Dapat Walang Anyo ang Pagtulong sa Kapwa
Ni Apolinario Villalobos
May nagtanong sa akin kung bakit ang grupo namin ay hindi nagsasabi ng totoo tungkol sa aming pagkatao kapag tumulong kami sa iba. Ang sabi ko, ginagawa namin ito sa mga hindi namin kilala na gusto naming matulungan. Unang-una, hindi kami mga pulitiko o mga artista na kailangang makilala dahil sa ginagawa namin. Pangalawa, wala kaming permanenteng pondo. Ang mga naibabahagi namin sa mga hindi namin kilala na mga taga-depressed areas ay galing sa sarili naming mga bulsa, at paminsan-minsan ay nakakalikom kami ng mga bagay o pera lalo na kung pasko. Kaya ang binibigay naming pangalan kapag may nagpilit magtanong, ay iba at hindi na rin kami nagsasabi ng totoo kung taga-saan kami, dahil nga wala namang kinalaman ang mga impormasyong ito sa layunin naming makatulong. Kaya lalong bawal sa amin ang makunan ng larawan bilang souvenir tulad ng ginagawa ng iba.
Naniniwalal ang grupo namin na ang pagtulong sa kapwa ay dapat walang anyo o mukha. Ang binibigyang halaga ay ang naiabot na tulong sa nangangailangan. Kapag may nagpasalamat, dapat paalalahanan na lang, na kung sila naman ang magkaroon ng pagkakataong makatulong, ibigay na sa iba upang maipakalat ang diwa nito, hindi na kailangang ibalik sa tumulong. Hindi dapat matanim sa alaala ng natulungan ang mukha ng tumulong, sa halip ay ang kagandahan ng kanyang nagawa. Kaya maaari niyang banggitin sa iba ang tulong na nagawa, pero ang masasabi lamang niya ay “may isang tao” o “may mga tao”, hindi “si Juan” o “ang grupo ni Pedro”.
Sa isang banda, para naman mapanatili ang pagkakaalaman tungkol sa pagtulong na ginagawa ng gobyerno, dapat ang mga nakapaskil na mga karatula ng mga proyekto ay walang pangalan ng mga opisyal at retrato nila. Ang dapat lang malaman ng mga taong bayan ay mga detalye ng proyekto tulad ng halaga, ang ahensiyang nagpasimuno, ang kontraktor at kung kaylan ito matatapos. Ang masama kasi, kadalasan, nakahambalang sa mga karatula ang mukha ng mga opisyal at mga pangalan nila…mas malaki pa kaysa mga detalye.
Paano ang mga kilalang mga foundation na matitino na talagang alam nating tumutulong? Sa ganang akin, tama lang ipaalam sa mga tao ang ginagawa nila para magkaalaman kung saan napupunta ang mga donasyon na tinatanggap nila. Ang isa sa matutukoy ko ay ang ginagawa ng dalawang malalakig istayon ng telebisyon na halos araw-araw ay ipinapaalam sa mga manonood nila ang inabot na ng mga proyekto tulad ng pagpapagamot ng mga mahihirap at pagpapatayo ng mga eskwelahan. Sa paraang ito, madadagdagan pa ang mga donasyon. Ang ganitong sistema ay maaari sa mga grupo ng mga taong matitino. May iba kasi na nangangailangan pa ng kamera upang maiabot ang kakarampot na tulong. At ang matindi, may mga grupong nakakalikom ng pondo ng bayan dahil sa pakikipagtutsadahan sa mga tiwaling mga opisyal ng gobyerno na kumita rin, subali’t ang mga proyekto ay hanggang papel lamang.
Ang isa pang masama sa ginagawa ng mga opisyal ng gobyerno ay ang paggamit nila ng mga kalamidad upang maisulong ang pansarili nilang layunin. Ang mga supot na nilalagyan ng mga relief goods ay may mukha at pangalan nila. Kung minsan, nire-repack ang mga donasyon upang ilipat ang mga ito mula sa dating nilagyang mga sako, sa mga supot na may mukha at pangalan nila. Kung minsan, hindi rin nila pinamamahagi ang mga donasyon kapag ang nakaupong mga opisyal sa lokal na pamahalaan, tulad ng barangay o bayan, ay kalaban nila sa pulitika.
Kadalasan, ang pagtulong sa kapwa ay naaabuso rin. May iba kasi na hindi makahintay sa iaabot na tulong ng mga taong may kusang gawin ito. Ang iniisip kasi ng mga taong hindi makahintay ay obligado silang tulungan ng iba, na dapat lang mamahagi ng biyaya. Hindi naisip ng mga taong tinutukoy ko na anumang biyaya mayroon ang bawa’t tao, ay dahil sa pagsisikap nila at nasa sa kanilang pagdesisyon na kung ang labis na biyaya kung mayroon man, ay gusto nilang ipamahagi sa iba.
Kaya, sana sa susunod na may mag-abot ng kung ano mang tulong sa kanyang kapwa, itanim na lang niya sa isip na ginagawa niya ito sa ngalan ng Pinakamakapangyarihan sa lahat.