Mga Simpleng Magagawa Ngayong Mahal na Araw
Ni Apolinario Villalobos
Ang Pilipinas ay bukod tanging bansa sa Asya na tinitirhan ng maraming Kristiyano kung ihambing sa iba pang relihiyon tulad Islam, Buddhism, at mga grupong hindi naniniwala sa Diyos o Ateyista. Sa hanay naman ng mga Kristiyano, ang pinakamalaking bahagi ay Romano Katoliko na maraming pinagdiriwang na mga kapistahan at iba pang maka-Diyos na selebrasyon, na ang isa sa pinakamahalaga ay ang Mahal na Araw.
Maraming nakagawiang gawin sa loob ng panahon bago sumapit at hanggang sa pagsapit mismo ng Mahal na Araw. Ito ang panahon ng pagninilay-nilay, pagtitika o pagsasakripisyo upang mabawasan man lamang ang mga kasalanang nagawa. Ang ginagawang huwaran ay ang pagsakripisyo ni Hesukristo na umabot sa pagkapako niya sa krus sa Kalbaryo upang matubos ang tao sa mga kasalanan nito. Hindi madali ang gumawa ng mga sakripisyo upang maibsan man lamang ang mga kasalanang nagawa, dahil kailangan dito ang taos-pusong pagsisisi na kalimitan ay wala sa karamihan. Subalit maaaring mapagaan ang mga pasanin kung iwasan na lang ang paggawa ng mga imposibleng sakripisyo, bagkus ay makatotohanang mga bagay na lamang tulad ng mga sumusunod:
–Batiin ang mga naging kagalit. Isipin na lang natin na ito ang gusto ng Diyos… na dapat ay huwag nating bigyan ng puwang ang galit sa ating puso. Huwag nating isipin na may ibang taong nag-uutos sa ating gumawa nito…kundi Diyos lang.
–Ngumiti sa ating kapwa at sabayan na rin ng pagbati hangga’t maaari. Simple lang naman ang paliwanag dito kung bakit: masama kasi ang nakasimangot, kaya dalawa lang pagpipilian – ang ngumiti na madaling gawin o sumimangot na nangangailan ng paggalaw ng maraming bahagi ng mukha at kung nakasanayan ay madaling magpatanda.
–Piliting huwang manira ng kapwa. May mga tao kasi na hindi kumpleto ang araw kung wala man lang maitsimis sa iba, at feeling star sila kapag nagawa nila ito. Sa panahong naghihirap si Hesukristo para sa tao, iwasan muna ang pagtitsismis at baka karma lang ang abutin.
–Huwag mang-ismol ng kapwa na hirap sa buhay. Ugali ng iba, lalo na yong biglang umangat ang kabuhayan dahil ang mga asawa ay nasa abroad na, ang “gumanti” sa iba na nang-ismol sa kanila noong sila ay halos hindi makakain sa isang araw kahit na ang mga asawa nila ay hilahod na sa paghanap ng trabaho. Kaya inisip nila na gumanti ngayong kumakayod na sa abroad ang mga asawa nila at nagre-remit sa kanila ng mga banyagang salapi. Ang lalong nagpasama sa kanilang ugali ay ang pagkakaroon ng amnesia kaya maski ang mga dating nakatulong sa kanila ay nawala sa alaala nila.
– Maging taimtim sa pagpasok sa mga simbahang bibisitahan sa pagtupad ng panatang “bisita iglesia”. Huwag mag-asal turista na pa-picture picture sa harap ng simbahan o sa loob nito para may mai-post sa facebook o twitter. Respetuhin ang simbahan dahil ito ay tahanan ng Diyos. Iwasan ding magsuot ng mga damit na nakakabuyangyang ng kung anu-ano upang ang iba ay hindi matukso.
–Huwag ipagkait ang ilang barya sa mga namamalimos, maski Badjao pa sila. Ang panahong kinapapalooban ng Mahal na Araw ay panahon din ng taos-pusong pagtulong sa kapwa. Yong mga tirang tinapay na ayaw nang kainin ng mga maarteng anak dahil malamig na ay pwedeng gawing sandwich upang ipamigay sa mga namamalimos sa bangketa, samahan na rin ng tubig kung maaari. Alalahanin natin na may mga kapus-palad na sa hangaring mabawasan man lang ang gutom ay nangangalkal sa basura. Yong limang pisong barya na ayaw tanggapin ng maaarteng anak ay kayamanan na para sa mga namamalimos.
