Pag-isipang Mabuti ang Pagreklamo

Pag-isipang Mabuti ang Pagreklamo

ni Apolinario Villalobos

 

May kasabihang “nasa Diyos ang awa…pero nasa tao ang gawa”. Dapat lang talaga. Hindi dapat palaging umasa sa Diyos para sa lahat ng bagay na ginagawa natin sa ibabaw ng mundo. Maraming pagsubok, subali’t hindi Niya tayo bibigyan nito na hindi natin kakayanin. Tulad na lamang ng kakapusan ng pera na siyang pangunahing pangangailangan, at maski nga totoo, ay may mga paraan upang mabawasan ang mga pahirap na dulot nito. At, may mga problema din na ang dahilan ay ang maling desisyon natin.

 

Tungkol na lang sa kahirapan sa paghanap ng trabaho maski pa may tinapos na kurso… unang-una, sino ba ang gumawa ng desisyong kumuha ng BS Tourism? …ng abogasya?…management courses?…at iba pang kurso na pinanloloko ng mga kolehiyo at unibersidad sa mga ambisyosong kabataan? Nae-engganyo ang mga kabataan at magulang sa imaheng sosyal ng ino-offer na mga kurso ng mga eskwelahang ito, kaya kinakagat nila. Sa bandang huli, kung walang makitang trabaho, kaliwa’t kanan na ang reklamo lalo na sa gobyerno, at dahil sa sisihan nila sa isa’t isa kung minsan, nagkakaroon na ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya.

Sa mga jeepney at hindi aircon na mga bus, may mariring kung minsan na mga reklamong kesyo maalikabok, mainit at siksikan. Ang mga naiinis sa naririnig na reklamo ay hindi mapigilan ang sariling magparinig din sa mga reklamador. Nangyayari din ito sa LRT at MRT, lalo na sa mga bangketa ng Divisoria, Baclaran, Avenida, Quiapo, Cubato, etc., na nag-uumapaw sa mga mamimili. Kaya kung minsan, hindi maiwasan ang pagbabangayan. Yong mga reklamador kasi, ay kung bakit hindi na lang sumakay ng taxi, di kaya ay sa mga aircon na malls mag-shopping.

 

Meron ding idinadaan sa reklamo ang pagpapansin, palibhasa’y balikbayan halimbawa. Gustong mapansin ng iba ang “balikbayan look” nila, at para kumpleto ang epek, nagpapa-brown pa ng buhok…nagmumukha tuloy Badjao na bagong salta! Ang kaibahan lang ay nagsasalita ng English ang balikbayan, ang Badjao ay diretsong nangangalabit para humingi ng pera!

 

One time, sa isang mall, habang sakay ako ng escalator na animo pagong sa kabagalan, may narinig ako sa bandang ibabang baytang ng, “oh, these elevators OF THE PHILIPPINE STORES…moves like hell!”. Nang tingnan ko ang nagsalita, ako’y namangha sa aking nakitang halatang mga retokado…ilong na may bukol sa gitna para magmukhang matangos, hindi maintidihan kung naninilaw o namumutlang mga pisngi na iba ang kulay sa leeg at ibang bahagi ng katawan na kulay brown pa rin, halatang idrinowing na mga kilay, mahahabang pilik-mata, namumusargang mga labi (Sophia Loren look), kulay blue na mga mata, at blond na buhok…suot niya ay hapit na shirt na nagpapakita ng cleavage, pero may mga patches ang balat sa dibdib, parang an-an. Nang makatuntong na kami sa sahig, hinayaan kong mauna dahil baka murahin niya ako sa English. Naka-boots din pala siya. Ayon, napansin tuloy siya ng marami kaya na-analyze ng todo ang kanyang porma. Tinakpan ng isang lalaking sinusundan ko ang inaakbayan niyang babae…inisip ko na lang na asawa niya ang babae at naglilihi.

