Ang Maling Paggamit ng “kung saan”
Ni Apolinario Villalobos
Nakakalungkot isipin na kung sino yong mga nasa broadcast media (mga announcer, commentator , field reporter) at mga taga print media ay sila pang nagkikibit-balikat sa maling paggamit ng “kung saan”. Ang mga kasama nito ay “kung paano”, “kung kaylan”, at “kung sino”. Ang malimit gamitin sa maling paraan ay ang “kung saan”. At kung kaylan nagsimula ay hindi na malaman ngayon. Ang mga kumpanya na may kinalaman sa ganitong mga bagay ay may mga editor o director na dapat ay sumisita sa mga tauhan nilang malimit na gumawa ng nabanggit na pagkakamali. Ang mga taga-media ay tinutularan ng mga batang nakakarinig sa kanila o di kaya ay nakakabasa ng kanilang mga naisulat. Kaya, hindi na nakapagtataka kung kumalat ang nakagawiang pagkakamaling ito maski sa loob ng mga campus ng mga eskwelahan.
Mga halimbawa:
- Mali: Nandito ako ngayon sa crime scene at kasama ko ang mga pulis ng station____. Nakahandusay ang biktima na “kung saan” ay naliligo sa sariling dugo.
Dapat: Nandito ako ngayon sa crime scene at kasama ko ang mga pulis ng station_____. Nakahandusay ang biktima “na” naliligo sa sariling dugo.
Suggestion: Nandito ako ngayon sa crime scene at kasama ko ang mga pulis ng station____. Nakahandusay ang biktima “sa bangketa kung saan” ay naliligo siya sa sariling dugo.
- Mali: Marami ang nagtataka kung bakit marami pa rin ang naghihirap ganong sunud-sunod na ang ang pagdating ng mga relief goods “kung saan” ay nanggaling pa sa iba’tibang grupo sa abroad.
Dapat: Marami ang nagtataka kung bakit marami pa rin ang naghihirap ganong sunud-sunod na ang pagdating ng mga relief goods “na” galing pa sa iba’tibang grupo sa abroad.
Suggestion: Marami ang nagtataka kung bakit dito sa Tacloban “kung saan” ay sunud-sunod ang pagdating ng mga relief goods na galing abroad, marami pa rin ang naghihirap.
Sana ay iwasan na lang ang paggamit ng “kung saan” at dumiretso na lang sa pagtukoy ng kung anong bagay, pangyayari,o kung ano pa man gamit ang “na” o “dahil” tulad ng mga nabanggit na halimbawa.
Bilang mga “pandugtong”, sa Ingles, ang “kung saan” ay “in which” o “wherein”, ang “kung paano” ay “ “by which”, ang “kung sino” ay “by whom” o “whose”. Sila ang ginagamit na mga“pandugtong” upang mapag-isa ang dapat ay dalawang sentences, kung kinakailangan.
Hindi ako nagmamarunong sa tamang paggamit ng sarilinating wika. Hindi naman siguro kailangang maging sobrang dalubha ang isang Pilipino upang makagamit sa tamang paraan ng ating wika. Marami na akong narinig na mga foreigner na artista at mga estudyante na mas di hamak na maayos ang paggamit ng wikang Filipino kaysa mga Pilipino mismo. Kawawa ang mga bata na patuloy na makakarinig ng pagkakamaling tinutukoy. Ang malungkot ay maipapasa pa nila ito sa kanilang mga anak kung hindi maagapan at maiwasto.
Noong nabubuhay pa si Tiya Dely, tanyag na broadcaster ng DZRH, palagi siyang naglalaan ng ilang minuto sa kanyang programa upang punahin ang mga maling paggamit ng ating wika. Subali’t natigil ito nang kunin siya ni Lord at walang nagkainteres na ipagpatuloy ang nasimulan niyang adhikain.
Ang pagdagdag ng mga bagong salita sa wika ay tanda ng kaunlaran subali’t ang maling paggamit ng ano man sa mga ito ay isang kasiraan na magpapaguho sa kabuuhan nito. Kung ihahambing sa isang maliit na sugat na mapapabayaan, ito ay maaaring magnaknak at magiging bakukang!
Sana ang simpleng pagpunang ito ay makatulong upang mapigilan ang pagkalat pa ng maling nakagawian, at bilang pag-alala na rin sa effort ni Tiya Dely, malaking bagay kung ang makakabasa nito ay mag-share sa iba, lalo na sa mga estudyante at iba pang mga kabataan.