Ang Walang Katapusang Tongpats at Mga Kabalewalaan ng Gobyerno

Ang Walang Katapusang Tongpats at

Mga Kabalewalaan ng Gobyerno

 

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Inilalagay ng ilan nating kababayan sa kahihiyan ang ating bansa at ang lahing Pilipino dahil sa kanilang pagkagahaman sa pera. Hindi na pinatawad maski ang kaawa-awang mga Pilipinong naging biktima ng bagyong Yolanda. Sa pagkabisto na ginagawang panloloko ng mga contractor sa paggawa ng mga bunkhouses para sa mga biktima ng bagyong Yolanda, marami ang nagtatanong kung hanggang kelan ang gagawing panloloko ng iba nating mga kababayan, isang nakakasuklam na ugali.

 

Mismong ekspertong arkitekto na si Palafox ang nagsabi na ang materyales na ginamit ay sub-standard o hindi umabot sa itinakdang pamantayan. Ang masama, ang mismong hepe ng DPWH ay nagsabi na yero lang daw ang hindi umabot dahil marahil sa kalituhan o pagmamadali. May isa pang opisyal din ng gobyerno ang nagsabi na mas mabuti na ang ganoong tirahan na may bubong at apat na dingding kaysa naman wala, na para bang pahiwatig na ang mga nangangailangan ay walang karapatang mamili – sa Ingles ay “beggars are not choosers”. Si Singson ng DPWH ay nangakong magre-resign kung mapatunayang siya ay may pagkukulang. Ginawa na ito ni Petilla subali’t tulad ng inaasahan ay hindi tinanggap ng pangulo, kaya siguro malakas ang loob ni Singson na magbitaw ng ganitong pangako.

 

Kaya patuloy ang mga panloloko ng mga opisyal ng gobyerno at mga may kinalaman sa pagpapatupad ng mga proyekto ay dahil nakikita nila ang kahinaan ng pamunuan mismo ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga batas upang matigil ang kanilang ginagawa. Kasama sa kahinaang ito ang mga ahensiyang dapat ay kaagapay ng pangulo sa maayos ng pagpapatakbo ng pamahalaan. Ang mga napapatawan ng parusa kung meron man ay mga maliliit na kawani.

 

Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa mga lokal na mga opisyal na naglilipat ng mga donasyon mula sa orihinal na lagayan sa mga lagayang may pangalan at larawan nila? Wala! …Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa mga local na mga opisyal na ayaw magpaabot ng mga donasyon sa mga taong hindi bumoto sa kanila? Wala!…Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa mga kawaning nakikipagkutsabahan sa mga contractor upang makakuha ng komisyon? Wala…Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa mga kawaning nagpapalusot ng mga plano ng mga gusali na hindi umaabot sa pamantayan, tulad ng pagkakaroon ng fire exit at iba pa? Wala!…Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa mga smugglers ng bigas at iba pa na tukoy na rin naman pala? Wala! …Ano ang gagawin ng pamahalaan sa mga local na mga opisyal na nagbenta ng mga permit sa mga banyaga upang maghakot ng itim na buhangin mula sa mga aplaya sa hilagang bahagi ng bansa? Wala!

 

Napakaraming iba pang “kawalaan” ang mababanggit pagdating sa ganitong isyu…halos walang katapusan. Tulad na lamang sa pagbale wala sa rekomendasyon ni Palafox tungkol sa dapat gawin upang maiwasan o mabawasan man lamang ang mga biktima tuwing bumaha sa Marikina. Sa halip na palalimin pa at ayusin ang kalaparan ng Pasig River ay bumulaga sa mga tao ang isang condominium building na sumakop ng malaking bahagi ng ilog. Sa halip na ipatigil ang pag-develop ng mga lugar na malapit sa pampang ng ilog, tuloy pa rin ang pagtayo ng mga bahay. Wala ni isa man sa mga rekomendasyon ni Palafox ang binigyang pansin. Binabale-wala rin ang mga dapat gawin upang maiwasan ang pagbaha sa iba pang bayan. Palpak pa rin ang ginagawang mga drainage na tuwi na lang may baha ay binubungkal upang matanggalan ng basura. Hindi lamang basura ang problema ng mga drainage, kundi ang mga butas nito na ang karamihan ay hinahayaang bukas…kapabayaan ng mga dapat mangasiwa nito.