 

Minsan ra rin akong napahiya sa pagreklamo nang basta-basta. Sa isang pilahan sa bangkong pinuntahan ko, ilang beses akong siningitan. Nang hindi na ako makatiis, nagparinig ako, at siyempre, lumingon ang natumbok kong huling sumingit… hindi lang siya senior, kundi parang ang edad ay lampas otsenta na! Nginitian ako ni “mommy”…bungal siya, sabay sabi ng sorry dahil kailangan niyang bumalik agad sa ospital. Wala daw kasing kasama ang asawa niya. Magwi-withdraw lang daw sana siya ng pera na pambili ng gamot at pang-partial payment sa ospital. Kung nakamamatay ang hiya, siguradong naghingalo na ako noon. Dama ko ang pag-init ng aking mukha sa sobrang hiya. Kung siya ay isang beses nag-sori sa akin, ako ay naka-anim yata ng sori sa kanya. Gumawa tuloy ako ng paraan upang makiusap sa bank manager na asikasuhin agad si “mommy” dahil emergency ang pangangailangan, na pinagbigyan naman. Pinaalis siya sa pila, pinaupo habang inaayos ang withdrawal niya. Nagpang-abot kami sa labas ng bangko dahil hindi agad nakakuha ng taksi. Marahil ay iniwasan ng mga hangal na taxi driver na madalas nilang gawin sa mga senior citizen. Inihanap ko pa siya ng taxi at sinamahan sa ospital para makita ang asawa na halos buto’t balat na pala dahil sa bone cancer. Pain reliever ang gamot na binili namin sa botikang katapat ng ospital.

 

Kailangan ang isang masidhing pag-iisip bago mamutawi ang isang reklamo sa ating mga bibig. Kung maliit lang naman, maaari na sigurong palampasin ang isang bagay na irereklamo. Isa pa rin itong pagpapakita ng kababaan ng loob. Mahalaga ito, dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay tayo ang nakakapansin ng mga bagay na nairereklamo. Maaaring may mapansin din ang ibang tao sa atin upang tayo ay ireklamo…at malaking bagay para sa atin kung hindi ito itutuloy dahil sa pakiusapan o pakikipagkompromiso. Pasok dito ang Golden Rule: huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.

 

Mga “Reject” na Pagkaing Napapakinabangan

Mga “Reject” na Pagkaing

Napapakinabangan

Ni Apolinario Villalobos

 

Noong namili ako sa isang palengke, dumaan ako sa bahagi kung saan ay may mga nagtitinda ng mga tuyo at sa isang puwesto ay may nakita akong bilao na nasa tabi lang na ang laman ay mga durog na dilis, halatang itatapon na. Tinanong ko ang tindera kung ibinebenta pa ba ang nasa bilao, ang sabi hindi na, ibibigay na lang daw sa nag-aalaga ng itik. Sinubukan kong hingin at ibinigay naman dahil gagamitin na daw niya ang bilao. Pagdating sa bahay, sinala ko upang maihiwalay ang mga ulo sa mga durog. Ang mga ulo ay ginisa ko sa konting olive oil at tostadong granulated na bawang, nang maluto, pinalamig, inilagay sa garapon at dinagdagan ko pa ng olive oil upang pumantay sa dami. Masarap itong pang-flavor ng stir-fried na gulay or adobong kangkong. Ang mga durog naman, ginisa ko rin sa katamtamang dami ng olive oil at nang maluto, dinagdagan ko pa ng olive oil upang maging “anchovy paste”. Hinahaluan ko ito ng mayonnaise upang gawing sawsawan ng piniritong talong.

