Tacloban: Isang Halimbawa ng Kapabayaan

Tacloban: Isang Halimbawa ng Kapabayaan
…sino ang may sala?
Ni Apolinario Villalobos

Ilang araw pa lang matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang Tacloban, hindi na ito tinigilan ng intriga. Nagkaroon ng kalituhan sa kung sino ang dapat kumilos para matulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Nagturuan at nagsisihan ang mga nasa gobyerno. Ang kawawang mga mamamayan, naiwang nakanganga, nakatunganga, gutom, at nangagatog sa ginaw. May mga dumating ngang relief goods pero pati ang mga ito ay nadamay sa intriga dahil may mga local officials daw na ayaw mamahagi sa mga kontra-partidong barangay. Umabot na sa puntong kailangang pumasok sa eksena at makialam ng mga ahensiyang taga-labas ng bansa. Meron pang mga ahensiyang donors na ayaw ipagkatiwala sa mga local na ahensiya ang pagmudmod ng mga relief goods….nakakahiya!

Pati ang pagpapatayo ng mga bunkhouses na tirahan dapat ng mga evacuees ay nakaladkad sa controversy. Ipinahayag ni Lacson noon, ang Presidential Assistant na itinalagang mag-monitor sa proyekto para sa rehabilitasyon, ang pagkadiskubre niya ng anomaly sa over-pricing ng mga materials, at pinagpyestahan naman ng media. May mga nagdatingan sa Tacloban na mga hepe ng mga ahensiyang sangkot at abut-abot ang pagdepensa nila sa mga contractors na nag-abuno pa nga daw maumpisahan lang ang proyekto. Nang ipakita sa TV ang mga ginawa, nabisto ang mga coco lumber na ginamit na pamakuan ng mga yero na sabi ng mga nakadiskubre sa anomaly ay ang pinakamanipis naman na klase. Nakita rin ang mga bakas ng tulo ng ulan na dumaloy sa mga nasabing pamakuan ng mga yero. Ang sahig ng mga bunkhouses, inaming gawa sa makapal na plywood. Ewan kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari, dahil nang interbyuhin uli si Lacson, ang sabi niya, hindi na overpricing ang kaso kundi underdelivery at hindi pagsunod sa mga specifications. Akala niya hindi marunong umunawa ang mga Pilipino dahil kung tutuusin, wala namang pinagkaiba ang hindi pagsunod sa mga specifications sa overpricing kung ang pinagbasehan ay iisang presyo lamang o kung sa pangkalahatan ay ang napanalunang package cost sa bidding kung meron man. Domoble pa nga ang violation, dahil overpriced na, hindi pa nasunod ang mga specific na materyales kaya ang mga na-deliver ay mahihinang klase! Bakit biglang kumambyo ang tono ni Lacson? May pumuna ba sa una niyang ginawang pagpahayag tungkol sa nabunyag na anomalya? Ngayon, sinasabing pinipilit na sinusunod ang pamantayang international, tulad ng ginawa ng ibang mga bansa na naging biktima ng kalamidad. Pero, paano kung hindi nabunyag ang anomalya? Lusot sana at marami na naman ang kumita!

Sa pagkabulok ng mga pagkain na dapat ay noon pa napakinabangan ng mga biktima, itinuturo ng DSWD ang mga pamalaang lokal na siyang dapat sisihin dahil sila ang sumalo ng responsibilidad sa pagpapamudmod ng mga tulong na hinayaang mabulok. Ang sabi naman ng pamahalaang lokal walang magamit na panghakot. Lalong nagpasama sa sitwasyon ang pagpalabas pa ng ahensiya sa TV, ng katawa-tawang listahan ng ilang pirasong pagkain na nabulok, na sinalungat naman ng pamahalaang lokal na nagsabing trak-trak daw nga ang mga nabulok na pagkain dahil inabot na ng expiration date, kaya kailangang ibaon upang maiwasang makain ng mga nasalanta ng bagyo.
Mapalad akong makausap ang apat na pamilyang nakikipagsiksikan sa maliliit na inuupahang mga kwarto ng kani-kanilang kamag-anak sa Baseco compound (Tondo), ilang araw na ang nakaraan. Isa sa kanila ang bumalik sa Tacloban upang mag-check kung pwede nang umuwi doon. Nadismaya siya dahil halos wala pa ring pinagbago ang kanilang lugar (hindi sa siyudad) na hanggang ngayon daw ay wala pa ring nakatayong maayos na tirahan. Ang mga bahay nilang nagiba nandoon pa rin subali’t ang ibang mga kahoy at yero ay pinakinabangan na ng iba. Magtitiyaga daw muna silang mamulot ng mga reject na mga gulay sa Divisoria upang mabenta sa bangketa tulad ng ginagawa na ng kanilang mga kamag-anak, para makaipon ng pera bago bumalik sa Tacloban. Nang tanungin ko kung bakit hindi sila lumapit sa DSWD, iling lang at ngiti ang natanggap kong kasagutan.
Sa halip na magturuan, sana aminin na lang ng mga lokal na pamahalaan at ng ahensiyang DSWD ang kanilang kapabayaan at punan ang kakulangan sa kanilang mga serbisyo. Si Pangulong Aquino ay nagawang humingi ng paumanhin sa isang bata na taga-Tacloban nang siya ay magsalita sa isang paaralan sa Maynila. Sana ay gayahin siya ng mga taong direktang may responsibilidad at huwag nang maghugas – kamay pa. Hindi man lang naisip ng mga taong ito na bahagi ng mga tulong na pinadala sa Tacloban ay kakarampot na mga baryang dapat sana ay baon ng mga estudyante, na nagpilit pumasok maski mawalan nito, mga driver, at iba pang ang sweldo ay halos hindi magkasya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, makatulong lang sa abot ng kanilang makakaya.
Hanggang saan tayo dadalhin ng mga ugaling turuan at hugas-kamay, na pinatindi pa ng kasakiman?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s