Mga Payak na Lutong Maragondeῆo
Ni Apolinario Villalobos
Hindi tulad ng ibang bansa na ang maipagmamalaki lamang ay mga natatanging taal na pagkain at pamamaraan sa pagluto o recipe, ang sa Pilipinas, bukod sa pagkakaroon ng huling nabanggit, ay mayroon ding mga hango sa pamamaraan ng mga mananakop. Subali’t mayroong mga rehiyon at probinsiya na nakapagpanatili ng sarili nilang mga lutuin. Isa na diyan ang Maragondon, isang bayan ng Cavite.
Kung anong dagundong mayroon ang pangalan ng bayan, ay ganoon din ang mga sariling lutuin nito. Ayon kay Gng. Emma Mendoza Duragos, isang caterer na taga- Maragondon, ang mga lutong Maragondeῆo ay binabatay sa mga kung ano lang ang mahahagilap sa paligid, subali’t nagagawan ng paraan upang maging malasa at malinamnam. Ang kapayakan sa paghanda ng mga ito ang dahilan kung bakit marami ang nahalinang matuto sa paghanda ng mga nabubukod tanging pagkaing Maragondeῆo.
Ang piniritong lumpiya halimbawa ay kaunti lamang ang mga sangkap tulad ng singkamas o hilaw na papaya o kung talagang espesyal ay ubod ng niyog, carrot o kamoteng dilaw, sibuyas bombay o dahon, at konting pamentang durog. Ang manamis-namis na lasa ay galing sa sangkap na carrot o kamote.
Sa mga pinaasim na lutuin tulad ng paksiw o sinigang na isda, ang pinakamahalagang sangkap ay kamyas lamang. Ganito rin ang ginagawa sa sinigang na baboy o baka, subali’t may dagdag na ilang patak ng sukang niyog. Hindi hinahaluan ang mga ito ng mga rekadong ginagamit sa mga lutuing intsik o Indiyano.
Ang monggo na itinuturing na pang-Biyernes na ulam, ay pinapakuluan ng matagal upang talagang lumambot at hinahalong mabuti upang lumapot. Hinahaluan ito ng kung anong gulay ang maaaring makalap sa paligid tulad ng dahon at talbos ng ligaw na ampalaya o malunggay. Palasak sa Maragondon ang paghalo ng dinurog na tsitsarong balat ng baboy sa nilagang monggo na lalong nagpapatingkad ng lasa nito.
Ang manok na sarsiyado ay niluluto muna ng bahagya sa pinagbabaran nitong mga sangkap upang masigurong manuot ang lasa sa laman, at pinipirito din ng bahagya upang mawala ang lansa. Binibigyan nila ng halaga ang luya sa pagluto ng sarsiyadong manok, baka at isda, upang matanggal ang lansa sa mga ito.
Hindi maiwasang mapag-usapan ang mga payak o simpleng pagluluto sa panahong ito dahil sa kahirapan ng buhay. Napatunayan ng mga taga-Maragondon na simple man ang paraan sa paghanda ng mga pagkain nila, nagagawan nila ito ng paraan upang maging masarap. Ginagamit ni Gng. Duragos ang kaalaman niya sa mga paraang Maragondeῆo sa pagluto, sa kanyang hanapbuhay bilang caterer at karinderyista sa loob ng isang subdivision na dinadayo dahil sa murang halaga ng mga ulam at sarap ng mga ito. Kung kinakailangan o kung pinapakiusap ng nagpapa-cater, nagluluto rin si Gng. Duragos ng mga ulam na naimpluwensiyahan ng Kastila at Hapon. Subali’t may paraan siya upang pumaibabaw pa rin ang timplang Maragondeῆo na natutunan niya mula noong siya ay bata pa. Ang paraang ito o “twist” ay nauuso sa makabagong “cuisine”. Ang malungkot lamang ay ayaw niyang ipamahagi ang mga paraan ng pagtimpla dahil “trade secret” daw. May gumaya na daw kasi subali’t sa halip na magpasalamat ay siniraan pa siya. Naging bahagi na ng adhikain ni Gng. Duragos sa pagluto ang paniniwalang hindi kailangang gumastos ng malaki upang makatikim ng masarap na pagkain…at yan ay napatunayan niya.