 

May mga city administrators na dapat ay nagti-check kung maayos ang kalagayan ng mga lunsod subali’t hindi sila lumalabas ng opisina. Umaasa na lamang sila sa mga report ng mga tauhan. Kaya ang mga pampang ng maliliit na daluyan ng tubig patungo sa Manila Bay na dapat ay mapanatiling malinis ay biglang nagkakaroon ng mga barung-barong na sa dami ay umaabot sa puntong hindi na sila mapaalis. Pati ilalim ng mga tulay at waiting sheds ay natitirhan. Hinahayaan nilang lumala ang mga sitwasyon na maaari sanang makontrol kung ginagawala lamang nila ang dapat nilang gawin.

 

May naturingang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local social welfare offices subali’t bakit maraming nakakalat na mga pulubi at mga batang kung tawagin ay rugby boys o mga batang hamog? Saan napupunta ang mga budget ng mga ahensiyang ito? Bakit hinahayaan ng DSWD ang mga katutubong galing sa Mindanao na mamalimos sa lansangan gayong may mga programa silang dapat magamit sa mga ito?

 

Nang pagbantaan ni Mayor Duterte ng Davao City ang mga rice smugglers na nasa Davao, umalma ang taga- Human Rights. Wala daw karapatan si Duterte na magbanta. Itong ahensiyang walang ginagawa ay mahilig sumawsaw sa mga isyu upang mapag-usapan. Ang gusto yata nitong pairalin ay karapatan ng mga criminal na pumapatay at nanloloko. Mula’t sapul ang ahensiyang Human Rights ay walang ginawa. Ang daming isyung dapat nilang pakialaman tulad ng mga nangyayari sa mga kapus-palad na naaksidente subali’t hindi natutulungan ng mga nakaaksidente, mga pasyenteng inaalipusta ng mga ospital, mga katulong na binubugbog ng amo, mga tumanda na lang sa kulungan subali’t walang linaw ang kaso, mga security guards na minamaltrato ng mga mga maimpluwensiyang tao, at napakarami pang iba…hindi yata sila nagri-research.

 

Bulag yata si Rosales ng Human Rights sa mga kaayusang nangyayari ngayon sa Davao dahil sa katapangan ng namamahala ng lungsod. Hindi yata  marunong maghambing o mag-analisa si Rosales. Unang pinatupad sa Davao city ang hindi paninigarilyo sa mga lugar na pambubliko at pagpapaputok tuwing new year na nagkaroon ng magandang resulta. Pati ang mga taxi driver sa Davao ay hindi nanloloko ng mga pasahero. Maski ilang kanto lang ang tatakbuhin, walang reklamo ang mga driver. Panatag ang loob ng mga pasaherong sumakay sa mga taxi maski dis-oras ng gabi. Nagagawa ba ito sa ibang lunsod? Ngayon, dahil sa napansing pagpasok ng rice smuggler sa Davao City na gustong masawata ng mayor, pinansin ito ng taga Human Rights…hindi niya pinansin ang resulta ng rice smuggling…mahilig talagang sumakay sa isyu.

 

Hanggang ngayon, ang isyu tungkol sa mga librong ginagamit sa elementarya na ginawang workbook ay hindi man lang napapag-usapan. Kung ibalik sa dating nakagawian na ang libro ay talagang libro lang, walang mga tanong na dapat sagutin sa huling bahagi ng mga chapter, maaaring magagamit pa ang mga ito ng mga nakababatang kapatid ng estudyante, isang malaking kabawasan sa gastos ng mga magulang. Mababawasan din ang bigat ng mga hinahakot ng mga bata sa kanilang paaralan araw-araw, na akala mo ay bibiyahe sa malayong lugar dahil sa mala-maleta nilang “school bag”. Bakit walang ginagawa ang pamahalaan tungkol dito? Simple lang ang sagot…dahil malaki ang kinikita ng mga kinauukulan kung sino man sila.

 

Iyan ang malungkot na sitwasyon ng ating bansa…

About these ads

2 thoughts on “Ang Walang Katapusang Tongpats at Mga Kabalewalaan ng Gobyerno

    • thanks for the appreciation…I am fascinated by your blogs, too…very down-to-earth!…I think we are on the same plane…Oh by the way, until now, I am intrigued by your trade – spices! I love spices!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s