Ang Mga Isyung Hindi Maiwasang Mapansin
Ni Apolinario Villalobos
May mga pangyayaring hindi maiwasang mapansin dahil maski papaano ay nagdudulot din ang mga ito ng pagkabahala, tulad ng mga sumusunod:
1. Ang hindi mapigilang tuluy-tuloy na pagtaas ng singil ng mga nagko-control ng basic necessitities tulad ng kuryente at tubig. Hindi lang iilan ang nagsabi na maliwanag pa sa sikat ng araw ang kutsabahang nangyayari. Maski ang mga opisyal ng gobyerno na naatasang mag-imbistiga ay nagpapahiwatig ng kutsabahang ito. Bakit walang ginagawa ang pamunuan ng gobyerno? Bakit hindi palitan ang mga taong namumuno ng mga ahensiyang dapat ay nagbabantay sa mga ganitong pangyayari? Kung ang batas na nagpa-deregulate ng mga singilan ay ginawa ng senado at kongreso, bakit hindi sila gumawa ng batas na magpapawalang-bisa nito dahil napatunayan namang hindi epektibo ang hakbang na pag-deregulate? Noon pa man, marami ang humarang sa pag-deregulate ng mga bayarin sa basic necessities na kailangan daw upang “sumigla” ang business dahil sa inaasahang kumpetisyon. Nasaan ngayon ang kumpetisyon ng mga providers dahil talaga namang pangunahing pangangailangan ng tao ang mga nabanggit na necessities, kaya walang magagawa ang mga apektado kundi ang gumamit ng mga ito, subali’t itinuloy pa rin ang pag-deregulate. Sinong “matalinong” mambabatas o mga mambabatas ang pasimuno? Ngayon, nangba-blackmail ang MERALCO sa pagsabi na kung hindi sila makasingil ng bayaring itinakda nila, maaaring magkaroon ng rotating blackout. May isa pang opisyal na nagsabing mas mabuti na ang magbayad ng mahal kesa walang magamit kuryente. Asahan na rin siguro ang pangba-black mail naman ng mga ahensiyang may hawak sa tubig. Yan ang kumpetisyon! …Kumpetisyon ng mga kinauukulan sa paghugas ng kamay at pagmamarunong!
2. Ang hindi mapigil na pag-imbulog ng mga presyo ng pagkain at langis. Sa kalamyaan ng namumuno sa bansa natin, hindi na halos napansin ang tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga pagkain na hindi na inaasahang bumaba pa uli. Inutil ang mga ahensiyang dapat ay nagbabantay. Pinagyayabang nila ang salitang “SRP” na dapat ay nakakabit sa mga presyo ng mga bilihin. Ito ay kahangalan dahil ibig sabihin ay “suggested retail price” kaya hindi obligado ang mga negosyante na sundin ang mga presyong gusto nilang ipatupad, suggestion lang naman kasi. Bakit hindi ipatupad ang “ceiling price” na nagsasaad ng limitasyon sa pagtaas? Mga matatalino sila kaya napili sila ng pangulo, subali’t bakit hindi nila naisip ito? Yong babaeng taga-gobyerno rin na nagsabing kasya ang minimum wage sa mga gastusin ng bawa’t pamilya ay tanga! Ang mga binanggit niyang pagkain na dapat bilhin ay mga talbos ng gulay lalo na ng kangkong na isa nga lang tale na may limang tangkay ay limang piso na, isda na para murang mabili ay kailangang sa hapon bilhin kung kaylan ay pabulok na, at NFA rice na kailangang hugasang mabuti upang matanggal ang amoy. Ni hindi niya isinama sa kwenta ang baon ng mga bata sa eskwela, pamasahe, bayarin sa tubig at kuryente at lalong-lalo na ang upa sa tirahang maliit na maski kapirasong espasyo sa isang barung-barong ay nagkakahalaga ng hindi bababȃ sa 500 pesos isang buwan. Ang nasa isip yata niya ay yong mga nakatira sa bangketa at kariton. Siyanga pala, ang babae ay mataba! Siya kaya ang pakainin ng mga kinwenta niyang pagkain?
3. Ang pagkabisto na may PDAF pa rin pala. Kung hindi naggirian sina Trillanes at Jinggoy tungkol sa Php100M pondo na PDAF pala ng huli (Jinggoy), para mare-align niya sa lunsod ng Maynila kung saan ay mayor ang tatay niya (Joseph), hindi malalaman ng taong bayan na naisingit pala ito ng mga mambabatas sa 2014 budget. Mismong Korte Suprema na ang nagsabi na illegal ang PDAF, bakit naipilit pa rin ito? Ano ang gustong patunayan ng Senado at Kamara? Na kaya nilang paglaruan ang pera ng bayan? Na kaya nilang suwayin maski desisyon ng Korte Suprema? Saan hahantong ang ganitong kayabangan at pagbabale-wala sa kapakanan ng bayan?