 

Isang beses naman, may natiyempuhan akong mga reject na isdang daing, binentang pa-tumpok. Bumili ako ng marami at nang mahugasan ay binilad ko sa araw. Nang matuyo ay pinirito ko ng patostado, pinalamig at inilagay sa Tupperware at nilagyan ko ng maraming olive oil. Pwedeng iluto ang daing na escabeche, o di kaya ay pandagdag sa itlog na sinarsahan ng kamatis at sibuyas. Ang olive oil ay hindi kumukorta sa loob ng ref, kaya pwedeng pang-preserve ng mga tinatabing nalutong ulam para tumagal.

 

Para hindi masayang ang sapal ng niyog, tostahin ito at kung medyo brown na haluan ng ginisang bagoong alamang at pinulbo o tinadtad na maanghang na sili, cinnamon, turmeric, konting suka at asukal. Haluin ng dalawampung minute pa bago hanguin. Tawag ko dito ay “dry palapa”, pwedeng pang-flavor sa fried rice o pambudbod sa piniritong talong o isda. Panghalo rin ito sa ginisang gulay o pinakbet. Pwede itong itabi sa ref para tumagal ng maski 6 months. Para maging “wet palapa” naman, dagdagan lang ng langis habang niluluto. Mas masarap ito kung maanghang ang pagkatimpla. Para mabawasan ang alat ng bagoong alamang, banlawan muna ito bago igisa at ihalo sa sinasangag na sapal ng niyog.

 

Akala ng iba, sa pakwan, laman lang nito ang kinakain, at ang buto naman ay pinapatuyo upang mapapak. Ang balat, actually, ay pwedeng gawing minatamis. Tanggalan ng kulay berdeng bahaging panlabas upang matira ang kulay puti na laman. Hiwain ng pakuwadradong maliit, hugasan at patuluin upang mabawasan ang katas. Sa pagluto, hindi na dadagdagan ng tubig, sa halip ay brown sugar at cinnamon lamang, dahil sariling katas nito at ang malulusaw na brown sugar ang magsisilbing sauce. Tantiyahin ang dami ng brown sugar na ihahalo, depende sa gustong tamis. Pwedeng kainin as is o haluan ng ginagad na yelo at gatas.

 

Ang reject na patatas, kamote at carrots ay maaaring gawing nilupak. Tadtarin ng maliliit upang madaling lumambot kung pakuluan sa tantiyadong dami ng tubig, brown sugar at cinnamon powder. Huwag biglain ang dami ng tubig, upang kung lumambot na at pwedeng lamasin gamit ang sandok, habang hinahalo ay wala nang babawasing tubig. Kailangang maghalo ang kamote, carrots at patatas hanggang ang mga ito ay halos matuyo habang nilalamas. Pagkaluto, hulmahin sa bandehado o mababaw na mangkok.

 

May nabibiling mga mansanas na tinapyasan ng nalamog na bahagi at binibenta by the plastic bag. Pwede itong gawing minatamis. Hugasang mabuti, hiwain ng manipis, at iluto lang sa brown sugar at cinnamon powder. Pwede itong palaman sa tinapay. Para maging apple sauce, i-blender muna ang mansanas bago iluto sa brown sugar at cinnamon powder. Masarap itong ipares sa inihaw o piniritong isda. Kung pang-meryenda, haluan ng ginagad na yelo, gatas, at nilagang saging. Para tumagal sa pagkakatabi, haluan ng ilang patak na apple cider vinegar ang apple sauce at ang unang nabanggit na minatamis habang niluluto.

 

Ang mga halos itapon nang overripe na saging saba ay maaaring gawing minatamis. Iluto sa brown sugar, huwag munang haluan ng tubig. Ang sariling katas nito at malulusaw na brown sugar ang magsisilbing sauce nito. Haluan ng cinnamon powder. Kung halos natutuyo na, saka pa lang dagdagan ng tubig na katamtaman ang dami. Dapat na may kalaputan lang ito kung luto na. Upang tumagal sa ref, dagdagan ng konting apple cider vinegar ang timpla.

