Mga Pagkaing Pang-survival (o pagkaing pangmahirap)

Mga Pagkaing Pang-survival

(o pagkaing pangmahirap)

 

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Dahil ang isa sa mga layunin ko sa pagsusulat ay upang makibahagi ng aking mga karanasan, ngayon ay isisiwalat ko ang  tungkol sa mga pagkaing malayong-malayo sa nakagisnan ng karamihan. At alam ko na marami sa mga makakabasa ang magtataas ng kilay at magsasambit ng “ano ba yan!” o di kaya ay “yuck!”….. Okey lang…karapatan nila yan.

 

Ang grupo namin ay pumupunta sa mga depressed areas upang maki-bonding at mamahagi ng tulong, nguni’t dahil sa kagustuhan naming makatipid ng dala naming pera na ang sobra ay pinamamahagi pa rin namin sa mga bata para baon nila pagpasok sa eskwela,  bumibili na lang kami ng mga kung anong abot- kamay namin sa paligid. Karamihan sa mga “pagkain” na nahahagilap namin ay palanta na o talagang lanta nang gulay, subali’t nagagawan ng paraan upang mailuto  pa ng masarap.  Yong ibang nasa mga sisidlang lata o plastic ay pa-expire na o talagang expired na.  Subali’t upang siguradong ligtas namang kainin ng mga kaibigan namin, grupo muna namin  ang tumitikim. Hanggang ngayon wala pa rin namang namamatay sa grupo namin (hallelujah…praise the Lord!).

 

Nakakabili kami ng tumpok-tumpok na gulay tulad ng talong na tinapyasan ng bulok na bahagi, petsay na yukung-yuko na ang mga dahon sa pagkalanta, sitaw na dahil sa kalantaan ay pwedeng ibuhol ng ilang beses, kamatis na litaw na ang mga buto, at marami pang iba. May mga sardinas na expired na pero hindi pa naman lumulubo ang magkabilang takip, imported na kape na tumigas na sa sachet dahil sa kalumaan, meron ding mga “reject” na tuyong daing na halos nanghihimulmol sa asin. Madalas tuloy naming iluto ay “pinakbet a la pobre” (stir fried na mga lantang gulay na binagoongan), “aubergine con salsa” (ginisang talong sa maraming kamatis,  sibuyas, at tinostang bawang), “aubergine a la italiano” (inihaw na talong na tinaktakan ng mantikang may konting suka at maraming dinurog na sariwang bawang),  “pescado a la pobre” (reject na daing na pinirito at sinarsahan ng maraming kamatis, sibuyas, at tinostang bawang), “pasta de lata” (expired spaghetti noodles na ang sauce ay sarsyadong expired na sardinas).  Ang panghimagas namin ay expired na kape na ang katigasan ay walang magawa  kundi bumigay at malusaw  sa mainit na tubig.

 

Ang mga bahagi naman ng manok  ay may kasarapan  naming niluluto upang maging “dry adidas” (paa ng manok na inadobo, pinatuyo ang sauce), “hot balbakwa” (balat ng baka na ginataan  sa maraming siling haba at siling labuyo), at “splendid IUD” (bituka ng manok na habang binabarbekyu ay pinahiran ng gata ng niyog na may sili, sibuyas at bawang). Ang mga ito lang ang nailuluto namin na hindi expired at sinisiguro din naming hindi bulok dahil matalas ang pang-amoy ng isa naming kasama pagdating sa ganitong bagay.

 

Kapag makatiyempo kami ng tutong na kanin (yong hindi sunog na sunog) sa mga karinderya, binibili namin, at kung wala naman, bumibili kami ng NFA rice sa isang tindahan na naging suki na namin. Ang ibang tutong na kanin ay dinudurog, pinapakuluan sa katamtamang dami ng tubig, hinahaluan ng instant noodles, at “binabagsakan” ng itlog  para sa mga bata. Ang natirang tutong, fried rice ang kinalalabasan – sa maraming bawang, sibuyas, gulay tulad ng repolyo o petsay, hinimay na reject na daing, at tinaktakan ng toyo para lalong magkalasa. Hindi kami gumagamit ng vetsin dahil ayaw naming may magka-cancer sa amin. Kung minsan nag-aaroskaldo kami, gamit ang NFA rice.  Ang sahog ay balat ng baka (pampalapot) at paa ng manok – may sahog na luya, sibuyas, at sariwang bawang.

 

Pinapaliwanag namin sa aming mga kaibigan  ang kahalagahan ng mga rekadong tulad ng bawang, sibuyas at luya na marami sa paligid nila.  Sinasabi namin  na hindi dapat mawala ang mga ito sa kanilang pagkain maski bilang sawsawan man lamang, dahil subok na rin ng aming grupo bisa ng mga ito, tulad ng  sibuyas na panlaban sa sipon at pampalambot ng plema para madaling mailuwa, ang luya na panlaban sa kabag at panlinis ng pantog at atay, ang bawang na panlaban sa mga mikrobyo sa loob ng katawan. Dagdag pa namin, ang bawang at luya ay maaaring pampahid sa balat upang matanggal ang kung ano mang mikrobyo at pangangati. Malakas ang loob naming ibahagi ang mga kaalamang  ito dahil isa sa mga kasama namin sa grupo ay doktor, subali’t hindi alam ng pinapasyalan naming mga kaibigan.

 

Napatunayan ng grupo namin na ang pa- expire na pagkain o pabulok na gulay ay hindi nakamamatay (kung expired na, dapat mga ilang araw lang, hindi yong kung ilang buwan na).  Ang nakamamatay ay  katamaran, kaya ang mga kaibigan namin ay todo-todo ang pagkayod upang mabuhay nang marangal, sukdulan mang gumising sila sa madaling araw at abutan man ng ulan habang namumulot ng mga itinapong  gulay  upang pagkakitaan. Lalong hindi nakakahiyang kumain ng mga ito. Ang nakakahiya ay ang lumamon ng pagkaing binili gamit ang perang kinamkam sa kaban ng bayan, dahil para na rin nilang inagawan ng pagkain ang mahihirap na Pilipio.  At  kung nakamamatay ang hiya, matagal na sigurong umalingasaw ang mga opisina ng pamahalaan dahil sa nakahambalang na mga bangkay ng mga opisyal na basta na lang nagbagsakan!

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s