Minsan, May Isang Nagbuwis ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Ang magsakripisyo para sa iba ay hindi madaling gawin
Ipokrito lang ang magsasabing mahirap ma’y kakayanin
Lalo pa at buhay ang nakalaan para sa ganitong bagay –
Nag-iisang buhay na halaga’y sadyang walang kapantay.
Subali’t ‘di rin maiwasan sa makabagong panahon ngayon
Mayroon gumagawa nguni’t sa bihi- bihirang pagkakataon-
Tulad ng amang baha ay susuungin, upang anak ay mailigtas
O di kaya’y inang nabaril, nagnakaw para sa anak…..ng gatas.
Maraming kwento ng buhay ang naririnig natin at nababasa
Subali’t bukod tangi ang isang kwentong nasa pahina ng Bibliya
Simula sa murang gulang, nagpahiwatig na ng kanyahg misyon
Pinatunayan ang katotohanan sa lahat ng paraan at pagkakataon.
Diyos man kung ituring subali’t katawang tao ay may hangganan
Kaya pilit niyang tiniis at ininda ang pinataw na mga kaparusahan
Tumagaktak na pawis ay nahaluan ng dugong masaganang umagos
Sakit na tagos sa puso animo’y nagpamanhid sa katawang nauupos.
Pasakit na pinabigat ng pinasang krus na siya palang mga kasalanan –
Mga kasalanang naipon ng kung ilang siglo, ng buong sangkatauhan
Kanyang pagparaya ay umabot doon sa mabatong burol ng Kalbaryo
Kilala natin siyang minsa’y nagbuwis ng buhay para sa atin…si Hesukristo!