Mga Pangarap ni Nanette
…isang batang prosti sa Avenida
Ni Apolinario Villalobos
Nang minsang bumili ako sa isang tindahan sa Baseco Compound, may nakasabay akong batang babae na paulit-ulit na binibilang ang dalang mga barya, habang nakatingin sa naka-display na mga ulam. Nang akmang aalis na walang nabili, kinalabit ko siya at tinanong kung may gusto siyang bilhin na ulam. Hindi siya sumagot, nakatingin lang sa akin. Sabi ko huwag siyang matakot dahil kaibigan ko ang nakatira sa isang barung-barong sa kantong itinuro ko. Kilala pala niya ang mga kaibigan ko. Noon pa lang siya ngumiti at nagsabi na gusto sana niyang bumili ng kalahating ginataang gulay, pero kulang ang pera niya dahil ang iba ay naibili na niya ng bigas na nilutong lugaw. Ibinili ko siya ng ilang piniritong galunggong at dalawang takal na monggong ginisa. Sinabayan ko siya sa pag-uwi. Tanaw mula sa bahay ng kaibigan ko ang tinitirhan nila na isang halos ay magiba nang barung-barong.
Sabi ng kaibigan ko, iniwan sina Nanette ng kanilang ama kaya mag-isang itinataguyod silang magkakapatid ng kanilang nanay na ang pinagkikitaan ay ang pagbalat ng bawang at sibuyas. Nagulat ako nang ibulong niya na nabisto si Nanette na umiistambay sa Avenida, kasama ang isang kilalang bugaw. May ibig siyang sabihin na naunawaan ko agad.
Nang hapong yon, gumawa ako ng paraan upang makausap si Nanette na tumutulong sa kanyang nanay sa pagtalop ng mga bawang at sibuyas. Kunwari ay nagpasama ako upang bumili ng miryenda para sa kanila at sa mga anak ng kaibigan ko. Habang naglalakad kami, marami kaming pinag-usapan tungkol sa mga kapatid niya na ang isa ay nilalagnat pa. Dahil sa sinabi niya, bumili na rin ako ng gamot panglagnat sa tindahan. Pinakiramdaman ko siya at nang bandang mag-aalas kuwatro na, nagpaalam siya upang maligo daw. Bumalik na lang ako sa kaibigan ko. Subali’t may hinala na akong magbibihis na rin siya upang “rumampa” sa Avenida.
Nang makita ko siyang paalis na, nagpaalam na rin ako sa kaibigan ko upang sumabay kay Nanette. Biyaheng Recto ang sinakyan naming jeep. Ang dahilan ko sa kanya, LRT ang sasakyan ko pauwi. Subali’t pagdating sa Avenida, inanyayahan ko siyang kumain muna sa McDonalds. Doon ko na siya kinausap ng masinsinan. Dahil sa tiwalang nabuo, naging tapat siya sa mga sagot sa akin. Inamin niyang nagpapabugaw siya. Noon ko lang din nalaman na labing-anim na taong gulang siya.
Siya ang panganay sa kanila…anim sila lahat. Dalawa ang nag-aaral, at siya naman ay biglang tumigil sa kalagitnaan ng second year high school dahil sa paglayas ng kanyang tatay. Mag-isa siyang rumarampa sa tulong ng isang bugaw. Gusto niyang makatapos man lang ng high school kaya may itinatabi siya mula sa kanyang kita. Sa susunod na taon ay magpapa-enroll daw siya. May mga nahingi na siyang mga gamit mula sa mga nakilala niya sa Avenida- dalawang pares na sapatos, isang balat at isang goma, may bag na pwede pang-eskwela at ilang maaayos na damit. Pagkatapos daw niyang mag-high school, papasok agad siyang waitress sa gabi at mag-aaral ng computer sa isang eskwelahan sa Tondo, sa araw. Ito yong vocational course na pang-dalawang taon lamang daw. Malinaw ang mga paglalahad niya ng kanyang mga pangarap.
Nakakaantig ng damdamin ang mga sinabi sa akin ni Nanette…wala siyang kagatul-gatol sa pagsasalita na para bang nanggigil pa. Inisip ko na lang na excited lang siguro siya. Subali’t bigla niyang sinabi na gusto niyang ipakita sa lumayas nilang tatay na kaya nilang mamuhay, at kakayanin niyang magtaguyod sa kanyang mga kapatid katulong ang kanyang nanay. Yong balak pala niyang ipamukha sa kanyang tatay na kaya nilang mamuhay nang hindi aasa sa kanya, ang dahilan ng kanyang panggigigil.
Hindi kami nagtagal ng pag-uusap dahil umiwas ako sa trapik subali’t nangako akong mag-uusap kami uli. Nabanggit ko si Nanette sa isa kong kaibigang balikbayan na nakatira sa Pasay. Pensiyonado siya bilang American citizen at kaa-approve lang ng dual citizenship kaya nakakuha uli ng Filipino citizenship. Ako ang umalalay sa kanya sa pagpabalik-balik niya sa immigration office, dahilan upang magsabi na kung ano ang kailangan ko, siya naman ang tutulong. Pinaalala ko sa kaibigan ko ang pangako niya, sabay hiling ng tulong para kay Nanette. Chicken feed daw lang pala ang hiling ko.
Tinyempuhan namin si Nanette sa Avenida nang sumunod na Sabado at nang makita namin ay niyaya agad na kumain sa MacDonalds kasama ang bugaw niya. Doon binitiwan ng kaibigan ko ang pangakong tulong upang maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral, kaya sigurado na siyang makakapag-enroll sa susunod na pasukan, kaya lang second year pa rin – nagtawanan kami. Hindi rin napigilan sa pag-iyak si Nanette dahil sa sobrang tuwa, at dahil binigyan ng pera ng kaibigan ko, hindi na nagpabugaw nang hapong yon. Ang kaibigan ko ay nangakong tutulong pa rin kay Nanette upang makapag-aral sa isang government vocational training center, pagkatapos niya ng high school, pero hindi na computer ang ipapakuha sa kanya, kundi welding course na in-demand sa abroad, lalo na sa mga bansang Muslim.
Ang mga tulad ni Nanette ang nagpapamukha sa atin na hindi lahat ng pumapasok sa mga alanganin at hindi katanggap-tanggap na trabaho ay masama, dahil karamihan sa kanila ay biktima ng kapabayaan at naitutulak ng matinding pangangailangan. May pangarap din silang mabuhay ng maayos sa hinaharap kaya sila nagsisikap at malaking bagay ang tulong na walang taling hila-hila ng nagbigay.
Hindi tayo dapat mainis sa mga batang yagit na namumulot ng basura o namamalimos. Ang mga bata ay walang kamuwang-muwang kung sila ay magiging bunga ng mga iresponsableng magulang o mayamang mag-asawa na sabik magkaroon ng anak, habang sila ay nasa sinapupunan pa. Sa pagmulat ng kanilang mga mata sa mundo, hindi sila nakakapamili kung saan sila hihimlay – sa sahig ba ng isang barung-barong sa gitna ng tambakan? o sa isang malamig na kwarto ng isang magarang bahay. Kadalasan, sa murang gulang nagagamit pa sila sa pamamalimos ng mga taong maitim ang budhi. Huwag natin silang pagkaitan ng ilang barya o isang pirasong tinapay, kahi’t may kutob tayong nagmamaang-maangan lamang sila, dahil ang gutom ay hindi kayang itago ng pagkukunwari.
Like this:
Like Loading...