 

Para sa iba, kapag ang balat ng talong ay kulubot na, reject na ito. Ang nawala sa talong ay konting water content, subali’t ang sustansiya ay nandiyan pa rin. Pwede itong igisa sa bawang, kamatis, konting turmeric, cinnamon powder at toyo. Kung nakaluto at nakapagtabi na ng palapa, maari ring maghalo ng konti sa timpla ng talong. Kapag lumambot na, lamasin, habang hinahalo. Para maging paste ang dating, pwedeng i-blender bago itabi. Pwede itong ipalaman sa tinapay maliban sa pagiging ulam nito. Pwede ring haluan ng binating itlog upang maging torta.

 

Ang lantang mustasa ay pwedeng buruhin sa asin at hugas bigas o kaunting suka. Pagkalipas ng ilang araw, maaari na itong ipares sa piniritong isda, o di kaya ay igisa sa itlog, kamatis at sibuyas. Huwag itapon ang pinagburuhan dahil pwede itong isabaw sa kamatis, sibuyas, at manggang hilaw na ensalada. Ang hindi alam ng karamihan, talagang pinapalanta ang mustasa bago buruhin. Subali’t pwede din namang ihalo sa pesang tilapia o dalag, o pangsapaw sa ipapaksiw na isda upang maalis ang lansa. Pwede rin itong ilutong sopas, na ang halo lang ay kamatis, sibuyas at miso. At, pwede pa ring igisa sa piniritong tuyong dilis at itlog.

 

Maraming pwedeng gawin sa mga pagkaing akala natin ay patapon na. Ang bansa natin ay sagana sa mga prutas at gulay, subali’t sa kasamaang palad ay nagmamahalan, kaya ang mainam na gawin ay bumili ng mga sa tingin ng iba ay reject na. Diskarte lang ang kailangan upang ang budget sa pagkain ay hindi kapusin.

 

 

Kung Maibabalik Lamang Ang Nakaraan Panahon

Kung Maibabalik Lamang

Ang Nakaraang Panahon

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa diretsahang salita, ang Pilipinas ngayon ay tila naghihingalo sa dami ng karamdamang tinitiis. Nariyan ang corruption sa gobyerno, ang mga dilubyo, baha, gutom, karahasan sa mga lunsod at kanayunan. Tila ba hindi lang simpleng sakit na maaaring mapagaling ng ilang gamutan, kundi kanser na kumalat sa kanyang kabuuan…kanser na sagad sa buto at unti-unting sumisira sa iba pang bahagi nito at wala nang pag-asang malunasan pa.

 

May nakausap ako minsan na isang kababayang travel writer na may asawang nagtatrabaho sa Singapore. Nang dumalaw daw siya sa kanyang misis, medyo natagalan siya sa kanyang pagbakasyon doon kaya nagkaroon ng mga kaibigang katutubo. Sinabi ng mga Singaporeans sa Pilipinong travel writer na ini-idolo daw nila si Marcos. Katunayan, ang sistema daw sa pagpapatakbo ng Singapore ay batay sa mga sistema ni Marcos noong siya ay Presidente pa ng Pilipinas. Nagulat daw ang travel writer sa kanyang narinig, lalo rin akong nagulat nang banggitin niya ito sa akin. Hindi ito alam ng maraming Pilipino. Kaya pala ganoon kabilis ang pag-asenso ng Singapore.

 

Kung ihahambing nga naman sa mga administrasyong pumalit kay Marcos ang pamamalakad nito sa Pilipinas, lalo na kung isama ang kasalukuyang administrasyon, napakalaki ng kaibahan. Pagkatapos na pagkatapos pababain si Marcos, ang inaasahang mga pagbabago ay hindi natupad, kaya dalawang beses nagkaroon ng kudeta. Lalong lumala ang kalagayan ng bansa nang sinundan ang pamamahala ni Cory Aquino ng iba pa, na lalong nagpalala ng kurakutan sa kaban ng bayan. Nadagdagan ang mga kurakot na nagkaroon ng lakas ng loob dahil napansin nila ang mga butas sa sistema ng gobyerno. At lalong tumindi sa kasalukuyan, dahil mismong mga ordinaryong mamamayan ay sangkot na sa pangungurakot.

