Sarah Jane
(para kay Sarah Jane Salazar)
Ni Apolinario Villalobos
Ilan pa kayang babaeng tulad mo
Ang animo’y naglalakad nang hubad
Sa ibabaw nitong malupit na mundo?
Ilan pa kayang babaeng tulad mo
Ang nagpapasan ng bigat sa balikat
Na walang maski katiting na reklamo?
Napagdamutan ng biyaya at ligaya
Na sa murang gulang ay ‘di mo alam
Subali’t sa iba’y kawalan na ng pag-asa.
Nalampasan ng biyaya ng kabataan
Na sa akala mo ay bahagi lang ng buhay
Subali’t sa iba’y nawalang kaligayahan.
Natiis mong lahat ang mga pagsubok
Na akala mo ay dala lamang ng kahirapan
Subali’t sa iba’y nakakasakal na dagok.
Pambihira ka Sarah Jane…sa iyong ngiti
At sa maaliwalas mong pananaw sa buhay –
Pumanaw kang may ngiti…walang sinisi!
(Si Sarah Jane Salazar ang unang nabunyag na biktima ng HIV-AIDS sa Pilipinas. Inamin niyang kahirapan sa buhay ang nagtulak sa kanya upang magtrabaho sa mga beer house sa murang gulang. Nagawa niya ito upang makatulong sa kanyang mga magulang. Huli na nang dumating sa kanyang buhay ang mga taong dapat ay nakatulong sa kanya upang magbagong buhay. Namatay siyang walang sinisi.)