Paglalakbay sa Karagatan ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Hindi madali ang maglakbay sa karagatan ng buhay
Kailangang ang bangkang sasakyan ay dapat matibay
Dapat handa sa mga sasalungating alon na ga-bundok
At ihip ng hanging ‘di malaman kung saan galing sulok.
Ang paghahanda sa paglakbay ay hindi madaling gawin
Mayroong mga alituntuni’t gabay na dapat laging sundin
Dahil sa munting pagkakamaling ‘di na talaga mababawi
Kapahamakan o kamatayan, ang napakasakit nitong sukli.
Ganyan ang buhay na kung ituring ay isa na ring karagatan
Malawak na’y maalon pa, maraming badyang kapahamakan
Mga pagsubok kung wariin minsa’y ‘di kayang malampasan
At kung nakaya, galak na nadarama’y halos walang pagsidlan.
Pagpapasya’y atin, direksyon ng timon ay kung saan ipapaling
Kung mabuo man, dapat lang siguraduhing talagang magaling
Dahil mahirap kung ang sinundang direksyon ay hindi mabago –
Hindi makaya ng mahinang katawan, sa timon ay magkambyo.
Mga desisyon sa ating buhay, dapat ay pinag-aaralang mabuti
Hindi patumpik-tumpik na pagsisisihan lamang sa bandang huli
Tulad ng karagatan, ang buhay ay nabubulahaw din ng mga unos
Mga pagsubok na harapin ma’y buong tapang at ‘di padalos-dalos!