 

Ang pagkatalamak ng sakit ng pamahalaan ay tila walang kagalingan dahil mismong mga kawaning nagpapatakbo ng mga ahensiya ay kabahagi na rin sa mga pangyayari. Mapalitan man ang mga opisyal na ibinoto ng mga mamamayan, naiiwan pa rin ang mga taong bantay-salakay dahil protektado ng civil service code. Ibig sabihin, hindi pwedeng basta mapapatalsik ang mga sangkot na empleyado, sa halip ay masususpindi lamang habang dinidinig ang kaso nila, na animo usad pagong sa kabagalan. Wala man sila sa opisina, nakokontak nila ang mga naiwang kakutsaba at napapagsabihan kung ano ang gagawin.

 

Yon namang mga ibinotong opisyal na may mga kasong iniimbistigahan, ayaw mag-resign, kahit dahil man lang sa delikadesa. Ang katwiran, may mandato sila galing sa mga botante. Mga botanteng binayaran? At isa pa, noong kasagsagan ng eleksiyon, malay ng mga botante na mangungurakot pala ang ibinoto nila. Kaya hindi pwedeng gamitin ang mandato dahil bukod sa hantarang talamak na vote buying, ay ngayon lang nagkaputukan ng mga kaso.

 

Dahil sa kawalan ng pag-asa, ang kawawang Pilipino ay nakatingin sa kawalan, nangangarap na sana ay ibalik ang nakaraang panahon.

Mga Miting ng Mga Ahensiya Na Walang Kinahihinatnan

Mga Miting ng Mga Ahensiya

Na Walang Kinahihinatnan

Ni Apolinario Villalobos

 

Palagi na lang may nababalitaang mga miting daw ng mga ahensiya upang mapag-usapan ang mga problema ng bansa, tulad ng baha, iskwater, pagkain, mga nakaligtas sa mga trahedya, mga presyo ng mga bilihin, trapiko, at mga alituntunin sa pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan. Taon-taon na lang ginagawa ito, at tuwing may mga pangyayaring may kinalaman sa mga problemang tinalakay sa mga miting, lahat sila nakanganga at nagsisisihan. Tungkol naman sa mga alituntunin na kaakibat ng mga tungkulin sa pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan, halos wala namang napapansing pagbabago.

 

Ang mga ahensiya ng gobyerno ay may kanya-kanyang mandato o mga responsibilidad na dapat tuparin…hindi na sila kailangang pagsabihan pa kung ano ang mga ito. Nakikita rin nila ang mga problemang saklaw ng mga mandatong ito…hindi na sila kailangan pang pagsabihan kung ano ang nararapat nilang gawin. Ang pinakamahalagang dapat mangyari ay ang pagkaroon nila ng malinaw na koordinasyon sa ibang ahensiya na makakapagbigay sa kanila ng alalay. Kung may sistema silang sinusunod para dito, hindi na nila kailangan pang gumastos para sa mga pagdadausan ng mga miting o summit at mag-aksaya ng panahon sa loob ng mga conference room.

 

‘Yan ang problema ng sistema ng gobyerno natin. Para bang wala nang magagawa kung hindi mag-seminar o magkaroon ng summit o conference. Ang lahat ng pinag-uusapan sa mga ganito ay pwede namang idaan sa mga instructional memos at maayos na koordinasyon. Dahil sa ganitong sistema kumakain ng budget ang sinasabing “junket meetings”, “junket seminars”, at kung ano-ano pang mga conferences kuno. May mga nagpapamiting sa mga tourist spots at resorts. Bakit hindi na lang linawin na educational tour pala? Halimbawa na lang ang mga opisyal na taga-Mindanao, nakakarating ng Manila…mga taga-Luzon na nakakarating sa Visayas, etc.

