Tayo ang Nagpaparusa sa Ating Mga Sarili

Tayo ang Nagpaparusa sa Ating Mga Sarili

Ni Apolinario Villalobos

Kung malalim na ang inabot ng ugat ng isang tanim, mahirap na itong bunutin. Ang magagawa na lamang ay bawasan ang kayabungan ng mga sanga at dahon sa pamamagitan ng pagputol at pagtabas. Nababawasan nga ang inaabot ng puno sa pamamagitan ng mga sanga nito, hindi naman ito mamamatay at napipigilan lamang ang lalong paglaki nito. Dapat talaga ay bunutin ang ugat.

Ganyan din ang tradisyon o kaugalian ng tao. Kung hindi sasawatain sa simula pa lang ang isang maling kaugalian o tradisyon, sa katagalan, makakasanayan na at aakalain, lalo na ng mga bata na ito ay tama. Maaaring may simpleng pagsaway subali’t hanggang doon na lang. At ang kaugalian ay nagpapatuloy. Sa pagkawala ng mga magulang, maiiwan ang mga anak na siyang magpapatuloy ng nakalakhang gawi na akala nila ay tama. Maipapasa nila ito sa mga susunod pang mga henerasyon. Sa ganitong paraan, lalong nadadagdagan ang kamalian sa mga kaugalian.

 

Tulad na lang ng pasko na ginugunita bilang kapanganakan ni Hesus, itinakdang tagapagligtas ng tao sa kasalanan. Sa halip na imahe niya bilang sanggol kasama ang mga magulang na si Jose at Maria ang simbolo ng pasko, ang kinilala ng tao ay Christmas tree, nagpapaligsahan sa pataasan at padamihan ng palamuting ilaw at mga regalo. Hindi maipagkakailang pati mga broadcaster sa TV at radyo ay mataginting at buong kayabangang nagsasambit sa Christmas tree bilang simbolo ng pasko. Paanong naging simbolo ng kaligtasan ang isang puno? Lahat ng paraan ginawa ng tao upang makagawa ng mataas na Christmas tree, abot hanggang langit – na nagpapaalala tuloy sa ginawang tore ng Babel na ginawa ng mga taong nasa Bibliya, na sa galit ng Diyos ay kanyang binuwag. Kung Mahal na Araw, ang biglang papasok sa isip ng karamihan ay magbakasyon sa halip na mangilin at magnilay-nilay sa mga kasalanang ginawa. Bakasyon ang gusto nila dahil tag-init, pupunta sa tabing dagat at magpiknik. Nawala ang kahulugan ng paggunita na dapat sana ay pagkakataon na upang magsakrispisyo upang maski papaano ay mabawasan man lang ang mga nagawang kasalanan.

Kaakibat ng kaugalian ang pangangailangan. Kung noong unang panahon, ang pangangailangan lamang ng tao ay pagkain, saplot sa katawan at bubong na masisilungan, ngayon dumami na ang mga pangangailangan upang ang tao ay masiyahan. Dahil sa mga pangangailangan, ang mga payak na ugali ay naging marahas, mapusok at makasarili. Upang makamit ang mga pangangailangan, umaabot ang iba sa sukdulang paggawa ng hindi mabuti sa kapwa gaya ng pagpatay at pagnakaw.

 

Kung noong unang panahon, pumunta lang sa gubat ang tao, may mahuhuli nang hayop upang makain, di kaya ay pumunta lang sa dagat o ilog may mahuhuli nang isda, di kaya ay pumunta lang sa mga bukirin may mapipitas nang mga prutas at makakaing dahon at talbos. Ibang-iba ang panahon ngayon: kung walang trabaho, walang pera, walang pagkain; upang malamnan ang sikmura ng iba, kailangang mangalkal sa basura upang may madampot man lang na tira-tirang pagkain, at ang matindi, kailangang magnakaw na siyang pinakamadali subali’t maselang paraan upang kumita.

Kung noong unang panahon, dahon, prutas o talbos lang ng tanim, balat ng kahoy o mga ugat ng mga damo, nakakagamot na ng mga sakit ng tao. Sa panahon ngayon, kailangang may perang pambili ng mga gamot sa botika; kailangang pumunta sa isang doktor o ospital upang makapagpagamot na nangangailangan pa rin ng pera. Subali’t kung wawariin, ang mga gamot ngayon ay galing din sa mga tanim na dinagdagan lamang ng kung anu-anong kemikal upang tumagal sa pagkakatabi habang hindi pa ginagamit. Alam na ito ng marami subali’t dahil sa katamaran ay ayaw maglaga ng dahon o ugat upang magamit na gamot. Ang masaklap, may mga gamot ngang itinuturing na nakakapagpagaling subali’t kailangan pa ang nakaresetang maayos na paggamit upang hindi maging lason sa katawan.

