Isang Kuwento ng Katatagan (tungkol pa rin sa bagyong yolanda)

Isang Kuwento Tungkol sa Lakas ng Kalooban

(tungkol pa rin sa bagyong Yolanda)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang umaga, nang ako’y bumisita sa mga kaibigan ko sa Baseco (Tondo), nagdala ako ng pandesal na binili ko sa isang maliit na panaderya malapit sa bukana ng compound. Dahil medyo malaki ang ekstrang pera na dala ko, bumili ako ng 100pesos na halagang pandesal dahil dumami na sila gawa ng mga nagdatingang mga bisita (mga evacuees) galing sa Tacloban. Pagdating ko sa bahay na tinitirhan ng dalawang pamilyang dayo, sumigaw ang pinakabunso sa mga bata, “Lola, may pa-bertdey na kayo, maraming pandesal dala ni Tito …..”(ibang pangalan ang pakilala ko sa kanila, hindi ko pwedeng sabihin). Tinawag ng isa pang bata ang ibang mga dayo sa likod lang ng tinitirhan nila upang maki-bertdey ng pandesal. Sila yong mga taga-Tacloban na pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak nila sa Tondo. Upang kumita, namumulot sila ng mga reject na gulay na itinapon ng mga biyahera, upang linisin at ibenta naman sa dating riles ng tren sa Divisoria, at kung tawagin nila ay “bangketa”.

Share-share na lang kami sa kape dahil kulang ang tasa at mug. Ang mabubulunan na lang ang humihigop. Ang iba ay nagkasya sa pagsawsaw ng pandesal sa mga tasa. Nagkakatuwaan ang mga bata at mga magulang na nagkwento kung paano nilang iwasan ang backhoe na siyang naglalagay ng mga basura sa malaking dump truck. Ang lolang nagbertdey nakangiti lang, habang sinasawsaw ang pandesal niya sa kape upang lumambot dahil wala siyang ngipin. Sabi niya, 92 years old na siya kaya hindi na siya sumasama sa mga namumulot ng mga reject na gulay upang ibenta. Naiiwan siya sa bahay upang magtalop na lang ng pabulok na sibuyas upang matangal ang mga sirang balat. Ang mga sibuyas  na galing China at Taiwan daw ay sako-sako kung itapon ng mga bodegero.

Maya-maya pa, dumating ang isang nanay na may dalang plastic bag, may lamang talong at petsay. Nagpabili ako ng tinging mantika, halagang 10peso panggisa. Sabi ko yong ibang talong iihaw na lang. Naggisa ng petsay at talong sa maraming sibuyas, toyo ang pampalasa. Ang mga inihaw na talong, nilamog ko pagkatapos mabalatan at ginisa sa marami ding sibuyas at tinaktakan  ng toyo, sabi ko, pwedeng palaman sa pandesal. Naalala ko kasi na kumain ako nito sa isang restaurant sa Makati, pero mas maraming spices. Itinabi ang lahat ng niluto dahil maaga pa para mananghalian.

Nang maubos ang pandesal, binati namin si lola ng happy birthday.  Dahil nasa tabi lang namin ang kalahating sakong sibuyas na kailangang talupan, naki-bonding na rin ako sa pagbalat.

Para sa pananghalian, inilabas naman ng kaibigan ko may-ari ng bahay na tinutuluyan ng isang pamilyang bisita ang anim na labong plastic bag (yong nilalagyan ng kanin at ulam sa mga karinderya) na puno ng kaning tutong na binili niya sa isang karinderya sa labasan (ni-refund ko na lang ang ginastos niya). Inilagay ang kanin sa isang maliit na plastic na palanggana at ipinwesto sa gitna ng mesang yari sa dalawang crates ng prutas. Ang mga nilutong gulay naman na nasa mga kaldero pa, inilagay din sa gitna at nilagyan ng mga sandok. Kanya-kanya kaming hawak ng pinggan habang naghihintay ng toka sa pagsandok ng pagkain. Pero ang mga bata ipinagsandok ng mga nanay, ang kay lola ako na ang naglagay ng kanin na pinili ko upang walang masyadong sumamang tutong.

 

Habang kumakain kami, may nagsimulang magbanggit na sa probinsiya, maski papaano meron sanang sariwang isda man lamang. Nagpalitan na ng kwento tungkol sa buhay nila sa probinsiya hanggang noong manalanta na ang bagyong Yolanda. Palihim kong tiningnan ang mga mukha nila…wala akong nakitang lungkot o galit.  Sabi ng isa, “walang magawa ang tao sa lakas ng Diyos”.  Totoo nga naman, isip-isip ko. Dugtong pa ng isa, “kailangang tanggapin natin dahil baka parusa upang magising tayo, at kung hindi tayo kikilos, aba eh, maninigas tayo sa guton!”. Lalong totoo nga naman isip-isip ko pa rin. Bandang huli, nagtanong ako kung sinubukan nilang lumapit sa DSW dito sa Maynila.  Walang  umimik,  pero yong iba, tiningnan ako at ngumiti lang, sabay iling. Pagkatapos kumain, iniligpit ng mga bata ang mga pinagkainan, at kami naman balik sa pagtalop ng mga bulok na sibuyas.

Bandang 3pm na ako nagpaalam upang makaiwas sa trapik dahil malayo pa ang uuwian ko. Ang pagkaalam nila sa bandang Antipolo ako umuuwi. Nangako akong babalik sa susunod na Sabado at magdadala ulit ng pandesal. Habang naglalakad ako patungo sa sakayan ng dyip, medyo napaluha lang ako ng bahagya (dahil pinipigilan ko) at ang lalamunan ko ay naninikip, nang maalala ko ang kasiyahan sa mukha ng mga kaibigan kong nagsasawsaw ng pandesal sa kape. At sa kwentuhan nang mananghalian kami, wala ni maliit na bahid man lang ng galit sa kanilang mukha habang sinasabi sa akin kung paanong ginawin sila ng kung ilang araw bago naabutan ng “tulong” – 4 na sardinas, ilang pirasong biscuit, 3 kilong bigas, 6 na pirasong instant noodles, mga nasa loob ng isang plastic bag na may tatak ng isang ahensiya ng gobyerno.  

Napahanga ako sa katatagan ng loob nila, at lakas ng pananampalataya dahil sa paniwalang makakabangon silang muli.

 

 

 

 

Advertisement

One thought on “Isang Kuwento ng Katatagan (tungkol pa rin sa bagyong yolanda)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s