4. Ang overpricing at hindi pagsunod sa mga itinakdang batayan sa paggawa ng bunkhouses para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Nakakahiya! Ang iginigiit nating imahe ng Pilipino na kayang tumayo uli sa kabila ng nadanasang kalamidad ay nagdulot ng pagdududa ngayon sa uri ng ating pagkatao. Kung hindi nabisto at nabunyag agad ay maaaring nagresulta na naman sa turuan kung sino ang maysala, lalo na kung sakaling magdudulot ng kapahamakan ang palpak na istruktura ng bunkhouses. Palagi na lang ganyan…magtuturuan…magkakaroon ng imbestigasyon…babalewalain ang resulta kaya hindi napaparusahan ang may kagagawan… balik uli sa nakasanayang pangungurakot! Pilit pang pinagtakpan ni Singson, hepe ng DPWH ang mga nabunyag, sa pagsabi na baka dala lang daw ng kalituhan kaya nagkaroon ng ganoong problema. Yong isang opisyal naman, nagdagdag pa ng kahangalang mga salita na mabuti nga at may apat na dingding at bubong kesa nakabilad ang mga biktima sa ulan at araw.
5, Ang pag-isyu ng China ng patakaran na dapat kumuha ng pahintulot sa probinsiyang pamahalaan ng Hainan ang sinumang mangisda o dumaan sa “kanilang teritoryo” na sa katotohanan ay pinagtatalunan pa ng ibang bansa kasama ang Pilipinas at Vietnam. Humihingi ng paliwanag ang Pilipinas sa China, sabi ng tagapagsalita ng DFA ng Pilipinas. Nahihibang na yata siya. Pinagpapaliwanag ng unano ang higante! Sa susunod, ang aangkinin naman ng China ay ang Palawan at Batanes…o higit pa, dahil sa ngayon, wala silang pasubali sa paghakot ng itim na buhangin mula sa dalampasigan ng mga probinsiya sa norte, na akala mo ay pag-aari nila. Ang nakatatawa, pati si de Lima ay nakisawsaw sa isyu kaya nag-spot check bitbit ang sangkatutak na tv cameras sa mga nasabing lugar. May nangyari ba? Wala! Baka pati Mindoro na nakatala sa kasaysayan na may Chinese name na Ma-i, at pinaniniwalaang nakapatong sa tone-toneladang ginto ay angkinin din ng China dahil ayon sa kasaysayan nga ay may Chinese name …kaya marapat lang na angkinin nila!
Siyanga pala, ano kaya ang mangyayari kung biglang itinigil ng China ang pakikipagkalakalan sa Pilipinas? O di kaya ay mag-pull out ang mga mangangalakal na Intsik sa Pilipinas? Napapaligiran tayo ng katotohanang ang ekonomiya ng bansa ay naka-angkla sa pakikipagkalakalan natin sa China. Pati nga toothpick ay galing sa China! Ang katotohanang kontrolado ng China ang malaking hiwa ng kalakalan sa buong mundo ay tanggap na ng maski mga malalaking bansa. Karamihan ng mga pagawaan ng cell phones ay nasa China, pati na ng iba pang mga gamit gaya ng damit, bag, sapatos, telebisyon, computer. At ngayon, humihingi ng paliwanag ang Pilipinas sa China dahil sa patakaran nito sa South China Sea o West Philippine Sea? Para ano…? Malakas ang loob ng China dahil nakikita nito ang kaguluhan sa ating gobyerno at kahinaan na sa tingin ng karamihan ay kalituhan…yon lang!
6. Ang New Year’s Resolution ng pangulo na hindi niya bibigyang pansin ang kanyang mga kritiko. Ang sinabi niyang yan ang talagang nakakabahala. Paano siyang magkaroon ng malawak na pananaw upang makagawa ng tamang hakbang o desisyon kung ang pakikinggan lamang niya ay ang mga sipsip na alalay niya? Makailang beses na ba siyang nalagay sa alanganin dahil sa kapalpakan ng kanyang mga “alalay”? Lahat ng kamalian ng mga ito ay pinalampas niya. Tuwid na daan ang palaging namumutawi sa bibig niya. Paano niya itong matatahak kung mananatili siyang bulag sa katotohanan? Paano niya tayong matutugaygayan sa pagtahak sa tuwid na daan kung siya mismo ay hindi nagagawa ito?
