung kinain ng sariwa ay siguradong mag papaitim ng nguso at kuko dahil sa dagta nito, at maski pa sabihing matamis ang variety, nalalasahan pa rin ang konting asim. Upang mawala ang dagta at lumutang ang tamis, ang ginagawa ng iba, pinapalipas muna ng dalawang araw bago ito kainin.
Ang durian, na sinasabing “smells like hell, but tastes like heaven” ay itinatabi muna ng maski dalawang araw pagkatapos pitasin upang mabawasan ang amoy. Subali’t mayroon nang thailand variety nito ngayon na maski fresh ay walang amoy. Yong mga nabibili sa palengke o grocery pwede nang kainin agad dahil tumagal na sila sa pagkaka-display.
Sa mga gulay, ang mustasa ay pinapalanta muna ng maski dalawang araw upang mawala ang amoy nito bago iluto sa miso at pinapangsapaw sa isdang sinigang. Pinapalanta din ito bago gawing buro. Ang alogbate at saluyot naman ay ganoon din ang ginagawa ng maseselan, na pinapalanta muna ng dalawang araw bago iluto upang mabawasan ang dulas ng dagta.
Sa panahon ngayon na lahat ng bilihin ay tumaas na, para sa mga praktikal, wala nang saysay ang maging pihikan sa pamimili ng gulay o prutas. Okey lang sa isda at karne dahil dapat siguradong sariwa ang mga ito bago bilhin. Mas murang di hamak ang mga gulay na nalipasan na ng maghapon sa pagkaka-display, kaya karaniwan nang sa bandang hapon, pwede na itong tawaran. Lalong binabagsak ang presyo kung inabot pa ng kinabukasan. Huwag mabahala sa pagbili ng mga ito dahil, hindi pa rin naman nawawala ang sustansiya, lalo na ang hibla o fiber na nakukuha sa dahong-gulay na nakakatulong sa ating pagdumi. Ang kamatis, mas mura kung sobrang hinog na. Maaaring itabi muna sa freezer ang hindi pa magagamit. Huwag mag-alala dahil hindi sila magdidikit-dikit maski pa nakaplastik ang mga ito. Hindi rin mahirap hiwain kahi’t bagong inilabas mula sa freezer….subok ko na ito. Kung may panahon, pakuluan ng ilang sandali upang mabalatan, matanggalan ng buto at mapakuluan ng ilang minuto pa sa konting asin at suka upang maging chunky sauce, bago maitabi uli sa ref.
Dapat tanggalin natin ang “fresh” mentality sa ating katauhan dahil kung ito ay paiiralin, sa pagkagutom tayo hahantong. Sa mga nagpipilit naman, maaari silang magtiyaga sa pagbili ng fresh na sitaw halimbawa na dalawang piso ang isang piraso, dahil ang limang piraso nitong nakatali sa talipapa ay sampung piso. Ganoon din ang kangkong na ang limang tangkay na tinalian ay sampung piso, pati ang talbos ng kamote, saluyot o alogbate. Sa mga nabanggit na dahong-gulay, kadalasan, ang mapapakinabangan lamang ay apat na pirasong dahon at dulong talbos. At upang makatipid, iluto na lang na sopas – maraming sabaw.
May mga taong ayaw talagang patinag sa paniniwala nilang dapat fresh lang ang kakainin, pero ang pera naman nila ay hindi sapat. Ang payo ko sa mga ito ay magbukas na lang sila ng fresh na de-latang sardinas, magwisik ng fresh na toyo o patis sa kanin o magdildil ng fresh na asin.