Ang Pagmamalabis ng BIR

Ang Pagmamalabis ng BIR

Ni Apolinario Villalobos

 

Marami na sana ang bilib kay Kim Henares, ang Komisyoner ng Kagawaran ng Rentas Internas o Bureau of Internal Revenue (BIR). Nakitaan siya ng kasipagaan na pinabigat ng katungkulan niya bilang tagahanap ng pera para sa bayan. Subali’t nasobrahan ang kanyang pagkamasigasig, dahil pati ang mga kawawang maliliit na namumuhanan ay pipigain niya para makakuha ng buwis. Pigang-piga na nga ang mga maliliit na tao dahil sa kawalan ng karampatang benepisyo mula sa pamahalaan at sa kaliwa’t kanang nakawan sa kaban ng bayan, lalo pa niyang pipigain. May mapapala pa kaya siya? Baka ang lumabas ay dugo na!

 

Ang sinasabi niyang nakangiti pa sa harap ng kamera ng TV, pare-pareho lang naman daw ang mga kumikitang Pilipino, maliit man o malaki – parehong kumikita. Hindi daw dapat  na mayayaman o yong may malaking kita lang ang dapat buwisan. Maski rin daw ang mga maliliit na tao. Ano naman kaya ang matatapyas niya sa mga kakarampot na kita ng mga may-ari ng maliliit na tindahan at karinderya na ang puhunan ay inutang pa sa Bombay?…sa mga barbero,  manikuresta, pedikurista?…sa mga labandera? …sa mga nagtitinda ng balut?…sa mga namumulot ng plastic at bakal? Oobligahin daw sila na mag-isyu ng resibo. Ano kaya ang isusulat ng tindera sa resibo kapalit ng nabiling dalawang kendi na ang kabuuhang halaga ay dalawang piso?…o ng isang pirasong sigarilyo?…ng isang takal na ulam na ang halaga ay Php30.00 at kanin na Php10.00? Kung ang mga wage earners na may nakatalagang halaga na kita sa isang araw, linggo, o kada kinsena ay nagrereklamo dahil sa kakapusan nito , ang iba pa kayang nabanggit na wala pa sa ikatlong bahagi ng minimum wage ang kinikita at  pahirapan pa?

 

Kusa ba itong napag-isipan ng Komisyoner? o may nag-utos sa kanya…Bakit hindi singilin ng tamang buwis ang mga malalaking kompanya na ang iba ay utay-utay pa kung magbayad? Bakit hindi ibenta ang mga nakatambak  na kumpiskadong kalakal sa Customs upang maipandagdag sa kita ng pamahalaan? Bakit hindi kumpiskahin ang mga sinasabing kinamkam na pera ng bayan mula sa mga opisyal na nagkakahalaga ng kung ilang bilyon?

 

Mabigat na pasanin ng mga Pilipino ang maya’t-maya na lang ay dagdag na buwis subali’t wala namang nakikita o nararamdamang benepisyo. Lalo pang nagpapasakit ang tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang bigas, na hindi na nakitaan ng halagang mas mababa sa Php30.00, maliban na lang sa NFA rice na nitong huling araw ay nagtaas na rin ng presyo. Sa kultura ng Pilipino, kung mapapansin, ang mga nagsitaasang presyo ay hindi na nababawasan o bumababa.

 

Okey lang sana ang mag-ambag ng buwis sa kaban ng bayan kung may mga benepisyong mapapala ang mga Pilipino, subali’t ang pinakamababang pension nga ng SSS ay hindi kayang ibili ng pang-maintenance na mga gamot ng mga retirado, at walang subsediya mula sa pamahalaan, hindi tulad sa ibang bansa, ano pang buwis ang aasahan? Walang libreng edukasyon at pati ang mga libro ng mga estudyante ay binibili din… hindi pa naipapasa sa mga nakababatang kapatid dahil ginawa na itong mga “work book”…maliwanag na pinagkitaan.  Ang sinasabing mga  libreng gamot sa mga barangay ay hindi mahagilap, kung meron man sa ibang outlet, halos pa-expire na.  May binabayaran din sa mga ospital na sinasabing libre.

 

Ang pinakamasakit ay ang pagpapataw ng iba’t-ibang buwis sa mga Pilipino at ipinapasok sa kaban ng bayan upang dukutin lamang ng mga tiwali sa pamahalaan! Kaya siguro, panahon na upang magmuni-muni ang pamunuan ng BIR, bago tuluyang mawala ang tiwala sa kanya ng taong bayan…masasayang lamang kung sakali, dahil sa lahat ng mga may katungkulan sa pamahalaan, siya lang ang tanging nakitaan ng “malinis” na imahe.  

 

Dapat alalahanin na maski gamot kung ginamit ng may kalabisan ay nakakamatay…maski pagkain na labis ay nakakaimpatso…at, maski ang kalabisang tubig sa katawan ay nakakasira ng ilang bahagi nito. Kaya, kung magpipilit ang BIR,  maaaring magresulta ito sa lalong pagkawala ng tiwala ng mga Pilipino sa pamahalaan. Karaniwang ugali ng tao ay ang lumaban kapag labis-labis na ang pagtulak sa kanya na humahantong sa pagkakubkob niya sa sulok. Sana hindi umabot sa ganito ang panggigipit…sana hindi natin danasin uli ang mga araw kung kaylan ay hugos ang mga tao sa kalsada at nagsisisigaw ng “tama na, sobra na!” 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s