7. Ang tila hindi pag-usad ng mga kasong nakabinbin sa mga korte at Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal. Hahayaan na lamang bang mabalot ng alikabok ang bulto-bultong mga kaso hanggang makalimutan habang umuusad ang mga araw? Kaya malakas ang loob ng mga tiwaling opisyal at mga tauhan nila na gumawa ng kaaliwaswasan ay dahil alam nila na kanila ring malalampasan ang mga kasong isinampa o isasampa pa laban sa kanila. Ang problema natin sa ating bansa ay ang ugaling pauso-uso maski sa pagsampa ng mga kaso…magaling lang sa umpisa dahil pinag-uusapan at maraming nakaumang na kamera at mikropono para sa interbyu, subali’t kung may iba nang isyu, natatabunan na ang iba maski mahalaga. Ito ang ugaling ningas- kugon na hindi na yata matatanggal sa ating kultura.
8. Ang mga patayan at holdapan. Kaliwa’t kanan ang mga patayang nagaganap ngayon. Walang nangyari sa paghigpit sa pag-isyu ng lisensiya ng mga baril. Hindi naipatutupad ang mga bawal sa paggamit ng motosiklo na karaniwang ginagamit ng mga mamamatay-tao, hindi pinapansin ang panawagan ng pulisya sa mga may-ari ng malls na higpitan ang pagrikesa sa mga taong pumapasok upang matiyak na walang nakatagong nakakapatay na bagay sa mga dala nilang bag. Malakas ang loob ng mga pumapatay dahil tinanggal na ang parusang kamatayan sa ating bansa. Ang sabi ng iba, maski meron pang parusang kamatayan, hindi pa rin maiiwasan ang pagpatay. May punto sila, pero maski papaano ay magdudulot ito ng takot sa mga magtatangkang gumawa ng ganitong krimen. May mga batas upang mabawasan ang mga kahalintulad na krimen subali’t wala namang ngipin, walang lakas…at lalong hindi rin naipapatupad ng maayos. Sa Davao City, ang mga batas ay naipapatupad ng mahigpit at maayos kaya maski ang pagbawal ng paputok kapag New Year ay sinusunod. Isa itong sitwasyon na dapat ay nagbibigay ng leksyon sa mga namumuno ng bansa, subali’t bakit hindi nila mapuri at gawing huwaran? Dahil ba kontra-partido si Duterte?
9. Ang mabilis na pagkilos ng otoridad kung kilala ang mga biktima ng krimen. Kamakailan ay nabaril ang apo ni Willie Nepomuceno, kilalang impersonator. Kinabukasan, may isa agad na nahuli at tinutugis na ang iba pang nakilala na rin. Hindi lang ito ang pagkakataon kung saan nakakagawa agad ng aksyon ang pulisya kung kilala ang biktima ng krimen. Kung minsan sila pa nga ang nagsasampa ng reklamo matuloy lang ang kaso na pinik-ap at pinagpipistahan ng media, maski ayaw na ng biktima. Sayang nga naman ang media mileage kung palalampasin. Bakit kung hindi kilala ang mga biktima, halos nagmamakaawa pa sila mai-blotter lang ang reklamo? Kung ide-deny ito ng pulisya, sagot ko…owww, come on! Malaki kasing bagay ang “kalinisan” ng blotter para masabing tagumpay ang pamamalakad ng isang istasyon sa mga nasasakupan nito. Sabagay hindi naman “siguro” lahat ng pulis ay ganito kalamya sa pag-asikaso ng mga reklamo at pag-aksyon sa mga nagyaring krimen, subali’t ang inaasahan, lahat sila ay dapat maging matikas sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin. Ilang namuno na ng pulisya ang nagsabi na hindi nararapat ang “bulok na kamatis sa isang buslo na kinalalagyan ng mga sariwa”?…marami na. Nguni’t nalulusutan pa rin ang PNP Academy ng mga aplikante na ang ambisyon ay makapagsuot ng uniporme ng pulis upang makapangutong o magtrabaho bilang asset ng drug lords! Bakit kanyo, eh bakit tuwing may raid na gagawin sa mga drug laboratories at hide out, puro mga tauhan ang nahuhuli at nakakatakas ang mga lider at pasimuno? Nasaan na ang mga nakumpiskang droga? Maghihintay na naman ba ang tayo ng balitang nawala ang mga ito? At gaya ng dati ay ipagkikibit-balikat na lang gayong matutukoy naman kung sino ang mga responsible? Mga lumang tugtuging nakakarinde na ng tenga! Kaya tuloy hindi na naubusan ng mga nabebentang droga sa kalye.
