Mga Pangarap sa Larawan
Ni Apolinario Villalobos
Sa tabi ng ilog- Pasig kung saan ay may nakadaong na mga barutong bakal (barge), may nakausap akong mag-asawa habang nag-aalmusal, kasama ang kanilang walong taong gulang na anak na babae. Bumili ako ng kendi mula sa naka-display nilang mga paninda, at para na rin makapagpahinga sa paglalakad mula sa isang lamay sa Tondo. Para lang silang nagpipiknik habang pinagsasaluhan ang dalawang styro cup na kape at limang pandesal. Almusal daw yon maski mag-aalas nuwebe na ng umaga. Nakatira sila sa isang barge, kasama ang dalawa pang pamilya. Pagkatapos nilang kumain, pupunta na daw silang mag-asawa sa ilalim ng LRT malapit sa Sta.Cruz church.
Dahil mga Bisaya, madali kaming nagkapalagayan ng loob habang nag-uusap sa salitang Cebuano. Taga- Dumaguete daw sila. Ang babae, si Criselda, ang lalaki, si Jimmy, at ang kanilang anak, si Cristy. Nagtitinda sila ng mga kendi, mga na-repack na gomang pantali sa buhok ng babae, headband, mga coin purse, at mga mumurahing face towel na pinagkakasya nila sa dalawang bilao. Kung walang pulis na nanghuhuli, pirmi sila sa bangketa. Kung may huli, lakad sila ng lakad. Palagi silang may baong tubig at tinapay para kung saan aabutin ng gutom, dudukot na lang sila. Sa gabi sila nakakakain ng kanin para makatipid. Ang anak na si Cristy, ibinibili nila ng maski kalahating order ng ulam na gulay man lang. Kung talagang kapos, ibibili nila ito ng isang balot na kropek na tig-limang piso para pang-ulam. Pero silang mag-asawa kuntento na sa kanin na tinaktakan ng patis. Maswerte sila kung malalagyan ng sarsa ng ulam o sabaw man lang ang mabili nilang kanin para magkalasa. Kahi’t sa ganoong sitwasyon, napapag-aral nila si Cristy sa isang elementarya na hindi kalayuan sa kanila. Ang baon niya sa araw-araw na may pasok, dalawang nilagang saging at isang biskwit na sky flakes.
Nang umagang yon, sa tabi ni Cristy ang bag niya na tadtad na ng sulsi, nakalatag ang ilang libro at isang brown envelop na punit ang takip at halatang maraming lamang papel. Tinanong ko ang bata kung ano ang mga laman. Sa halip na sagutin ako, inilabas niya lahat at iniabot ang iba’t ibang mga makikintab at makukulay na mga pahina ng mga magasin…may mga larawan ng mga sapatos, damit, bag, laruan. Pinuri ko siya sa kanyang mga koleksyon na halatang pinag-iingatan niya.
Sabi ni Criselda, basta may pagkakataon daw, naglilikom si Cristy ng ganoong mga pahina ng mga magasin. Natutuwa daw ang bata sa paulit-ulit na pagtingin sa mga larawan. Hindi siya nagsasawa. Dugtong ni Jimmy, animo nga ay nangangarap. Tinanong ko si Cristy kung ano ang gusto niyang “maging” paglaki niya. Gusto daw niyang magtrabaho sa hamburgeran at mag-aral upang maging isang nurse. Nagulat ako na sa murang edad niya ay mayroon siyang ganoong pangarap na nakaplano…parang hindi siya isang walong taong gulang na bata nang sagutin niya ang tanong ko. Yon pala, isip matanda daw talaga ang bata sabi ni Criselda dahil ang mga kaibigan niya ay mga tin-edyer na anak ng dalawang mag-asawang kasama nilang naninirahan sa barge. May pinsan ang mga kaibigan niya na nagtatrabaho sa Jolibee at nag-aaral sa kolehiyo – bale, working student. Ito pala ang nagbigay ng ideya kay Cristy para mahabi ang kanyang pangarap. At ang mga nakalarawang mga damit, sapatos, at bag sa mga koleksyon niya ay kasama sa kanyang mga pangarap. Kung tawagin niya ang mga ito ay “mga damit ko”, “mga sapatos ko” at “mga bag ko”.
Habang kaswal kaming nag-uusap ni Cristy, pasingit-singit na sumasabad ang mag- asawa. Sabi ni Jimmy, hinahayaan na lang nila ang batang pangarapin ang mga nasa larawan upang maski papaano ay nakakapagpalipas ito ng oras kaysa magpalaboy-laboy kasama ang mga ka-edad niyang mga bata. Alam ng mag-asawa na sa sitwasyon nila, ang mga pinapangarap ng anak nila ay hanggang doon na lang – sa mga larawan at malayong maging totoo. Tanggap nila ang katotohanang ito dahil sa kanilang kahirapan.
Sabay na kaming naglakad papunta sa Sta. Cruz. Naiwan si Cristy dahil Linggo noon at babantayan niya ang mga nakasampay na uniporme niya sa school hanggang matuyo at baka raw liparin ng hangin. Ang dalawang blusa at palda ay nilabhan daw ni Cristy mismo paggising na paggising niya. Habang naglalakad kaming tatlo, sinabi ng mag-asawa na natutuwa sila sa kanilang anak dahil mabait at may sarili nang pangarap at sana daw ay hindi matulad sa kanila na hindi man lang nakatapos ng elementaray. Napansin din nila na nakakapagbigay ito sa kanilang anak ng kakaibang sigla at kasiyahan…para ring sigla at kasiyahan daw na kanilang nadarama kapag nagsisimba at taimtim na nagdadasal sa Sta. Cruz church dala ng matindi nilang pananalig sa Diyos maski hindi nila ito nakikita. Para akong dinagukan sa huli nilang sinabi. Nawala ang gutom at antok ko dahil sa pakikipaglamay sa isang nakaburol na kaibigan sa Tondo. Tama sila…sila na nagsasabing hindi man lang nakatapos ng elementarya. Nasa isip din kaya ito ng mga nakatapos sa kolehiyo at unibersidad? …ng mga may doctorate degree? …ng mga namumuno sa ating bayan?..ng mga matatalino daw?…ng mga maka-Diyos daw?
Sana….
Like this:
Like Loading...