ANG INA NATING MAGITING
Ni Apolinario Villalobos
Isang nilalang na madalas ay hindi maunawaan
Dahil maasikasong ugali para sa iba’y kakulitan
Nguni’t para sa kanya’y tanda ng pagmamahal
Kaya’t sakripisyo’y sinasabayan na lang ng dasal.
Siyam na buwan kung dalhin niya sa sinapupunan
Isang buhay na bunga ng taos na pagmamahalan
Subali’t para naman sa ibang di pa handa para dito
Tinitiis na lang ang ang lahat, nakasadlak sa siphayo.
Sa kanyang sinapupunan ang buhay nati’y sumibol
Sa masakit na pagluwal ang paghinga niya’y hinabol
Gangga-munggo man ang pawis, sa labi’y may ngiti
Nang marinig ang pag-iyak ng isang sanggol na munti.
Buhay na martir ang dapat na imahe sa ating paningin
Nitong nilalang na kung minsan, pag tanda’y di pansin
Iyan ang turing ng mga anak na suwail at walang puso
Kaya, nagtatampong ina, kung saan-saan napapadako.
Pagmamahal, damdaming walang katumbas at katapat
Ga-bundok mang yaman, sa ginawa niya ay hindi sapat
Kalooban niya’y di sinasaktan, kristal dapat kung ituring
Mahalagang nilalang sa ating buhay…ina nating magiting!