10. Ang nakalimutang kaso ng pagpatay kay Marilyn Garcia Esperat at iba pa. Nakalimutan na yata ang kasong pagpatay sa kawawang Marilyn Garcia Esperat na ang hangad ay maglahad ng katotohanan, o kung hindi man ay usad-pagong ang nangyayari. Kung wawariin, ang kasong ito ang dapat na itinuring na susi upang mabuksan ang mga katiwalian sa paggastos ng pondo ng gobyerno. Subali’t bulag ang mga nanunungkulan. Lumabas si Lozada upang magbigay ng testimonya na magpapatunay ng mga pangyayari sa Department of Agriculture, pero siya mismo kinasuhan din! Bandang huli, pumutok lalo ang mga isyu at nagdiin sa ahensiya na siyang pinagkukunan ng mga pondong tumalsik sa kung saan-saang bulsa dahil sa mga pagbubunyag ng mga whistle blowers na ang ilan, tulad ni Lozada, nasa lista rin ng mga kinakasuhan ng gobyerno. Sa “kalituhan” at “kaguluhan” ng mga magagaling at matatalinong ahensiya ng gobyerno, nakalimutan nilang silipin ang DBM, na bandang huli ay nabisto nilang pinanggagalingan ng mga pekeng dokumento…bandang huli na lang talaga, ganoong maski sinong hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay makapagsasabi na walang ibang panggagalingan ang mga dokumento, peke man o hindi, kundi DBM lang. Katangahan uli? O talagang sinadya! Sa kaguluhang nangyayari, saan hahantong ang mga kaso? Habang nagkakagulo sa gobyerno kung anong landas ang tatahakin tungo sa isa kunong hustisya, may mga taong nagbubunyi – ang mga opisyal ng gobyerno na “untouchables”, mga mambabatas na “magagaling”, at ang babae sa isang “safe house” sa Tanay, si Janet Lim-Napoles.
11. Ang kaso ng massacre sa Ampatuan, Maguindanao. Nandiyan pa ba yan? Naghihintay yata ang mga kinauukulan ng “tamang panahon”, kung kaylan ay may makakatakas na naman, o may mababayaran upang mag-urong ng reklamo dahil sa kawalan ng pag-asa kaya kakapalan na lang mukha kaysa walang mapala sa pagkawala ng mahal sa buhay. Bakit kailangan pang hintaying mahuli lahat ng mga nasangkot ganoong imposibleng mangyari ito? Bahit hindi na kasuhan ang mga nahuli na lalo na ang mga utak o pasimuo? Tulad ng nasabi ko na sa iba kong naisulat, bulag ang babaeng simbulo ng hustisya, hindi nakikita ang mga tamang pangyayari maski ipinagsisigawan na ng mga testigo!
12. Sa kabila ng panawagan ng Papa Francis sa mga kapari-an na maging payak sa kanilang pamumuhay at lalo pang pag-igtingin ang pag-abot ng kamay sa mga miyembro ng simbahang Katoliko, marami pa rin ang animo’y walang pakialam. Nakakabasa naman ang mga paring ito ng mga diyaryo kung saan ay nakabalandra ang mga isinusulat tungkol sa mga kapayakan ng buhay ni Papa Francis, at nakakabukas naman sila ng computer upang mag-browse sa internet kung saan ay mababasa ang maraming kwento tungkol sa mga ginagawang halimbawa ng nasabing santo papa, bakit nananatili sa pagmamatigas ang ibang mga pari sa hindi pagtupad? Mapapansin ang katigasang ito tuwing pasko kung kaylan mayroong ibang mga kura paroko na nagri-require sa kanilang mga parishioners kung anong klaseng offerings ang ibigay bilang kasama sa ritwal ng misa. Ang dahilan nila, para raw ipamigay sa mga “kapos”, sa mga “squatters”. Meron pa ngang nagsasabi kung anong brand ng mga produktong pagkain ang gawing “offering”. Istrikto ang pagpapatupad ng territorial authority ng mga parish, na ibig sabihin, maski pagbendisyon sa naghihingalo ay dapat gawin ng parish priest na nakakasakop sa lugar kung saan nakatira ang naghihingalo. Kung noon ay pwedeng magdaos ng misa sa bisperas ng libing ng isang patay sa bahay kung saan ito nakaburol, ngayon hindi na. Kailangang dalhin ang patay sa simbahan sa araw ng libing upang mabasbasan. Paano kung ang bahay ay kilo-kilometro ang layo sa simbahan nguni’t ilang hakbang lang mula sa sementeryo? Kailangan bang magsakrispisyo ng ganoon ang namatayan madala lang ang patay sa simbahan? Matindi bang kapaguran para sa mga pari ang pumunta sa burol ng patay upang magdaos ng misa o magbasbas man lamang? Ang mawalan ng mahal sa buhay ay sakripisyo na, lalo pang pinabigat ng ganitong patakaran!