 

Lahat ng problema ng bansa ay tumbok na, at ang mga dahilan na wala namang kalutasan o kung meron man, at  mahirap ipatupad ay alam na rin. Tulad ng baha na ang dahilan ay mga drainage system na ginawa noong panahon pa ng Kastila at Amerikano, kaya tambakan man ang mga kalye upang tumaas ng bahagya, babahain pa rin ang mga bahay at gusali. Ang mga daluyan naman ng tubig tulad ng estero na ang mga pampang ay binahayan ng mga iskwater, ay walang pag-asang matanggalan pa ng mga ito…kasalanang maituturo sa mga lokal na pamahalaan dahil hinayaan nilang lumala. Ang walang pakundangang pagtapon ng basura sa mga drainage ay hindi rin naaapula ng mga lokal na pamahalaan, yong ibang mga manhole ngang kita nang nakatiwangwang ay hinahayaan nila kaya ginagamit na basurahan.

 

Sa mga lugar namang madalas salantain ng bagyo at baha, ang mga evacuees, sinisiksik sa mga eskwelahan. Tuwi-tuwina na lang ganyan ang ginagawa sa halip na magpatayo ng isang gusali para sa ganitong layunin – isang multi-purpose building na kung walang kalamidad ay maaaring gawing activity area ng barangay o  eskwelahan. Ang magagastos dito sa palagay ko ay katumbas ng isang mamahaling kotse ng mga congressman, o senador o cabinet secretary. Bakit kailangan pang magmiting kung ano ang gagawin sa mga evacuees tulad halimbawa na lang ng mga biktima ng bagyong Yolanda, ganoong ang dapat lang naman na gawin ay magpagawa ng maayos na mga bagong matitirhan? Walang malinaw na direksyon ang mga ahensiyang dapat ay kumilos. Nagkakanakawan at nagkakabulukan ng mga donasyon. Tanda kaya ito ng wala nilang kaalaman sa paghawak ng mga kaakibat na responsibilidad?

 

Ang mga iskwater daw ay maire-relocate na bago bumaba ang pangulo ilang taon mula ngayon. Paanong mangyari ito kung ang mga maliliit nga lang na grupo ng mga iskwater, halos hindi matinag-tinag? Dagdag pa diyan ang “alis-balik” na sistemang nangyayari sa pag-demolish kuno ng mga iskwater colonies. Malingat lang ng kaunti ang mga dapat nagbabantay sa mga nalinis nang lote, sa halos magdamag lang, may mga nakatayo na namang barung-barong, na di kalaunan ay parang mga kabuting nagsusulputan uli. Ang dahilan? Sayang din kasi ang mga boto nila! Ang mga gilid ng estero ganoon pa rin ang sitwasyon –maraming nakatayong barung-barong, sa kabila ng kung ilang beses na paglabas sa TV ng mga ginawang demolisyon.

 

May mga meetings din ng mga ahensiya na ang saklaw ay tungkol sa mga pagkain – ang produksyon nito at ang presyuhan. Kung ilang beses na nilang ginawa ito, may mga pumupunta pa sa mga palengke, siyempre may karay-karay na mga reporter at TV cameras. Hahawak kunwari ng mga kalakal, magchi-check, sabay sabi na sapat ang suplay ng mga pagkain, samantalang nagkakada-bitak na ang mga sinasakang lupa, at hindi daw tataas ang presyo ng mga bigas, samantalang hagip ng TV camera ang mga presyo nitong tig-Php43, 45, 48, pataas. Ginagawa nilang tanga ang taong bayan. Ngayong pati ang presyo ng NFA rice ay tumaas na rin, tahimik sila…napahiya yata!

