May Isang Social Climber…
Ni Apolinario Villalobos
Sa isang executive subdivision, wala pang 8:AM ay narinig na ng mga kapitbahay ang isang bagong lipat sa kanilang lugar na nakakuha ng malaking halaga ng pera dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa sa Saudi. Ayon sa kwento ng bagong lipat na babae sa kanyang mga kapitabahay, milyon-milyon ang halaga sa piso ng perang natanggap niya mula sa kumpanya ng namatay niyang asawa, bukod pa sa mga insurance nito sa Pilipinas. Nagpa-impress agad ang babae sa kanyang mga bagong kapitbahay upang masabi nilang hindi siya basta-basta. Nguni’t ang katotohanan ay dating nakatira sa isang low-cost subdivision ang pamilya ng babae at high school graduate lang siya. Dahil maganda, nakapag-asawa ng isang engineer. Nang umagang yon ay pinapagalitan nito ang kanilang kasambahay.
Misis: Inday, sa susunod basta ang naghanap sa akin ay nakakotse, tawagin mo agad ako, maski nasa parlor ako sa labasan, dahil baka taga-Congress na naman, tulad noong nakaraang araw na basta mo na lang sinabihang wala ako maski nasa kabilang bahay lang ako, kaya tuloy hindi ko nakausap si amigang Congresswoman…. Huwag kang tatanga-tanga! Alam mo namang marami akong ka-transaksyon na mga opisyales ng gobyerno at mga negosyante. Tandaan mo yan ha?
(Sadyang nilakasan ng babae ang kanyang boses upang marinig ng mga kapitbahay ang mga sinasabi sa kasambahay.)
Inday: Opo.
(Pagkalipas ng dalawang araw, may bisitang dumating, nakakotse, bumaba ang isang babaeng naninilaw ang mga tenga, leeg, mga daliri at braso dahil sa mga gintong suot…kinausap si Inday na noon ay nagdidilig ng mga halaman.)
Babae: Nandiyan ba si Mrs……?
Inday: (Halatang na-impress sa ayos ng babae at sa kotse nito.)
Opo! Sandali po at tatawagin ko.
Ma’am….may naghahanap po sa inyo, nakakotse po, at maraming suot na alahas! (sadyang nilakasan ang boses upang marinig ng mga kapitbahay)
Misis: Aba’ y papasukin mo sa sala …at bigyan mo ng kape. Naliligo lang ako.
Inday: Opo!
(Sa sala, hindi ginalaw ng bisitang babae ang kape, halatang nabubugnot. Nang lumabas si Misis ng kwarto at pumunta ng sala, muntik na siyang matapilok.)
Babae: (Sumisigaw habang dinuduro si Misis)
Hoy! Balasubas! Bayaran mo ang utang mo. Walanghiya ka! Lumipat ka pala ng tirahan hindi mo man lang ako sinabihan! Buti na lang nakausap ko si Mrs….at sinabihan ako kung saan ka lumipat! Walanghiya ka! Apat na buwan mo na akong pinagtataguan ah! Kailangang magbayad ka ngayon din, kung hindi ipapupulis kita! Magrereklamo ako sa homeowners association ninyo at sa barangay! Titingnan ko kung may magagawa ang pagkabalasubas mo!
(Naglabasan ang mga kapitbahay na nabulahaw dahil sa sigaw ng babaeng nagwawala. Dinig na dinig nila ang mga pinagsasabi nito pati na ang tungkol sa dalawang Bombay na naniningil din at nakasabayan niya noong huling hanapin siya nito. Para mapatahimik ang babae, nag-issue ang Misis ng post-dated check, subali’t nagpagawa pa rin ng kasulatan ang naniningil na kailangang mapirmahan din ng presidente o maski sinong opisyal ng homeowners’ association ng subdivision. Pagkatapos ng pirmahan, isinama ng babaeng naniningil ang Misis sa isang abogado upang ma-notarize ang kasulatan. Ang nilalaman ng kasulatan ay ang pagpayag ng Misis na kukunin ng babaeng inutangan ang kotse nito kapag hindi nagkabayaran sa petsang ipinangako. Two days after, umalis ang katulong at driver, nabahala na baka hindi sila maswelduhan dahil nabisto nilang hindi na pala ito nakakabayad ng mga utang. Ikinuwento ito ng isa kong malapit na siya ngayong boss ng driver ng Misis na mayabang. Ininterview kasi niya ang driver tungkol sa pinakahuli niyang trabaho at kung bakit siya umalis, maski pa rekomendado ng kaibigan namin, bago niya kinuha bilang driver. Sinabi pa pala ng driver na sa sala ng dati niyang among Misis ay may mga larawan ito na kasama yong kontrobersiyal na babaeng naka-detain sa isang “safehouse” sa Tanay at mga pulitiko. Pamilyar nga daw ang ilang mukha na kung minsan ay nakikita niya sa tv habang ini-interview.. Naihatid niya na rin daw niya ang dating amo sa isang party sa loob ng isang sementeryo sa Pasig … na ipinagtataka niya.)