Ang Napo-list at si Ping Lacson

Ang Napo-list at Si Ping Lacson

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming senador ang natataranta dahil sa sinasabing Napo-list. Sinabi ni Ping Lacson na may kopya din siya, at dahil sa pagbunyag niya na ang dami ng mga senador sa listahan ay katumbas ng quorum, lalong nabulabog ang Senado. May mga nagpapa-interview na at nagpapauna na hindi sila kasangkot, yong isa nagsabi pa na isabay ang mga ebidensiya, na mangangahulugan ng pagkaantala ng pagbunyag dahil kailangang kumalap pa ng mga ebidensiya para sa lahat ng nasa listahan na kinapapalooban din ng mga pangalan ng maraming kongresista. Yong isa, dating maingay na nagtatalak sa mga interview, as usual, at kailangang ibunyag daw sa publiko ang listahan subali’t nakahiging yata na kasama siya, kaya, biglang nagbago ang mga salita…siguradong ang mga nasa listahan ay pakana daw ng mga kalaban niya.

 

Ang matindi ay si Ping Lacson na sa unang interview, ang dating ay may katapangan kaya pinalakpakan. Subali’t nang interbyuhin sa radio, biglang lumamya. Kailangan pa daw imbestigahang mabuti at baka naman hindi lahat ng nakalista ay talagang sangkot, at kung magsisiwalat siya, gusto niya ay sa executive session –closed door, bawal ang media. Ang inaalala daw niya ay baka masira ang Senado kung ibubulgar sa publiko ang listahan. Hindi yata niya alam na matagal nang walang tiwala ang mga tao sa Senado. Sa isyu naman ng security, matagal nang wala nito ang Pilipinas. Harap-harapan nga kung bastusin ng mga banyaga ang mga batas natin, lalo na ng  Tsina na kung ituring ang Pilipinas ay isa nitong probinsiya. Kung baga, nakatiwangwang na ang kabuuhan ng Pilipinas, lalo na sa mga banyaga na hayagan kung magnakaw ng natural resources natin tulad ng black sands at iba pa.

 

Ibibigay daw ni Ping Lacson ang listahan sa Senado. Sana linawin niya na magbibigay lang siya ng kopya. Dahil kung bibitawan niya ito at sasabihin niyang wala na siyang kopya ay para niyang sinabi na hindi na siya makikialam sa isyu. Hindi yata niya naisip na kaya siya nilapitan ng pamilya Napoles upang bigyan ng listahan ay dahil siya lang ang sa tingin nila ay natitirang pwedeng pagkatiwalaan sa gobyerno. Sa gagawin niya, sisirain niya ang tiwalang ito. Gusto yata niyang maghugas-kamay. Tahasang sinabi niya na kung isasapubliko niya ang listahan, ayaw niya na malagay on-the-spot. At gusto niya na ang magsisiwalat ay si Napoles mismo sa Senate hearing. Mga imposibleng kahilingan na parang sinabi niyang ayaw niyang sumawsaw sa isyu.

 

Kung ang kinatatakutan ni Lacson ay makitaan ang Pilipinas ng ibang bansa ng kahinaan dahil sa pagbagsak ng Senado sa pagkawala ng tiwala ng mga tao dito, huwag na siyang mangamba dahil matagal nang nakikita ng ibang bansa ang kahinaan ng Pilipinas dahil sa talamak na corruption, at kung saan, kaliwa’t kanan ang bilihan ng boto tuwing eleksiyon. Sana isinama niya ang pangamba niya sa pagbagsak ng Kongreso, na ang sitwasyon ay kapareho lang ng Senado – tadtad din ng corruption at hindi na pinagkakatiwalaan ng taong bayan. At bakit  Senado lang ang tinitira nila? Dahil ba ang matunog na mga pangalan ng mga taong tatakbo sa pagka-Presidente at Bise nito, pati na ang mabigat na fiancier ay manggagaling sa Senado?

