Nasaan ang Tone-toneladang Bigas?
Ni Apolinario Villalobos
Simple lang ang tanong ng marami: nasaan ang tone-toneladang bigas na sinasabi ng National Food Authority (NFA)? Kung interbyuhin ang mga taga- NFA, may kayabangan pang sinasabi nila na hindi magkakaroon ng problema ang bansa sa kakulangan ng bigas. Pero,nasaan nga? Dahil ang hindi namalayan ng marami, biglang sumirit ang presyo ng bigas sa lahat ng pamilihan, lalo na sa mga grocery stores. Wala nang makitang magandang klaseng commercial rice na mababa sa 40pesos ang presyo. May regular na “NFA rice” mura nga pero inirereklamo ng mga tao dahil durog-durog at may mga malilit na butil ng bato.
Nang pumutok ang isyu tungkol sa smuggled rice, ang inasahan ng mga tao ay ang pagbagsak ng presyo nito sa pamilihan, dahil sunud-sunod ang pagdating ng mga bigas na hindi napatawan ng karampatang buwis, kaya dapat mura ang bentahan sa mga pamilihan. May mga pinagyayabang ang Bureau of Customs na nakumpiska nila, pero saan ang mga ito? Kung meron man bakit hindi na ilabas at ibenta sa murang halaga sa mga tao?
Hindi pa malinaw hanggang ngayon kung anong hakbang ang gagawin ng mga ahensiyang may kinalaman sa bigas upang masolusyunan ang roblema. May mga iniimbestigahan nga subali’t nang masapawan ng isyung eskandalo ni Vhong Navarro, nakalimutan na yata ang pag-imbestiga at wala nang ginawa upang mapatawan ng parusa ang mga sangkot sa illegal na pag-angkat ng bigas. Samantala, ang mga Pilipino ay maluha-luha habang nakatingin sa mga presyo ng bigas sa mga pamilihan….kung hanggang kaylan, siguro hanggang ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan ay kapit- tuko sa kanilang mga tungkulin.