 

Kaya anong problema ang pag-uusapan sa mga junket na miting ng mga ahensiyang ito?…kung saan mamimili ng souvenirs ang mga participants?…kung saan masarap kumain pagkatapos ng afternoon session?…kung magkano ang kikitaing allowance?…May bago ba….?   Pero, in fairness naman sa ewan kung sinong opisyal ang may pakana, bawal na raw ang mga out-of-town seminars…sinusunod naman kaya? Kung ang kabang yaman ng national government na maraming bantay, tulad ng Commission on Audit (COA), Department of Budget And Management (DBM) ay nalulusutang pagnakawan, ang mga small time na mga pamalaang lokal pa kaya?….nagtatanong lang si Juan!

 

 

The Funs in the Philippines

The “Funs” in the Philippines

By Apolinario Villalobos

 

With more than 7,000 islands and islets, the archipelagic Philippines, known for singers and international beauty title holders, birthplace of the “People Power”, thousand shoes of Imelda Marcos , and of course, Manny Pacquiao, to name a few, has many more to offer – the “funs” to make visitors wish for longer stay or future plans while yet, on their first day of arrival.

 

The Filipinos, known for their resilience savored the first major crunch in their life during the Martial Law which, ironically, saw the country enjoying the peak of tourist arrival. It was during the time that touristic structures, such as hotels, resorts, dive camps and casinos mushroomed in major cities of the country. Assured of a safe sojourn, foreign tourists flocked to the country. During the years that followed, local tourists were also encouraged to move around and enjoy their own beautiful country – its pristine white beaches, coastal waves, rivers, caves, coral reefs, islands, mountains, flora and fauna.

 

Not only are the natural endowments of the country reasons for being fun in the Philippines but its people, historical landmarks and indigenous products, too. The culture of the Filipinos is a fusion of the east and the west, making it rich and somewhat fascinating. This fusion is seen in the foods, dialects, religions and colorful ways of life.

 

Local airlines are now crisscrossing the Philippine skies to ferry both local and foreign tourists to the different islands. They are augmented by reliable ferries and cruise ships that offer irresistible fares and tour packages. Comparably, travelling around the country is much cheaper than other countries of Southeast Asia. The most compelling advantage yet, is the ease in communication because English is considered as the second language of the people. Even cigarette vendors and tricycle drivers speak English. A foreigner will never be lost while travelling around the country.

 

What is most remarkable too, is the honesty of the Filipinos. Several stories about returned bags, cameras, wallets and many more would find their way in pages of dailies or the internet. One is about the bag of a tourist left in a rig after her group finished going around the Rizal Park. The rig driver took pains in locating them which he successfully by his sheer patience. The bag was returned to the surprised tourist who lost no time in hugging the driver to show her profuse gratitude. In another story, a bag was turned over by a taxi driver to a radio station so that the broadcasters could call the attention of the owner over the airwaves. It was claimed by a tourist from Europe. These are just two of remarkable stories of honesty of Filipinos who wanted to show the world that showing such trait can be fun, too.

 

In a way, not only tourists are having fun while enjoying their stay in the country, but also the Filipinos, who by just being themselves – ever-smiling, approachable and most especially, honest, can be fun, too!

 

 

Isang Payak na Pananghalian

Isang Payak na Pananghalian

(para sa Pelletero family)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang payak na pananghaliang Pilipino

Mga pagkain ay katutubo’t hindi maluho

Tulad din ng samahan sa aming pamilya

Walang pagkukunwari, payak at masaya.

 

Mga daliri ang gamit sa pagkaing isusubo

Komportable, ito mang gawi’y di makabago

Marami-rami na rin nito ay nakalimot yata

Dahil na rin sa mga pagbabagong dumagsa.

 

Dahong saging, kaaya-ayang nagsilbing banig

Sa mga biyayang natamo, luntian siyang sahig

Sumasagisag sa pag-asa na lagi sa aming puso

Sa harap ng anumang pagsubok, ‘di patatalo!

 

Kaon na ta…!