 

Noong unang panahon, walang sine, telebisyon, radyo, cellphone, bisikleta, kotse, barko, eroplano at kung anu-ano pa. Sa pag-usad ng panahon, naging malikhain ang tao at nagkaroon ng mga nabanggit na bagay. Nadagdagan sa mga nilikha ng tao ang bomba, granada, matataas na de-kalibreng baril, mga nakakapinsalang kemikal, sasakyang panghimpapawid na nakakarating na rin sa iba pang planeta…marami pang iba. Natuklasan ang panggatong na galing sa matagal nang nabulok na halaman at mga organismo – ang langis. Natuklasan din ang ilang klaseng panggatong na mas nakakapinsala sa halip na makatulong.

Ang tao natutong kumilala ng mga pagkakaiba sa iba pang komunidad ng kapwa tao kaya nagkaroon ng mga iba’t ibang bansa. At natanim sa isip ng tao na upang mabuhay, kailangang matatag ang kabuhayan, kailangang maraming nakaimbak na kayamanan, kailangang napoproteksyunan ng mga sandata. Nagtakda ang tao ng mga hangganan ng nasasakupan sa kalupaan man o sa karagatan, pati na sa kalawakan.

 

Nalango ang tao sa kaalaman. Naging sakim. Naging makasarili. Nakalimot na siya ay inilagay sa mundo ng isang Makapangyarihan upang mangasiwa lamang sa mga likas na yaman. Nakalimutan ng tao na ang lahat ng bagay sa mundo ay hindi niya pagmamay-ari.

Akala niya, habang buhay siyang masaya kung nakalubog siya sa yaman at ligtas kung napapaligiran ng may matataas na kalibreng mga sandata. Akala niya, sa paglisan niya sa mundo ang kayamanan ay madadala niya.

Nakakaalala lamang ang taong tumawag sa Kanya sa panahon ng  pangangailangan. Nakalimutan niyang magpasalamat man lamang sa mga biyayang sa kanya ay ibinigay, at kadalasan ay hindi pa siya kuntento! Ang tao ay naging mapagkunwaring maka-Diyos, gayong ang katotohanan, inaakala niyang hindi siya nakikita habang gumagawa ng mga katiwalian.

Pati ang babaeng may timbangan na tinawag ng tao na Hustisya ay may piring sa mata, kaya hindi niya nakikita ang mga katiwaliang ginagawa ng mga abogado at huwes na natatapalan ng pera. Mali ang sinasabing “pantay-pantay ang lahat sa harap (hindi mata, dahil may mga piring nga) ng Hustisya”. Bakit ipapantay ang mali sa tama? Kaya tuloy sa kawalan ng perang pambayad sa isang “magaling” na abogado, marami ang nabubulok sa kulungan na walang kasalanan. May katumbas na pera ang pagpapatunay ng kawalan ng kasalanan ng tao. Sino kayang hangal  ang nakaisip na gawing bulag sa katotohanan ang Hustisya? Bakit hindi siya bigyan ng mabalasik na mga mata upang ang may kasalanan na tumingin sa kanyang mukha ay makonsiyensiya?

 

Tao at hindi Diyos ang nagtatakda ng kanyang pagbagsak at pagkawala sa mundo. Patunay dito ang mga giyera na nangyayari sa ating kapaligiran na ginagamitan ng iba’t ibang sandata upang magpatayan, mga makabagong gamit na sumasabog at nakamamatay, mga nakakalasong kemikal na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng pagkain,  mga sasakyang bumubuga ng lason sa kahanginan, o pumapalya na nagreresulta sa disgrasya. At ang pinakamatindi ay ang pagsira ng tao ng kalikasan na nagdudulot ng iba’t ibang trahedya gaya  ng baha at bagyo.

Ngayon, may karapatan ba tayong magtanong sa Diyos kung bakit para niya taong pinarurusahan? Sino ang may kagagawan ng lahat ng mga ito? Di ba tayo?

(Bago ko nagawa ang komentaryong ito ay makailang beses kong pinag-isipan dahil alam kong marami ang masasagasaan at matutumbok…magagalit. Kung hindi man sila magbago….bahala sila… nakikita sila ng CCTV ni Lord!)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s