Marami pa ring mga pari ang gumagamit ng mamahaling sasakyan. Maski sabihin nilang bigay ng magulang nila o kaibigan ay hindi pa rin naaayon sa kanilang misyon na dapat makitaan ng simbulo ng kasimplehan. Bakit kailangang “bayaran” ang pari na galing sa labas ng parish kung magdadaos siya ng misa sa loob nito? At ang bayad ay “fixed” pa, hindi boluntaryo. Paano kung barya-barya lang ang kayang malikom sa mga dumalo sa misa? Bakit nagtatalaga ngayon ng mga santo ang mga parish sa mga maliliit na kapilyang saklaw nito? Para madagdagan ang dahilan upang makalikom ng “abuloy” sa mga miyembro? Tuloy, nadagdagan ang gastos ng mga tao dahil sa bagong idadaos na kapistahan para sa nasabing santo. Hindi pa ba sapat ang parochial fiesta para sa patron nito? Sana ang pagtuunan ng pansin ay ang pagturo ng katekismo sa mga kabataan, isang bagay na nakakalimutan nang gawin ng simbahang Katoliko, kaya maraming mga batang napapariwara, tumatambay sa kalye at internet shops, nagda-drugs, nawawalan ng respeto sa mga nakakatanda at magulang at kung lumaki na ay lilipat sa mga grupo ng born-again Christians! Naalala ko tuloy ang ginawang pagbenta ng isang santo papa noong unang panahon, ng indulhensiya sa mga taong dahil sa kamangmangan tungkol sa kanilang kinaanibang relihiyon ay naguyo. Akala nila ay mabubura ng salapi ang mga kasalanang nagawa nila at maliligtas sila mula sa apoy ng impyerno. Ito ang dahilan kung bakit sumulpot ang sektang Protestante. Hindi pa ba natututo ang simbahang Romano Katoliko? Parang nauulit ang mga pangyayari. Kaya siguro itinadhanang si Papa Francis ang mamuno sa simbahang Katoliko Romano ngayon upang pumitik sa katinuan ng mga nagsasabing sila ay Katoliko. Hindi kataka-takang maraming nagsulputang mga “sektang kristiyano” ngayon na itinatag ng mga hindi nasisiyahang Katoliko. At, lalong kumukunti ang pumapasok sa mga seminaryo upang maging pari, kaya halatang nagkukulang ng mga ito ang simbahang Katoliko sa kabuuhan…na lalong napapansin tuwing pasko kung kaylan maraming misa ang kailangang idaos dahil sa tinatawag na simbang gabi.
13. Ang kaso ng mga empleyado sa DBM na nameke ng mga SARO documents. Ito na kaya ang magsisilbing tuldok sa mga kasong isinampa sa mga mambabatas na mula’t sapol ay nagpipilit ng pagkawala nilang alam sa mga nangyari? Sana maisipan ng mga nag-iimbestiga ang anggulo tungkol sa kanilang “consent” man lamang. Nabanggit minsan ni Luy sa isang televised interview na gamit ang tawag sa telepono ay nakakakuha sila ng pagpayag ng mga mambabatas upang pekehin ang lagda nila mapabilis lang ang proseso ng mga dokumento. Inamin tuloy niyang dahil sa nakasayan na niyang gawin ay naging magaling siya sa pagpeke ng mga lagda. Ang problema ngayon ay kung sino ang mas paniniwalaan…ang mga mambabatas na dahil sa “kagalingan” ay nakarating sa Senado at Kongreso? o mga whistle blowers tulad ni Luy na hindi man lang nakatapos ng kolehiyo. Malamang abut-abot na ang pagsisisi ng mga whistle blowers ngayon na ang ilan ay kinasuhan pa rin, kung bakit sila lumantad. Nasaan ang proteksyong pangako sa kanila ng gobyerno? Paano pang makumbinse ang mga susunod pa sanang mga whistle blowers na may alam sa mga hindi pa nabubunyag na mga katiwalian kung palagi na lang ganito ang mangyayari?
Isang malaking katanungan ngayon na may kasamang pag-aalala ay: saan hahantong ang kawawa nating bansa at tayong mga Pilipino?