 

Hindi maintindihan si Ping Lacson kung ano talaga ang kanyang punto. Noon bigla siyang nagpa-interview para sabihing napasukan ng corruption ang mga programa para sa rehabilitation ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Sinabi niyang may overpricing, under-delivery at kung anu-ano pa. Ipinakita sa TV ang mga inferior na materials na ginamit, totoo nga yata, dahil sa halip na softwood man lang ay mga coco lumber ang ginamit, ilang pulgada lang ang angat sa lupa ng mga sahig na plywood, manipis ang yero at dahil tag-ulan nang ipakita sa TV, napansin pa ang marka ng daloy ng tagas ng tubig-ulan mula sa bubong, ang sukat ay maliit at imposibleng tirhan ng komportable ng isang pamilya na ang average na dami ng miyembro ay apat. Sa kabuuhan, halata ngang pinagkitaan ang proyekto.

 

Subali’t makaraan ang ilang araw, nagpa-interview uli si Lacson at kumambyo na…wala daw overpricing na involved, kundi under-delivery lang. Ang tinutukoy niya ay ang mahinang klase ng materyales na taliwas sa specifications, at marami pang ibang paliwanag. Para sa mga nakakaintindi, wala namang kaibahan ang bagong sinabi niya sa talagang corruption na una niyang binanggit. Kaya tuloy nawala ang tiwala at pagka-bilib sa kanya ng mga Pilipino. Kaya siya inilagay sa pwesto niya ay dahil nakitaan siya ng katapangan sa pagsawata ng katiwalian, subali’t sa katamaran lang ng dalawang ahensiyang sinabi niyang ayaw makipagtulungan ay wala siyang nagawa. Wala daw siyang power upang manita. Bakit hindi siya humingi nito bago niya tinanggap ang trabaho? Ano pa ang gagawin niya kung wala siya nito? Para ano pang tawagin siyang “czar” ng rehabilitation program? Nawalan ng saysay ang kanyang pwesto. Nagpa-interview pa uli para sabihin ang sama ng loob bago nagsumbong sa Pangulo. Talaga din naman….

 

Noong pumutok ang isyu ng Napoles case, nagpa-interview din si Ping Lacson at sinabi niyang may lumalapit nga daw sa kanya at nag-alok para sa kanyang pork barrel pero hindi niya pinansin, at kaya daw ayaw niyang gumamit nito ay dahil magulo. Bakit hindi niya ibinulgar na may nangyayari palang ganoon? Bakit kailangan pang hintaying magsalita ang grupo ni Luy upang mabulgar ang katiwalian bago siya nagsalita? At, hindi nangangahulugan na corrupt na siya kung gagamit siya ng pork barrel, dahil ang issue dito ang ang tamang paggamit ng pondo, kaya tuloy pati yong para sa kanya ay naibulsa na rin ng iba. So ganoon pa rin ang nangyari, nadagdag sa ninakaw ang pondo na dapat ay ginamit niya sa tamang paraan.

 

Hindi na lang sana nagpapa-interview si Ping Lacson. Sa isyu ng Tacloban rehabilitation, dapat dumiretso siya sa Presidente dahil, presidential assistant/consultant naman siya. At sa listahan naman galing kay Napoles, dapat, nakipag-usap siya sa Senate President. Lahat ng pakikipag-usap dapat ay ginawa niya ng pasikreto. Pero, ayaw yata niyang makalimutan siya ng mga Pilipino dahil sa balitang may balak siyang tumakbo uli bilang senador. Kaya pala panay ang pa-interview niya, na siya namang naglalagay sa kanya sa alanganing sitwasyon.

 

Maraming sumuporta kay Lacson sa isyu ng Kuratong-Baleleng dahil nakitaan siya ng tapang sa pagpigil ng mga malakihang holdapan at nakawan noon. Iniisip pa nga ng iba na baka lumusot siya sa pagka-Presidente dahil ang tingin sa kanya ay malinis. Subali’t  para sa isang namumuno, bukod sa  busilak at kalinisan ng pagkatao, dapat mayroon ding matatag na prinsipyo at may isang salita, mga tanda ng pantay at makatarungang desisyon na gagawin niya ng buong tapang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s