–Piliting huwag magmura, kung nakasanayang gawin ito. Ilang araw lang naman ang pagtitiis kung ang pagmumura ay bahagi na ng buhay. May iba kasi na nagsasabing napapanisan daw ng laway kapag hindi makapagmura, kaya nagkakaroon sila ng bad breath. Ang remedyo diyan ay pagkaroon palagi ng menthol kendi sa bulsa o sa bag upang may maisubo kapag naaamoy mo na ang bad breath mo. Huwag ding mangupit ng tubig pang-antada sa simbahang binisita upang mapangmumog para mawala ang bad breath dahil natuyuan ng laway – gamot daw kasi ang nabasbasang tubig.
–Huwag munang uminom ng alak o magmadyong sa panahon ng pagtitika. Hindi na kailangan ang mahabang paliwanag tungkol dito dahil masamang bisyo naman talaga ang pagsusugal o pag-inom ng alak lalo na yong may kalabisan. Meron kasi akong nakitang sa sobrang kalasingan, akala niya ay siya si Hesukristo kaya pinipilit ang mga kainumang ipako siya sa poste ng Meralco, sinabayan pa niya ng hagulhol kaya ang ginawa ng mga kasama niya, inilublob na lang siya sa katabing kanal upang mahimasmasan. Sa Quiapo ko ito nakita.
–Piliting magbasa ng Bibliya, maski ilang pahina lamang sa isang araw. Yong iba kasi, may Bibliya sa bahay pero pang-display lang kaya hindi man lang alam kung sino talaga ang panganay na anak ni Abraham at kung sino ang ina nito. Hindi rin nila alam kung anong bibliya meron sila, King James Version ba o yong bigay ng Mormon.
–Piliting panoorin ang mga maka-Diyos na palabas sa TV o DVD. Iwasan munang manood ng mga teleserye maski nakaka-iyak pa ang mga ito. Lalong iwasang manood ng mga pelikulang pantasya o horror dahil ang pinagdiriwang ay tungkol sa pagsisisi at pagsasakripisyo kaya ang panoorin ay yong tungkol sa buhay ni Hesukristo. Panoorin na lang maski ika-50 beses nyo nang napanood ang “Ten Commandments” o “The Bible”
–Medyo ilaylay muna nang bahagya ang ulo. Maging mapagpakumbaba, subukan mo lang maski masama sa loob mo dahil iniisip mong mukhang poor ka kung bumababa ka sa level ng ibang mapagpakumbaba. Alalahanin mong ang matagal na pagtaas ng noo na matiyempuhan ng ihip ng masamang hangin ay magreresulta sa stiff neck…ikaw rin!
–Iwasan ang mamintas. Huwag pintasan ang buko pandan na kulang sa tamis at beko na kulang sa gata na pinakain sa iyo nang pasyalan mo ang iyong best friend. Huwag mo ring pintasan ang tubig posong pinainom sa iyo na hindi malamig. At lalong huwag pintasan ang plastic na tinidor at basong pinagamit sa iyo. Huwag ring pintasan ang minadali niyang paglagay ng eyebrow kaya hindi pantay at ang lipstick na kumalat sa bibig, dahil gusto ka niyang pagsilbihan agad pagdating mo. Iwasang gawin ang iba pang pagpintas na mas matindi.
–Makiisa sa pabasa. Huwag mahiyang umupo maski sa bandang likuran ng mga nagbabasa at makinig na lang kung sa palagay mo ay makakasira ka sa grupo kung sasali ka sa pagbasawit o pagbasa na paawit. Tumulong na lang sa pagbigay ng salabat at tinapay o di kaya ay mag-donate ng kape,salabat, tinapay o kung ano pang kailangan tulad ng kandila. Huwag pumalakpak kung nalukuban ka ng sobrang kasiyahan dahil pang-rapper ang style na narinig mo. Huwag mang-istorbo sa pagkuha ng mga photos lalo na yong pa-selfie na pang-post sa facebook o twitter mo at balak mong lagyan ng caption na, “oh, meron ka nito?”. Pang-iinggit yan na isang masamang ugali.
Sinasabi sa Banal na Aklat na hindi kailangang ibalik ang tulong na natanggap, subali’t sa panahong ito na sumesentro sa pagsakripisyo ni Hesukristo para sa tao, ang “mabaryahan” lamang ang ginawa niya ay napakalaki nang bagay. Ang “barya” ay ang mga maliliit na bagay na maitutulong natin sa ating kapwa…mga maliliit na bagay kung ituring subalit para sa iba ay panawid-gutom at pamatid-uhaw na, o kayamanan na.
Isama sa pagninilay-nilay ang pag-isip na dapat walang hangganan ang pagtulong sa kapwa, pakikipagkapwa-tao, lalo na ang pakikipagkapatiran…na ang mga relihiyon ay hindi dapat makasagabal sa ganitong minimithi ng karamihan…na dapat ay mithiin na rin SANA ng lahat. Lalong higit sa lahat, magpasalamat kay Hesukristo sa ginawa niyang pagtubos sa tao mula sa pagkakasadlak sa kumunoy ng kasalanan!