Pag-isipang Mabuti ang Pagreklamo

Pag-isipang Mabuti ang Pagreklamo

ni Apolinario Villalobos

 

May kasabihang “nasa Diyos ang awa…pero nasa tao ang gawa”. Dapat lang talaga. Hindi dapat palaging umasa sa Diyos para sa lahat ng bagay na ginagawa natin sa ibabaw ng mundo. Maraming pagsubok, subali’t hindi Niya tayo bibigyan nito na hindi natin kakayanin. Tulad na lamang ng kakapusan ng pera na siyang pangunahing pangangailangan, at maski nga totoo, ay may mga paraan upang mabawasan ang mga pahirap na dulot nito. At, may mga problema din na ang dahilan ay ang maling desisyon natin.

 

Tungkol na lang sa kahirapan sa paghanap ng trabaho maski pa may tinapos na kurso… unang-una, sino ba ang gumawa ng desisyong kumuha ng BS Tourism? …ng abogasya?…management courses?…at iba pang kurso na pinanloloko ng mga kolehiyo at unibersidad sa mga ambisyosong kabataan? Nae-engganyo ang mga kabataan at magulang sa imaheng sosyal ng ino-offer na mga kurso ng mga eskwelahang ito, kaya kinakagat nila. Sa bandang huli, kung walang makitang trabaho, kaliwa’t kanan na ang reklamo lalo na sa gobyerno, at dahil sa sisihan nila sa isa’t isa kung minsan, nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya.

Sa mga jeepney at hindi aircon na mga bus, may mariring kung minsan na mga reklamong kesyo maalikabok, mainit at siksikan. Ang mga naiinis sa naririnig na reklamo ay hindi mapigilan ang sariling magparinig din sa mga reklamador. Nangyayari din ito sa LRT at MRT, lalo na sa mga bangketa ng Divisoria, Baclaran, Avenida, Quiapo, Cubato, etc., na nag-uumapaw sa mga mamimili. Kaya kung minsan, hindi maiwasan ang pagbabangayan. Yong mga reklamador kasi, ay kung bakit hindi na lang sumakay ng taxi, di kaya ay sa mga aircon na malls mag-shopping.

 

Meron ding idinadaan sa reklamo ang pagpapansin, palibhasa’y balikbayan halimbawa. Gustong mapansin ng iba ang “balikbayan look” nila, at para kumpleto ang epek, nagpapa-brown pa ng buhok…nagmumukha tuloy Badjao na bagong salta! Ang kaibahan lang ay nagsasalita ng English ang balikbayan, ang Badjao ay diretsong nangangalabit para humingi ng pera!

 

One time, sa isang mall, habang sakay ako ng escalator na animo pagong sa kabagalan, may narinig ako sa bandang ibabang baytang ng, “oh, these elevators OF THE PHILIPPINE STORES…moves like hell!”. Nang tingnan ko ang nagsalita, ako’y namangha sa aking nakitang halatang mga retokado…ilong na may bukol sa gitna para magmukhang matangos, hindi maintidihan kung naninilaw o namumutlang mga pisngi na iba ang kulay sa leeg at ibang bahagi ng katawan na kulay brown pa rin, halatang idrinowing na mga kilay, mahahabang pilik-mata, namumusargang mga labi (Sophia Loren look), kulay blue na mga mata, at blond na buhok…suot niya ay hapit na shirt na nagpapakita ng cleavage, pero may mga patches ang balat sa dibdib, parang an-an. Nang makatuntong na kami sa sahig, hinayaan kong mauna dahil baka murahin niya ako sa English. Naka-boots din pala siya. Ayon, napansin tuloy siya ng marami kaya na-analyze ng todo ang kanyang porma. Tinakpan ng isang lalaking sinusundan ko ang inaakbayan niyang babae…inisip ko na lang na asawa niya ang babae at naglilihi.

 

Minsan ra rin akong napahiya sa pagreklamo nang basta-basta. Sa isang pilahan sa bangkong pinuntahan ko, ilang beses akong siningitan. Nang hindi na ako makatiis, nagparinig ako, at siyempre, lumingon ang natumbok kong huling sumingit… hindi lang siya senior, kundi parang ang edad ay lampas otsenta na! Nginitian ako ni “mommy”…bungal siya, sabay sabi ng sorry dahil kailangan niyang bumalik agad sa ospital. Wala daw kasing kasama ang asawa niya. Magwi-withdraw lang daw sana siya ng pera na pambili ng gamot at pang-partial payment sa ospital. Kung nakamamatay ang hiya, siguradong naghingalo na ako noon. Dama ko ang pag-init ng aking mukha sa sobrang hiya. Kung siya ay isang beses nag-sori sa akin, ako ay naka-anim yata ng sori sa kanya. Gumawa tuloy ako ng paraan upang makiusap sa bank manager na asikasuhin agad si “mommy” dahil emergency ang pangangailangan, na pinagbigyan naman. Pinaalis siya sa pila, pinaupo habang inaayos ang withdrawal niya. Nagpang-abot kami sa labas ng bangko dahil hindi agad nakakuha ng taksi. Marahil ay iniwasan ng mga hangal na taxi driver na madalas nilang gawin sa mga senior citizen. Inihanap ko pa siya ng taxi at sinamahan sa ospital para makita ang asawa na halos buto’t balat na pala dahil sa bone cancer. Pain reliever ang gamot na binili namin sa botikang katapat ng ospital.

 

Kailangan ang isang masidhing pag-iisip bago mamutawi ang isang reklamo sa ating mga bibig. Kung maliit lang naman, maaari na sigurong palampasin ang isang bagay na irereklamo. Isa pa rin itong pagpapakita ng kababaan ng loob. Mahalaga ito, dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay tayo ang nakakapansin ng mga bagay na nairereklamo. Maaaring may mapansin din ang ibang tao sa atin upang tayo ay ireklamo…at malaking bagay para sa atin kung hindi ito itutuloy dahil sa pakiusapan o pakikipagkompromiso. Pasok dito ang Golden Rule: huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s