Pag-asensong Nasa Statistics Lamang
Ni Apolinario Villalobos
Hindi nakakatuwa ang pinagyayabang ng gobyerno na umaasenso na ang Pilipinas at ang patunay dito ay ang mga numero sa istatistiko, mga report at mga resulta daw ng surveys na ginawa. Kamangha-mangha ang mga report!
Kaylan lang ay may lumabas na ibang report naman na mahigit sampung porsiyento ang walang trabaho ngayon kung ihambing sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Bilang pagbawi sa kahihiyang tinamo, napagdiskitahan ng gobyerno ang tatlong kalamidad na magkasunod na humagupit sa bansa. Hindi naman mangmang ang Pilipino para maunawaan na ang sitwasyon na may kalamidad man o wala, talagang walang mahanap na trabaho ang maraming mga Pilipino na ang hanay ay nadadagdagan bawa’t taon ng mga bagong gradweyt ng mga kursong walang pakinabang.
Ang palaging sinasabi ng gobyerno, maraming trabaho hindi lang tugma sa mga kurso. Siguro ang tinutukoy ng mga magagaling na nagpapatakbo ng gobyerno ay mga trabaho sa export processing zones – mga factories na ang tinatanggap ay puro kontrakwal na panglimang buwan lamang. Tinutukoy din siguro nila ang mga call centers na ganoon din ang patakaran sa pagtanggap – kontrakwal. Kung meron man, bibihirang mga kumpanya na ang tumatanggap ng mga empleyadong gagawing regular. Marami akong nakausap na nursing ang tinapos, ang trabaho kung hindi sales girl sa mall, ay bilang drug store attendant. Mayroon pa ngang Medtech ang tinapos pero ang trabaho, announcer sa bingo parlor o delivery agent ng pizza parlors. Matindi ang mga graduate ng management course na bumagsak sa pagwi-weyter. Yong isa, BS Tourism ang natapos, ang trabaho ngayon, nagtitinda ng mga cellphone cards sa labas ng mall. Sabagay bilib ako sa mga taong nakausap ko, dahil nagsisikaps ila at hindi nahihiyang bumanat ng buto – mga dapat tularan. Kung pagtugma ng kurso satrabaho ang gusto ng gobyerno, bakit hindi nito kausapin ang mga nagpapatakbo ng mga eskwelahan upang matigil o di man kaya ay mapalitan ng mga angkop na kurso ang mga walang pakinabang?
May TESDA nga at maganda ang layunin, subali’t ganoon din ang nangyari – binaha ng mga kursong pang-abroad tulad ng pagwi-weyter, bartendering, hotel management at housekeeping, pati pang-construction tulad ng pag-welding, paghalo ng semento at pangangarpintero, subali’t ilan ang nakaalis? Ang problema kasi, walang pambili man lang ng passport ang mga manggagawa! Kaya ayon, ang mga certificate, nakasabit sa dingding.
May mga desperado na umutang sa “mobile banks” – mga Bombay, 20% interest sa loob ng 35 days. Pinamuhunan sa negosyong pambangketa dahil ito lang ang kaya ng inutang na pinakamalaki na ang 5 thousand pesos. Yong iba, sa bilao nilagay ang mga kalakal. Pero, nangawala din dahil sa mga habulan tuwing may sidewalk clearing operation ng MMDA!
Sa istatistika, ang tinitingnan lang yata ng gobyerno ay ang pumasok na puhunan mula sa mga dayuhan– malaki nga, pero tinitingnan din kaya nila ang kinita ng mga ito na kanilang inilalabas ng bansa upang ilagak o ipamuhunan sakani-kanilang bansa? Paano kung biglang nag-alsa balutan ang mga namumuhan at nag-goodbye sa Pilipinas? Kawawa naman ang Pilipinong maiiwang nakanganga!
May mga natural resources ang Pilipinas, pero sino ang mga nakikinabang? Iilang opisyal sa gobyerno, ang iba mga mambabatas pa na umaming may mga logging concessions maski ipinagbabawal na ang mga ito. Nitong huling mga araw, pumasok ang mga nagmimina ng itim na buhangin sa hilagang panig ng Pilipinas at hayagan kung sirain nila ang mga dalampasigan makakuha lang ng itim na buhangin na hinahakot ng mga naghihintay na mga barge o barko nila. Ang matindi, ang dating pinagkukunan ng lamang dagat ng mga kababayan natin na ilang oras lang ang layo mula sa kanilang bayan ay inaangkin na rin ng isang makapangyarihang bansa, ang Tsina, at sa harap nitong problema, walang magawa ang ating gobyerno.
Nakaka-high blood ang katotohanang pumunta sa mga bulsa ng mga tiwaling may katungkulan sa gobyerno ang mga pondong dapat ay magamit para sa kapakanan ng mga Pilipino. Ang mga magsasaka na dapat kumita ay nasasapawan ng mga nagpupuslit ng bigas. Ang pondo ng Malampaya na pwede sanang magamit upang maisulong ang paggawa ng mga paraang pagkukunan ng alternatibong power supply ay nakukurakot. Ang perang dapat sana ay magamit para sa pagpapatayo ng mga kooperatiba at pagsasanay ng ilan nating kababayan ay pinaghahatian ng mga sindikatong nagpapatakbo ng mga pekeng NGO at ilang mambabatas.
Di hamak na mas angkop marahil kung ang i-report ng gobyerno ay ang istatistika ng mga nagugutom at walang trabahong Pilipino para kapani-paniwala, o para lahat ng Pilipino ay maniwala – wala nang magtataas ng kilay dahil talagang totoo naman!